Gomburza

From Wikfilipino
Revision as of 12:37, 26 January 2022 by Mrmagcamit (talk | contribs)
Jump to navigation Jump to search

Ang GomBurZa ay pinaikling pangalan para sa tatlong Pilipinong paring sekular na sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora. Sila ay hinatulan ng kamatayan ng mga Espanyol noong 17 Pebrero 1872 sa Bagumbayan (Luneta Park sa kasalukuyan) dahil sa kanilang pagkakasangkot sa Pag-aalsa sa Cavite na naganap noong 20 Enero 1872. Pinag-initan sila ng mga Espanyol matapos nilang isulong at ipaglaban ang pantay na karapatan ng mga pari lalo pa tungkol sa sekularisasyon. Ito ay nagdulot ng gusot o di pagkakasundo sa pagitan ng mga relihiyoso at hindi. Naging mitsa rin ito ng kampanya laban sa mga paring dayuhan.[1]

Ang 2022 ay nakatakda para sa paggunita sa ika-150 taong anibersaryo ng kamatayan ng magigiting na pari.[2]

Mariano Gomez

Si Mariano Gomez de los Angeles, ipinanganak noong 2 Agosto 1799 sa Santa Cruz, Maynila, ay punong pari noon ng Bacoor, Cavite. Siya ay naging tanyag dahil sa kaniyang mga adbokasiya para sa pagkakapantay ng mga Pilipinong pari sa mga prayleng Espanyol (tumutukoy sa mga kasapi ng ordeng panrelihiyon tulad ng mga Agustino, Dominiko, Pransiskano, Heswita, at Rekoleto na kasamang dumating sa Pilipinas ng mga mananakop na Espanyol). Si Gomez ay kilala rin sa paglaban sa mga pang-aabuso ng mga prayle at ng mga mananakop na Espanyol.

Jose Burgos

Si Jose Apolonio Burgos y Garcia ay ipinanganak noong 9 Pebrero 1837 sa Vigan, Ilocos Sur. Siya ay nag-aral at nagpakadalubhasa sa mga tanyag na institusyon tulad ng Unibersidad ng Santo Tomas at Colegio de San Juan De Letran. Siya ay nahilig sa pagsusulat ng mga akda. Ang kaniyang mga akda ukol sa mga nararapat na reporma sa Simbahang Katoliko at ang pagpapahayag niya ng suporta sa pagrami ng mga katutubong  Pilipinong pari kumpara sa mga prayle ay naging dahilan ng pag-init ng kaniyang pangalan sa mga paring Espanyol. Siya ang tunay na target ng mga prayle dahil sa mga pagbabagong nais nitong isulong. [3] [4]

Si Burgos ay kilala ring malapit na kaibigan ni Paciano Rizal, nakatatandang kapatid ni Jose Rizal. Ang pagbitay sa GomBurZa ay may malaking epekto sa magkapatid na Rizal. Patunay rito ang paghahandog ni Jose Rizal ng kaniyang nobelang El Filibusterismo sa tatlong pari.[3]

Jacinto Zamora

Si Jacinto Zamora y del Rosario ay ipinanganak noong 14 Agosto 1835 sa Pandacan, Maynila. Sa kaniyang panunungkulan bilang pari, siya ay nangasiwa siya ng mga parokya sa Marikina, Pasig, at Batangas. Pinamunuan din niya ang Manila Cathedral noong 1864. Tulad nina Gomez at Burgos, pinagsikapan at ipinaglaban din ni Zamora na mabawasan ang diskriminasyon ng mga prayleng Espanyol laban sa mga katutubong pari.[4]

Gayunman, may ulat na si Zamora ay nadawit lamang sa sigalot na ito sapagkat nang salakayin ng mga awtoridad ang kaniyang bahay ay may nakuhang liham na nag-aanyaya sa kaniya na magdala ng “bala at pulbura,” na code ng kaniyang mga kaibigan para sa “pera sa sugal.” Si Zamora ay mahilig sa sugal. [1]

Mga Makapangyarihang Espanyol

Ang tatlong paring martir ay pinaratangan na utak ng Pag-aalsa sa Cavite noong 20 Enero 1872 kung saan humigit-kumulang sa 200 Pilipinong manggagawa at kawal sa arsenal sa Cavite ang nag-alsa upang ipaglaban ang hindi nila pagsang-ayon sa pagbabayad ng tributo at ang sapilitang pagtatrabaho. Ang pag-aalsa ay mabilis namang napigilan ni Gobernador-Heneral Rafael de Izquierdo. Ginamit ng gobernador-heneral ang pag-aalsang ito upang maging dahilan ng kanilang pagkondena sa mga Pilipinong magtatangkang magpasa ng reporma sa pamahalaan at sa simbahan.[5] [6]

Sa isinadokumentong ulat ng Espanyol at historyador na si Jose Montero y Vidal, nabigyang-diin ang pagtatangka ng mga Indio na mapabagsak ang pamahalaang Espanyol sa Pilipinas. Samantala, lalong lumakas ang bintang na ito sa opisyal at malisyosong pahayag ni Izquierdo at ginamit ito upang lalong idiin ang mga paring Pilipino na aktibo noong nananawagan sa sekularisasyon. Nagkaroon ng kolaborasyon ang dalawa upang hindi matagumpay ang rebolusyong ito. [7]

Dahil sa umano’y pagkakasangkot ng tatlong pari sa Pag-aalsa sa Cavite at pagtataksil sa pamahalaang Espanyol, ang GomBurZa ay inaresto at nilitis sa napakaikling panahon. Bagama’t walang matibay na ebidensiya, hinatulan ang tatlo ng kamatayan sa pamamagitan ng garote, instrumentong pambitay na may pansakal, noong 15 Pebrero 1872. Sila ay ikinulong muna kasama ng iba pang rebolusyonaryo tulad nina Joaquin Pardo de Tavera at Maximo Paterno. [1][7]

Ang GomBurZa ay binitay sa harap ng halos apat na libong Pilipino noong kinaumagahan ng 17 Pebrero 1872 sa Bagumbayan. Ayon sa ulat, maluwag na tinanggap ni Gomes ang kamatayan sa edad na 72; si Zamora, 36 anyos, ay nakatulala; at si Burgos, na pinakabata sa tatlo sa edad na 35, ay iyak nang iyak. [1]

Epekto ng Kamartiran ng GomBurZa sa mga Pilipino

Ang pagbitay sa tatlong pari ay pumukaw sa damdaming makabayan ng maraming Pilipino noong panahon ng mga Espanyol. Ang galit at hinagpis ng mga Pilipino sa hindi makatarungang kamatayang ito ang nagpaalab ng kanilang pagnanasa na makalaya sa kamay ng mga Espanyol at magpasimula ng isang rebolusyon.

Inihandog ni Jose Rizal ang El Filibusterismo sa tatlong pari na pinaninindigan niyang biktima ng kasamaan ng mga prayle. Sinasalamin ng dalawang nobela ni Rizal, kasama ang Noli Me Tangere, ang masasamang gawi ng mga prayle sa katauhan nina Padre Damaso, Padre Salvi, Padre Camorra, at iba pa.[3]

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 Xiao Chua. “Ang Paggarote sa Tatlong Paring Gomburza.” It’s Xiaotime!, 13 Pebrero 2013. https://xiaochua.net/2013/02/15/xiaotime-15-february-2013-ang-paggarote-sa-tatlong-paring-gomburza/. Accessed 26 Enero 2022.
  2. Philstar News. “NHCP unveils ‘GOMBURZA@150’ logo.” YouTube, 17 Pebrero 2021. https://www.youtube.com/watch?v=DN_upYgwALQ. Accessed 26 Enero 2022.
  3. 3.0 3.1 3.2 Phillip Y. Kimpo Jr., ed. Virgilio S. Almario. “Jose Burgos,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. (pdf)
  4. 4.0 4.1 Phillip Y. Kimpo Jr., ed. Virgilio S. Almario. “Jacinto Zamora,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. (pdf)
  5. Phillip Y. Kimpo Jr. “Gomburza,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. (pdf)
  6. Phillip Y. Kimpo Jr. “Pag-aalsa sa Cavite,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. (pdf)
  7. 7.0 7.1 Chris Antonette Piedad-Pugay. “The Two Faces of the 1872 Cavite Mutiny.” National Historical Commission of the Philippines, 5 Setyembre 2012. https://nhcp.gov.ph/the-two-faces-of-the-1872-cavite-mutiny/. Accessed 26 Enero 2022.