Gregorio del Pilar

From Wikfilipino
Revision as of 10:11, 1 March 2021 by Vanunez (talk | contribs)
Jump to navigation Jump to search

Si Heneral Gregorio H. del Pilar (Nobyembre 14,1875 - Disyembre 2,1899) na kilala bilang “bayani ng Tirad Pass" ay ang pinakabatang Pilipinong heneral na nagsakripisyo ng kanyang buhay para sa kalayaan at kasarinlan ng Pilipinas noong panahon ng rebolusyon.

Siya ang pangalawa sa mga pinakabatang anak ng kanyang mga magulang na sina Fernando H. del Pilar at Felipa Sampio, na ipinanganak noong 14 Nobyembre 1875 sa San Jose, Bulacan. Marahil nasa dugo na niya ang pagiging nasyonalismo dahil ang kanyang tiyo na si Marcelo H. del Pilar ay isa ring propagandista, at ang isa pa niyang tiyo na si Padre Toribio H. del Pilar ay kasama naman ay sa pag-aalsa sa Cavite noong 1872.

Edukasyon

Nakamit niya ang kanyang maagang edukasyon mula kay Maestrong Monico at kinalaunan ay mula sa paaralan ni Pedro Serrano Laktaw. Matapos niyang makumpleto ang kanyang pag-aaral sa elemantarya, pumasok siya sa Ateneo de Manila at tumira kasama ang kanyang tiyo na si Deodato Arellano, pinuno ng kilusang propaganda.

Natapos niya ang kanyang Batsilyer sa Sining noong Marso 1896 ngunit hindi na niya naipagpatuloy ang kanyang pag-aaral bilang master Craftsman dahil sumiklab na ang rebolusyon pagdating ng Agosto.

Mga Pakikipaglaban

Sa kabila ng kaniyang edad, matapang na sundalo si Del Pilar. Noong 1 Enero 1897, kasama siya sa ilang mga sundalong Pilipino na nanguna sa labanan sa Kakarong de Sili sa Pandi, Bulacan. Dahil dito at sa kaniyag ipinamalas na katapangan sa labanan, itinaas ang kanyang ranggo bilang tenyente. Tumaas muli ito at naging tenyente koronel si Del Pilar nang matagumpay niyang pinangunahan ang pagsalakay sa Paombong, Bulucan noong 3 Setyembre 1897.

Noong Agosto 1897, nagsagawa naman siya ng isang pagsalakay sa Paombong, kung saan natalo rin niya ang pwersa ng Espanyol at muling naitaas ang kanyang ranggo sa Tenyente Koronel.

Napansin ni Aguinaldo ang kanyang galing sa pakikidigma, kaya matapos ang konklusyon ng Kasunduan ng Biak-na Bato noong Disyembre 14 at 15, 1897, sumama siya kay Aguinaldo at naging isa sa mga alaga nito. Noong Mayo 1898, itinalaga siya ni Aguinaldo na maging Diktador ng Bulakan at Nueva Ecija.

Sa gabi ng 1 Hunyo 1898, dumating ang tropa ni del Pilar sa Kay Luntaw, itinayo ang kanyang kuta sa Matungao at sinimulan niyang paligiran ang probinsiya ng Bulakan. Noong 24 Hunyo, pinirmahan ni Gobernador Vicente Cuervo at Commander Ortiz ang pagsuko ng mga Espanyol, at dahil sa kanyang tagumpay, itinaas muli ang kanyang ranggo sa Brigadier General.

Naging kanang-kamay si del Pilar ni Aguinaldo noong 5 Hunyo 1899. Ginawa rin siyang Gobernador Militar ng Pangasinan. Noong Nobyembre 22, inutusan si del Pilar na depensahan ang Mt. Tirad upang maprotektahan ang pagtakas ni Presidente Aguinaldo.

Sa umaga ng 2 Disyembre 1899, sinugod ang Mt. Tirad ng 300 Amerikano sa ilalim ni Major Payton C. March. Noong una, napigilan ng mga sundalong Pilipino ang pag-atake ng mga kaaway, ngunit isang bayarang espiya, si Jose Galut ang nagkanulo sa mga Pilipinong sundalo kaya naman nakapasok ang mga kaaway. Sa araw ding ito, nabaril si del Pilar at binawian agad ng buhay.