Francis Escudero

From Wikfilipino
Revision as of 12:56, 19 May 2022 by Mrmagcamit (talk | contribs)
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Chiz.jpg

Si Francis Joseph Guevarra Escudero, kilala rin bilang Chiz Escudero, ay abogado at politiko. Siya ay isa sa 12 kandidato na iprinoklama ng Komisyon sa Halalan na nagwagi bilang senador sa nagdaang Halalan 2022. Kabilang siya sa mga bumubuo ng Ika-19 Kongreso ng Pilipinas.

Si Escudero ay naging gobernador ng Sorsogon mula 2019 hanggang 2022; senador mula 2007 hanggang 2019; at kinatawag ng Unang Distrito ng Sorsogon mula 1998 hanggang 2007. Naging House Minority Leader din siya noong huli niyang termino sa Kongreso.

Noong 2016, tumakbo siya bilang pangalawang pangulo kung saan nakatambal niya si Senadora Grace Poe, ngunit pareho silang nabigo. Kilala rin si Escudero bilang mister ng artista at fashion icon na si Heart Evangelista.

Pormal na naghain ng kandidatura si Escudero sa pagka-senador noong 1 Oktubre 2021 para sa Halalan 2022. Ayon sa kaniya, muli siyang magbabalik sa senado upang ibigay ang kaniyang serbisyo sa susunod na administrasyon upang masolusyunan ang mga suliraning pang-ekonomiya at pangkalusugan ng bansa.

Personal na Buhay

Si Francis Joseph “Chiz” Escudero ay isinilang noong 10 Oktubre 1969 sa Maynila. Ama niya si Salvador “Sonny” Escudero III na dating kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura mula 1984 hanggang 1986 at 1996 hanggang 1998. Ang ama ni Escudero ay nagsilbi ring kinatawan ng Unang Distrito ng Sorsogon mula 1987 hanggang 1998 at noong 2007 hanggang 2012 na naging taon din ng kamatayan niya. Ang ina ni Escudero na si Evelina Guevarra ay naupo bilang kinatawan ng Sorsogon simula 2013. Ang kaniyang lolo na si Salvador Escudero Jr. ay naging alkalde ng Casiguran, Sorsogon.

Nag-aral si Escudero sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) mula kindergarten hanggang law school. Nagtapos siya ng elementarya noong 1981, high school noong 1985, at kursong political science noong 1988. Nag-aral din siya ng law sa UP at nagtapos noong 1993.

Nagtrabaho si Escudero bilang assistant teacher sa UP – Department of Political Science at naging junior political analyst sa Batangas Development Planning Office. Nang matapos sa UP Law at makapasa ng bar, naging junior associate siya sa Bautista, Picazo, Buyco and Fider Law Office. Noong 1994, nagtrabaho siya bilang legal consultant ng UNLAD Ship Management and Manning Corporation at legal counsel ng Crusade Against Violence.

Noong 1995, itinatag ni Escudero kasama sina Eugenio Villareal, Robert Anthony Sison, at Diosdado Marasigan ang Escudero, Marasigan, Sta. Aa, Valiente, and Villareal Law Office (EMSAVVIL Law).

Natapos ni Escudero ang kaniyang master’s degree sa international and comparative law mula sa Georgetown Law Center sa Washington DC noong 1996. Naging senior lecturer naman sa UP – College of Law noong 1996 hanggang 1998 at nagturo sandali sa Ateneo de Manila University Graduate School.

Ikinasal si Escudero noong 1999 sa mang-aawit at aktres sa teatro na si Christine Elizabeth Flores. Nagkaroon sila ng kambal na anak noong 2007. Gayunman, na-annul ang kasal nila noong 2011.

Noong 2012, napaulat ang relasyon nila ng aktres na si Heart Evangelista. Inanunsiyo nila ang kanilang engagement noong 2014 at ikinasal noong 15 Pebrero 2015 sa Balesin Island, Polillo, Quezon. Noong Mayo 2018, inanunsiyo ni Evangelista na siya ay buntis at kambal ang dinadala. Ngunit noong buwan ding iyon, sinabi ni Evangelista na siya ay nakunan sa isa sa mga sanggol sa kaniyang tiyan. Noong Hunyo, nalaglag din ang isa pang bata sa sinapupunan ni Evangelista.

Bilang Politiko

House of Representatives

Bata pa lamang si Escudero ay nais na niyang maging politiko. Noong 1998, sa edad na 28, nanalo siyang kinatawan ng Unang Distrito ng Sorsogon. Isa siya sa pinakabatang bahagi ng Ika-11 Kongreso ng Pilipinas. Mula 1998 hanggang 2009, bahagi siya ng partidong Nationalist People’s Coalition.

Mula Hunyo 1998 hanggang Nobyembre 2000, nagsilbi si Escudero bilang assistant majority floor leader ng Ika-11 Kongreso at naging second deputy majority floor leader noong Nobyembre 2000 hanggang Enero 2001. Sa kaniyang huling termino bilang kinatawan, siya ay naging minority floor leader mula 2004 hanggang 2007.

Sa kaniyang panahon bilang kinatawan, naging isang ganap na lungsod ang Sorsogon. Noong 16 Agosto 2000, naipasa ang Republic Act 8806 na pinag-iisa ang Sorsogon at Bacon. Naging lungsod ang Sorsogon noong 30 Hunyo 2021.

Nagsilbi rin bilang campaign spokesperson si Escudero ng aktor at kumandidatong pangulo na si Fernando Poe Jr. noong halalan 2004 na masasabing nagpaingay sa pangalan niya sa mundo ng politika. Gayunman, natalo si Poe ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Senado

Tumakbo bilang senador si Escudero noong 2007 at nakuha ang ikalawang puwesto sa mga senador na may pinakamaraming boto, sunod kay Loren Legarda. Naging chairman siya ng Senate committee tulad ng justice and human rights, national defense, at ways and means.

Noong Oktubre 2009, umalis siya bilang bahagi ng Nationalist People’s Coalition at naging independent. Inaasahan noon na tatakbo si Escudero bilang pangulo ng bansa ngunit hindi siya tumuloy. Sa halip, inendorso na lamang niya sina Benigno Aquino III at Jejomar Binay na parehong nagwagi noong halalan 2010. Noong 2013, muling tumakbo bilang senador si Escudero at pinalad pa ring manalo.

Pagkandidato bilang pangawalawang pangulo

Noong 2016, tumakbo si Escudero bilang pangalawang pangulo kasama ni Grace Poe, anak ni Fernando Poe Jr. Ginawa niyang pormal ang kaniyang kandidatura nang ianunsiyo niya noong 15 Setyembre 2015 sa Club Filipino. Ayon kay Poe, napili niya si Escudero dahil hindi lang daw ito kaibigan kundi isang taong mapagkakatiwalaan na katangian ng isang lider na kailangan ng Pilipinas.

Nag-umpisang lumabas ang mga sarbey tungkol sa mga kumakandidato sa pagkapangalawang pangulo at isa si Escudero sa mga nangunguna, kasama ni Bongbong Marcos. Gayunman, matapos ang eleksiyon 2016, nakakuha si Escudero ng 12% ng mga boto at ikaapat lamang sa anim na kandidato. Si Leni Robredo ang nagwagi bilang pangalawang pangulo.

Gobernador ng Sorsogon

Noong 2019, nanalo si Escudero bilang gobernador ng Sorsogon. Noong Hulyo 2021, kinuwestiyon ni Escudero ang pagkakahati-hati ng suplay ng bakuna kontra COVID-19 sa Bicol. Ang 36,800 doses ng bakuna na dinala sa Bicol ay ibinigay lamang sa mga lalawigan at lungsod ng Albay, Legazpi, at Naga. Ayon kay Escudero, dapat daw ay mabigyan sila ng sapat na suplay ng bakuna kahit mababa ang kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.

Kahit na hindi na humahawak ng posisyon si Escudero sa pamahalaang pambansa, bukas pa rin siya sa pagbibigay ng pahayag at kritisismo sa kasalukuyang administrasyon kabilang ang kamakailang napabalitang maling paggamit ng pondo ng Department of Health (DOH) na nasilip ng Commission on Audit (COA).

Pagtakbo sa 2022

Sa isang pahayag noong Hunyo 2021, sinabi ni Escudero na tatakbo siyang muli bilang senador ng bansa. Sa ilang sarbey na lumabas, isa si Escudero sa mga pangalang matunog at nangunguna.

Noong 1 Oktubre 2021, naghain ng kandidatura sa pagka-senador si Escudero sa pamamagitan ng kaniyang abogadong si George Garcia sa Sofitel Hotel sa Lungsod Pasay. Ayon kay Escudero, nais niyang makabalik sa senado upang matulungan ang bansang makabangon mula sa mga epekto ng pandemya. Tumakbo siya sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition (NPC).

Sa kaniya raw pagkandidato, marami siyang maaaring maiambag sa muling pagbangon ng Pilipinas lalo na sa susunod na administrasyong napakalaki ng haharaping suliraning dulot ng krisis pangkalusugan.

“Ako po ay kakandidato para madagdag iyong mga pwede ko na maiambag sa muling pagbangon ng bansa kasi iyong susunod na magiging presidente ay sobrang laki ng problema na kanyang haharapin. Kailangan nya ng tulong ng bawat isa. Kung sakaling ako ay mahahalal, dala ko sa Senado ang alam ko, nalalaman at karanasan ko.”

Mga Parangal

Noong 1999 ay pinarangalan si Escudero ng Youth Achiever in Government at Most Outstanding Congressman and Outstanding Public Servant of the Year noong 2000. Napasama rin si Escudero sa Ten Outstanding Young Men (TOYM) of the Philippines noong 2005 bilang pagkilala sa kaniyang pangunguna sa kabataan.

Noong 2007, si Escudero ang tanging Pilipinong napasama sa Asia’s Idol ng Asia’s News Network. Pinarangalan din siya noong 2008 bilang Most Admired TV Personality ng Anak TV Seal. Sa parehong taon, kinalala rin siya ng World Economic Forum bilang Young Global Leader dahil sa kaniyang kontribusyon sa maayos na pamamahala. Natanggap din ni Escudero ang Rotary Golden Wheel Award for Political Governance and Legislation noong 2012.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.