Historic Preservation sa Pilipinas

From Wikfilipino
Revision as of 12:06, 21 April 2021 by Gmallorca (talk | contribs) (Created page with "''Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang [https://en.wikipilipinas.org/view/Historic_Preservation_in_the_Philippines Historic Preservation in the Philippines]...")
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Historic Preservation in the Philippines.

Sa Pilipinas, ang batas ukol sa pangangalaga sa historic sites at structures ay unang isinagawa ng individual legislation. Walang pangunahin o pangkalahatang batas na mangangalaga sa lahat ng makasaysayang lugar at monumento. Noong 1901, idineklara ng Philippine Commission, kinatawan ng kolonyal na gobyerno ng Amerika, ang Luneta na kilala ngayon bilang Rizal Park, bilang isang reserbasyon upang itayo ang bantayog ng pambansang bayani na si Jose Rizal. Isa ring panukala ang naipasa noong 1908 na nagpapahintulot na maitayo ang Pantheon of Ilustrious Filipinos sa Maynila. Ito ang itinalagang huling hantungan ng ilang piling bayaning Pilipino.

Nagsimula ang pagbibigay halaga sa pagpapanatili ng mga monumentong naging mahalagang bahagi ng nakaraan noong 1918 nang isabatas ang Public Act No. 2760. Ito ang naglatag ng mga hakbang na kakailanganin sa pagtatayo, pagpapanatili, at pagpapaganda o pagpapabuti ng national monuments. Taong 1933 nang ipalabas ang Executive Order No. 451 na bumuo ng Historical Research and Markers Committee (HRMC). Ito ay itinalaga upang kilalanin at lagyan ng tanda ang mga mahalagang bahagi ng kasaysayan o historic antiquities mula Maynila hanggang sa buong bansa. Makalipas ang tatlong taon, nagkaroon ng reorganisasyon sa HRMC matapos ang pagpapasa ng Commonwealth Act No. 169. Inatasan nito ang HRMC na ipreserba o panatilihin ang mga lumang lugar o bagay. Matapos ang isang taon, isinabatas ang Executive Order No. 91 upang buuin ang Philippines Historical Committee upang kunin, bilhin, at ayusin ang mga lumang gamit at lugar. Sa loob ng 28 taon, kinilala nito ang 444 makasaysayang lugar at istruktura at nagbigay ng suporta at nagpalawak ng kaalaman sa pagpapanatili at pangangalaga ng mga ito. Mayroon din silang kinilalang limang pangunahing makasaysayang lugar na nagbibigay pugay at halaga sa mga bayani.

Taong 1965 ng itatag ang National Historical Commission (NHC) sa pamamagitan ng Republic Act No. 4368. Itinalaga ito upang kilalanin at lagyan ng marka ang mga makasaysayang lugar sa bansa. Ito rin ay inatasang pangunahan ang pagsasaayos at pagpapanatili ng mga lugar at istruktura.

Noong 24 Setyembre 1972, sa pamamagitan ng Presidential Decree No.1, nireorganisa ang ehekutibong sangay ng pamahalaan. Inatasan ang National Historical Institute (NHI) upang ayusin at panatilihin ang mga pambansang makasaysayang lugar at monumento sa bansa. 10 opisina ang isinara upang buuin at pag-isahin ang pagsasaayos at pagpapanatili ng mga makasaysayang lugar.

Taong 1973 nang maisabatas ang Presidential Decree No. 260. Kinilala nito ang mga mahalagang pangangailangan ng mga programa upang maalagaan at mapanatili ang mga makasaysayang lugar, gamit, at istruktura. 8 makasaysayang lugar at istruktura ang idineklara at kinilala upang pangalagaan at panatilihin ng NHI. Nagkaroon din ng higit na kapangyarihan ang NHI na kumilala ng iba pang makasaysayang lugar at monumento upang mapangalagaan.

1975 nang isabatas ang Presidential Decree No. 374 upang susugan o amyendahan ang Cultural Properties Act. Itinalaga ang National Museum of the Philippines (NM) upang pangalagaan, panatilihin, at ayusin ang mga istruktura, gusali, monumento, bayan, at lugar na kinilalang pambansang kayamanan ng kultura.

Ang Presidential Decree Nos. 260 at 374 ang nagbigay ng klasipikasyon ng makasaysayang lugar at istruktura sa limang kategorya: a) National Cultural Treasures o Pambansang Kayamanan ng Kultura – natatanging lugar at bagay na nagtataglay ng kahalagahang kultural o siyentipiko na mahalaga sa bansa; b) Important Cultural Properties o Mahalagang Katangian sa Kultura – katangian ng kultura na may natatanging kultural o siyentipikong kahalagahan sa bansa; c) National Shrines o Pambansang Shrine – mga makasaysayang lugar o bagay na binibigyang halaga upang kilalanin ang kanilang kasaysayan o kahalagahan tulad ng Rizal Shrines sa Maynila, Laguna, at Dapitan city; at ang Emilio Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite; d) National Monuments o Pambansang Monumento – mga bagay o bahagi ng lugar o bagay na may kahalagahan sa kasaysayan at kinikilala ng gobyerno bilang public property o pagmamay-ari ng publiko. Halimbawa ang mga pader sa Intramuros, Bantayog ni Rizal sa Maynila, at ang Bantayog ni Bonifacio sa Caloocan City; e) National Landmark o Pambansang Landmark – mga lugar o bagay na nauugnay sa pangyayari, katangian, at pagbabago na nagsilbing turning point sa kasaysayan ng bansa tulad ng Barasoain Church, San Sebastian Church, at Underground Cemetery. Halos lahat ng sinanunang simbahan sa bansa na itinayo ng mga Kastila ay nabibilang sa kategoryang ito.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.