Difference between revisions of "Gomburza"

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Line 40: Line 40:
 
[[Category:Kasaysayan]]
 
[[Category:Kasaysayan]]
 
[[Category:Quincentenario]]
 
[[Category:Quincentenario]]
 +
[[Category:Bayaning Pilipino]]

Revision as of 12:54, 23 February 2021

Ang Gomburza ay pinaikling pangalan para sa tatlong Pilipinong paring sekular na sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora. Sila ay hinatulan ng kamatayan ng mga Kastila noong 17 Pebrero 1872 sa Bagumbayan (Luneta sa kasalukuyan) dahil sa kanilang pagkakasangkot sa pag-aalsa sa Cavite (Cavite Mutiny) noong 20 Enero 1871.

Pinag-initan sila ng mga Kastila matapos nilang isulong at ipaglaban ang pantay na karapatan ng mga pari lalo pa tungkol sa sekularisasyon. Ito ay nagdulot ng gusot o di pagkakasundo sa pagitan ng mga relihiyoso at hindi. Naging mitsa rin ito ng kampanya laban sa mga paring Kastila.

Mariano Gomez

Si Mariano Gomez de los Angeles ay isang kilalang Pilipinong pari noong panahon ng mga Espanyol. Siya ang punong pari ng Bacoor, Cavite at kilala siya dahil sa kaniyang mga adbokasiya para sa pagkakapantay ng mga Pilipinong pari sa mga prayleng Espanyol (tumutukoy sa mga kasapi ng ordeng panrelihiyon tulad ng mga Agustino, Dominiko, Pransiskano, Heswita, at Rekoleto na kasamang dumating sa Pilipinas ng mga mananakop na Espanyol). Si Gomez ay kilala rin sa paglaban sa mga pang-aabuso ng mga prayle at ng mga mananakop na Espanyol.

Jose Burgos

Si Jose Burgos ay nagmula sa Vigan, Ilocos Sur. Siya ay nag-aral at nagpakadalubhasa sa mga tanyag na institusyon tulad ng Unibersidad ng Santo Tomas at Colegio de San Juan De Letran. Siya ay nahilig sa pagsusulat ng mga akda. Ang kaniyang mga akda ukol sa mga nararapat na reporma sa Simbahang Katolika at ang pagpapahayag niya ng suporta sa pagrami ng mga katutubong  Pilipinong pari kumpara sa mga prayle ay naging dahilan ng pag-init ng kaniyang pangalan sa mga paring Espanyol.

Si Burgos ay malapit na kaibigan ni Paciano Rizal, nakatatandang kapatid ni Jose Rizal. Ang pagbitay sa Gomburza ay may malaking epekto sa magkapatid na Rizal. Patunay rito ang paghahandog ni Jose Rizal ng kaniyang nobelang El Filibusterismo sa tatlong pari.

Jacinto Zamora

Si Jacinto Zamora ay ipinanganak sa Pandacan, Maynila. Sa kaniyang panunungkulan bilang pari, siya ay nakapagtatag ng mga Parokya sa Marikina, Pasig at Batangas. Pinamunuan din niya ang Manila Cathedral noong 1864. Tulad nina Gomez at Burgos, pinagsikapan at ipinaglaban din ni Zamora na mabawasan ang diskriminasyon ng mga prayleng Espanyol laban sa mga katutubong pari.

Pag-aalsa sa Cavite

Ang tatlong Pilipinong pari ay pinaratangan na utak ng Pag-aalsa sa Cavite noong 1872 kung saan humigit-kumulang sa 200  Pilipinong manggagawa at kawal sa arsenal sa Cavite ang nag-alsa upang ipaglaban ang hindi nila pagsang-ayon sa pagbabayad ng tributo at ang sapilitang pagtatrabaho. Ang pag-aalsa ay nangyari noong 20 Enero 1872 na mabilis namang napigilan ni Gobernador-Heneral Rafael de Izquierdo. Ginamit ng gobernador-heneral ang pag-aalsang ito upang maging rason ng kanilang pagkondena sa mga Pilipinong magtatangkang magpasa ng reporma sa pamahalaan at sa simbahan.

Dahil sa umano’y pagkakasangkot ng tatlong pari  sa Pag-aalsa sa Cavite, ang Gomburza ay inaresto at nilitis sa napakaikling panahon. Sila ay napatunayang nagtaksil laban sa pamahalaang Espanyol at ikinulong kasama ang iba pang rebolusyonaryong sina Joaquin Pardo de Tavera at Maximo Paterno.

Kamartiran ng Gomburza

Matapos mapatunayang ang tatlong pari ay nagtaksil laban sa pamumuno ng mga Espanyol, sila ay hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng garote. Noon marinig nila ang hatol, naiulat na ang tatlong pari ay umiyak at naging balisa. Ang Gomburza ay binitay sa harap ng halos apat na libong Pilipino noong kinaumagahan ng 17 Pebrero 1872 sa Bagumbayan.

Epekto ng Kamartiran ng Gomburza sa mga Pilipino

Ang pagpatay sa tatlong pari ay pumukaw sa damdaming makabayan ng maraming Pilipino noong panahon ng mga Espanyol. Ang galit at hinagpis ng mga Pilipino sa pagpatay sa Gomburza ang nagpaalab ng kanilang pagnanais na makalaya sa kamay ng mga Kastila at magsimula ng isang rebolusyon.

Inihandog ni Jose Rizal ang El Filibusterismo sa tatlong pari na pinaninindigan niyang biktima ng kasamaan ng mga prayle. Sinasalamin ng dalawang nobela ni Rizal, kasama ang Noli Me Tangere, ang masasamang gawi ng mga prayle sa katauhan nina Padre Damaso, Padre Salvi, Padre Camorra, at iba pa.

Mga Sanggunian

The martyrdom of GomBurZa | Presidential Museum and Library. Hinango noong 4 Enero 2021

Umali, Justin. 2020. How the Death of Gomburza Led to a Wholly Filipino Church.Hinango noong 4 Enero 2021.

Cavite Mutiny. Britannica Encyclopedia. Hinango noong 4 Enero 2021.

Phillip Y. Kimpo Jr. “Gomburza,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. (pdf)

Phillip Y. Kimpo Jr. “Pag-aalsa sa Cavite,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. (pdf)

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.