Gloria Romero

From Wikfilipino
Revision as of 06:43, 23 December 2020 by Damarante (talk | contribs) (Created page with "Si '''Gloria Galla''', higit na kilala bilang '''Gloria Romero''', ang itinuturing na orihinal na Reyna ng Pelikulang Pilipino, at nananatiling isa sa mga haligi ng industriya...")
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Si Gloria Galla, higit na kilala bilang Gloria Romero, ang itinuturing na orihinal na Reyna ng Pelikulang Pilipino, at nananatiling isa sa mga haligi ng industriya ng pelikulang Pilipino ngayon.

Buhay at Karera

Ipinanganak si Romero sa Denver, Colorado noong 16 Disyembre 1933. Mula sa Pangasinan ang kanyang tatay na si Pedro Galla, samantalang isang Amerikano naman ang kanyang nanay na si Mary Borrego.

Nagsimula si Romero bilang ekstra sa mga pelikula ng Sampaguita Pictures noong 1951 gamit ang kanyang tunay na pangalan. Noong 1952 ay inumpisahan niyang gamitin ang pangalang “Gloria Romero,” na ipinalagay na mas angkop sa kanyang trabaho kaysa sa tunay niyang pangalan. Sa taon ding iyon ay nabigyan si Romero ng pagkakataong maipamalas ang kanyang husay sa pag-arte sa pamamagitan ng pelikulang Monghita kung saan niya nakatambal bilang bida si Oscar Moreno. Sa kanyang mga sumunod na pelikula ay nakatambal niya ang ilan sa pinakasikat na artista nang panahong iyon, kabilang sina Ramon Revilla, Fred Montilla, Pancho Magallona, Ric Rodrigo, Dolphy at Luis Gonzales. Lubos ang naging pagtanggap ng mga manonood sa kanilang tambalan ni Gonzales. Itinampok ang kanilang tambalan sa humigit-kumulang tatlumpung pelikula.

Bukod sa drama ay nagtagumpay rin si Romero sa pagganap sa mga pelikulang hango sa mga seryeng pangkomiks tulad ng Kurdapya, Mariposa, at Miss Tilapia. Gumanap din siya maging sa mga musical tulad ng Pagdating ng Takip-silim, Colegiala, at Paru-parong Bukid.

Dahil sa kanyang tagumpay noong dekada 50 ay itinuring si Romero bilang Reyna ng Pelikulang Pilipino. Sa paglipas ng panahon ay nanatiling maningning ang bituin ni Romero. Sa kanyang ikalimampung taon bilang artista ay muli niyang pinatunayan ang kanyang husay sa pag-arte sa pamamagitan ng pelikulang Tanging Yaman (2000). Sinundan ito ng isa pang premyadong pagganap sa pelikulang Magnifico (2003).

Mula 1951 hanggang 2008 ay nakagawa si Romero ng humigit-kumulang 180 pelikula.

Bukod sa pelikula ay nagtagumpay rin si Romero sa larangan ng pag-arte sa mga seryeng pantelibisyon, maging drama o comedy man. Isa sa pinakakilalang karakter na kanyang ginampanan ay si Minerva Chavez, ang lasenggang lola sa Palibhasa Lalake (1986-1998). Kasama rin siya sa mga pangunahing karakter sa OK Fine Whatever (2003), at Da Adventures of Pedro Penduko (2006).

Mga Parangal

Makailang ulit nang nanomina si Romero upang tumanggap ng mga parangal para sa natatanging pagganap sa pelikula. Itinanghal siyang best actress ng Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) noong 1954 para sa kanyang pagganap sa pelikulang Dalagang Ilocana. Noong 1987 ay itinanghal naman siya bilang best supporting actress ng Film Academy of the Philippines para sa Saan Nagtatago ang Pag-ibig?. Sa sumunod na taon ay natanggap niya ang ganoon ding pagkilala mula sa FAMAS para sa Nagbabagang Luha. Noong 2001, sa gulang na pitumpu, ay napanalunan niya ang tropeo bilang best actress mula sa Urian para sa Tanging Yaman. Nauna na niyang nakamit ang pagkilala bilang best actress para sa nasabing pelikula nang ilahok ito sa Metro Manila Film Festival noong Disyembre 2000. Itinanghal naman siya ng Urian bilang best supporting actress noong 2004 para sa Magnifico.

Noong 2004 ay natanggap ni Romero ang Natatanging Gawad mula sa Urian para sa kanyang di-matatawarang kontribusyon sa pelikulang Pilipino. Noong 2005 naman ay tinanggap niya ang Gawad Direk mula sa Directors' Guild of the Philippines.

Ilang Pelikula

  • Paupahan (2008)
  • Bahay Kubo: A Pinoy Mano Po (2007)
  • M.O.N.A.Y. (Mistakes obda neyson adres Yata) ni Mr. Shooli (2007)
  • I Wanna Be Happy (2006)
  • Bahay ni Lola 2 (2005)
  • Beautiful Life (2004)
  • Magnifico (2003)
  • American Adobo (2002)
  • Bahay ni Lola (2001)
  • Tanging Yaman (2000)
  • Dahil May Isang Ikaw (1999)
  • Takot Ako sa Darling Ko (1997)
  • Ang Misis Kong Hoodlum (1996)
  • Forever (1994)
  • Kadenang Bulaklak (1992)
  • My Other Woman (1990)
  • Bilangin Mo ang Bituin sa Langit (1989)
  • Nagbabagang Luha (1988)
  • Saan Nagtatago ang Pag-ibig? (1987)
  • Bakit May Putik ang Bulaklak? (1979)
  • Sakada (1976)
  • Lipad, Darna, Lipad (1973)
  • Patria Adorada (Dugo ng Bayani) (1969)
  • Pinagbuklod ng Langit (1969)
  • Iginuhit ng Tadhana: The Ferdinand E. Marcos Story (1965)
  • Alyas Sakay (1961)
  • Paru-parong Bukid (1957)
  • Colegiala (1957)
  • Miss Tilapia (1956)
  • Mariposa (1955)
  • Kurdapya (1954)
  • Dalagang Ilocana (1954)
  • May Umaga Pang Darating (1953)
  • Monghita (1952)
  • Palasig (1952)
  • Kasintahan sa Pangarap (1951)

Mga Seryeng Pantelebisyon

  • Palos (2008)
  • Lastikman (2007)
  • Sana'y Wala nang Wakas (2003)
  • OK Fine Whatever (2003)
  • Labs Ko si Babes (2000)
  • Familia Zaragoza (1995)
  • 50 Karats (1992)
  • Palibhasa Lalake (1986-1998)

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.