Ferdinand Magellan

From Wikfilipino
Revision as of 11:00, 23 February 2021 by Mrmagcamit (talk | contribs)
Jump to navigation Jump to search

Si Ferdinand Magellan (Fernão de Magalhães sa Portuges/Fernando de Magallanes sa Spanish, 1480–1521) ay isang eksplorador na pinangunahan ang unang paglalayag paikot sa mundo. Bagama’t Portuges, siya ay naglayag para sa Espanya upang matunton ang mga isla sa Timog-silangang Asya o ang East Indies. Layunin ng nabegasyon na hanapin ang Spice Islands (Moluku o Moluccas Islands) sa ruta mula sa Sanlucar de Barrameda, Spain papuntang Kanlurang Africa hanggang Brazil, at hanapin ang isang kipot sa Timog Amerika upang tahakin ang Karagatang Pasipiko. [1]

Kabataan ni Magellan

Si Magellan ay isinilang sa Sabrosa, Portugal noong 1480. Siya ay nagmula sa minorya ng maharlikang pamilya. Sa edad na 12, naglakbay si Magellan kasama ang isang kapatid sa Lisbon upang maging páhe (kabataang lalaki na naglilingkod bilang attendant sa palasyo) ni Reyna Leonor, asawa ni Haring Juan II ng Portugal. Dito natutuhan ni Magellan ang tungkol sa kartograpiya, astronomiya, at celestial navigation. Namulat din siya ukol sa tunggalian ng Espanya at Portugal na pangunahan ang mga paglalayag na layuning makontrol ang kalakalan ng mga espesya (spice o halamang isinasangkap na pampalasa at pangkulay sa pagkain) sa Spice Islands.

Noong 1505, natalagá si Magellan sa isang eskuwadron (fleet) ng mga Portuges papunta sa India. Makalipas ang ilang taon, naging bahagi na siya mga ekspedisyon sa India at Africa at nakipaglaban para sa kapakanan ng Portugal. [1][2]

Sa Pagitan ng Portugal at Espanya

Sa mga panahong iyon, sentro ng ekonomiya ng mundo ang mga espesya dahil sa gamit ng mga ito bilang pampalasa at sa pag-iimbak ng pagkain tulad ng kanela (cinnamon), klabo (clove), nutmeg, at paminta (black pepper). Pinangunahan ng Portugal at ng Espanya ang kompetisyon para makontrol ang mga ito. Mula Europa, ang kanilang mga paglalakbay ay laging patungong silangan, at walang naglayag na ang daan ay pakanluran. Dito naisip ni Magellan na maging unang eksplorador na maghanap ng ruta patungong Spice Island galing sa kanluran.

Dahil dito, ilang beses na hinimok ni Magellan si Haring Manuel ng Portugal na suportahan ang pagnanais niyang makapaglayag patungong Spice Islands sa pakanlurang ruta. Gayunman, lagi siyang bigô na makuha ang suporta ng hari.

Dahil sa kabiguan, itinakwil ni Magellan ang pagiging Portuges at nagpunta sa Espanya upang makahingi ng suporta.

Nang makarating sa Seville noong Oktubre 1517, nakilala niya ang isang Portuges ding si Diogo Barbosa at napangasawa ang anak nitong si Beatriz. Ang pamilya Barbosa ang tumulong kay Magellan upang makausap ang Hari ng Espanya.

Ang apo nina Haring Fernando at Reyna Isabella na si Haring Charles I (na kalaunan ay magiging Charles V ng Banal na Imperyong Romano) ang nagkaloob ng suporta kay Magellan sa mithiin nito. Nangako si Magellan sa batang hari na magdadala ng di-masukat na kayamanan sa Espanya.

Bago ang paglalayag, naniniwala si Magellan na kung dadaan sa isang kípot sa Timog Amerika ay maaari niyang matunton ang bagong ruta patungong Indonesia at India. [1][2][3]

Armada de Moluccas

Nang ipagkaloob ni Charles V kay Magellan ang limang eskuwadron na maglalayag pakanluran, namaalam ang eksplorador sa kaniyang mag-ina noong 10 Agosto 1519 at pinangunahan ang Armada de Moluccas, tawag sa kanilang eskuwadron, na may 270 kalalakihan. Bagama’t malaking pabor ang ibinigay ng Hari ng Espanya para kay Magellan, hindi pabor sa kaniya ang mga kasamahan sa misyong iyon. Ayon sa historyador na si Lincoln Paine, may hinanakit ang mga tripulanteng Espanyol dahil pinamumunuan sila ng isang Portuges at maging ang mga Portuges ay binansagang taksíl si Magellan.

Mula sa Sanlucar de Barrameda, Spain, pinangunahan ni Magellan ang Trinidad, punòng barko, at ang apat pang barko: San Antonio, Conception, Victoria, at Santiago. Ang kanilang paglalayag ay nagsimula noong 20 September 1519. Binaybay nila ang Karagatang Atlantiko papuntang Kanlurang Africa, pagkatapos ay sa katimugang baybayin ng Timog Amerika. Mula roon ay binaybay pa nila ang katimugan upang hanapin ang isang kipot.

Huminto ang eskuwadron sa Daungan ng San Julian (sa Santa Cruz, Argentina) kung saan nag-aklas ang ilan sa mga tripulante noong Linggo ng Pagkabuhay, 1520. Agad namang napigilan ni Magellan ang pag-aaklas na ito at pinaslang ang isang kapitan ng barko. Pinauna rin niyang maglayag ang Santiago ngunit nasira ito dahil sa malakas na bagyo. Sa kabutihang-palad, nailigtas ang mga tauhan nito at itinalaga sa iba pang barko. Dahil sa matitinding pagbagyo, nilisan nila ang Daungan ng San Julian makalipas lamang ang limang buwan.

Noong 21 Oktubre 1521, napasukan ng eskuwadron ni Magellan ang hinahanap niyang kipot, na kalaunan ay tatawaging Kipot ni Magellan. Naging mas masalimuot ang paglalayag na iyon, lalo pa’t wala nang tiwala kay Magellan ang ilan sa mga kasamahan nito. Napilit ng ilang tripulante ang kapitan ng San Antonio na sila ay umalis kaya ang barkong ito ay naglayag sa Karagatang Atlantiko pabalik sa Espanya.

Sa puntong iyon, tatlong barko na lamang ang natirá sa eskuwadron ni Magellan: Trinidad, Concepcion, at Victoria. [1][3]

Tagumpay na Maikot ang Mundo

Makalipas ang isang buwan na pagbaybay sa Kipot ni Magellan, napadpad ang natiráng eskuwadron sa napakalawak na karagatan. Sila ang unang Europeo na natagpuan ang dakilang karagatan na tinawag ni Magellan na Mar Pacifico (Mapayapang Dagat)—ang Karagatang Pasipiko—dahil kaiba sa nauna nilang karanasan, naging payapa ang kanilang paglalayag sa yugtong iyon.

Tinatayang tatlong buwan nilang binaybay ang Karagatang Pasipiko bago sila nakaratiing sa Isla ng Guam noong Marso 1521.

Nakarating at dumaong naman sila sa Pilipinas, sa isang bahagi ngayon ng Samar, noong 17 Marso 1521. Kinabukasan, narating na nila ang Isla ng Homonhon kung saan nakipagsandugo si Magellan kay Raha Kulambu.

Isinagawa naman sa Limasawa, maliit na pulo na sakop ngayon ng Leyte, ang Unang Misa sa Pilipinas noong Linggo ng Pagkabuhay, 31 Marso 1521. Ito ay pinangunahan ni Padre Pedro de Valderrama. Pagkatapos, iniutos ni Magellan na itirik sa tuktok ng burol ang isang malaking krus.

Noong 8 Abril 1521, narating ng eskuwadron ni Magellan ang Cebu kung saan nagsimulang maipalaganap ang Kristiyanismo sa Pilipinas. Nagpabinyag kay Magellan ang mga katutubo sa Cebu sa pangunguna ni Raha Humabon. Ipinagkaloob ni Magellan sa pinuno ng Cebu ang krus at imahen ni Santo Niño bilang simbolo ng kanilang pagkakaibigan.

Sa kasalukuyan, ang ilang natitirang orihinal na bahagi ng krus ay matatagpuan sa loob ng pabelyon sa tabi ng Basilica Minore del Santo Niño sa Kalye Magallanes sa Cebu City. Kilala ito sa tawag na Krus ni Magellan (Magellan’s Cross). [4][5][6]

Kamatayan at Legasiya

Nahimok ni Humabon si Magellan na tulungan siyang lusubin ang Mactan at kalabanin ang pinuno nitong si Lapulapu. Sa kasamaang-palad, napaslang si Magellan sa itinuturing na makasaysayang Labanan sa Mactan noong 27 Abril 1521. Siya ay nasawî sa tama ng sibat na may kasamang lason.

Hindi man nakarating ni Magellan ang Spice Island, at nasiraan pa sila ng isang barko—ang Concepcion—nakarating pa rin sa Mollucas ang dalawang barko noong 5 Nobyembre 1521.

Sinikap ng mga natitirang Espanyol na makabalik sa Europa ngunit nabihag ng mga Portuges ang Trinidad.

Sa huli, ang Victoria, na pinangunahan ng nabegador na si Juan Sebastian Elcano, ang matagumpay na nakabalik sa Seville, Spain noong Setyembre 1522 karga ang mga espesya. Kasama niya ang 17 Europeo mula sa orihinal na grupo, kabilang ang Italyanong iskolar at eksplorador na si Antonio Pigafetta. Nakasama rin sa pagbabalik na ito ang alipin ni Magellan na si Enrique de Malacca.

Ang iningatang talaarawan ni Pigafetta ang nagsilbing pangunahing datos ukol sa kinahinatnat ng makasaysayang paglalayag ni Magellan.

Ang paghahangad ni Magellan na maikot ang mundo ay nagdulot ng malaking impluwensiya sa larangan ng ekspedisyon. Nagsilbi rin siyang simbolo ng pagtatagumpay matapos dumaan sa matitinding pagsubok. Inihalintulad din ng iba ang paglalayag ni Magellan sa mga hindi pa napupuntahang lawas ng katubigan sa unang pagtatangka na galugarin ang kalawakan. [2][3][7]

Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 History.com Editors. “Ferdinand Magellan.” A&E Television Networks, 29 Oktubre 2009. https://www.history.com/this-day-in-history/magellan-killed-in-the-philippines. Accessed 19 Enero 2021.
  2. 2.0 2.1 2.2 History.com Editors. “Magellan’s expedition circumnavigates globe.” A&E Television Networks, 21 Hulyo 2010. https://www.history.com/this-day-in-history/magellan-killed-in-the-philippines. Accessed 19 Enero 2021.
  3. 3.0 3.1 3.2 Erin Blakemore. “Magellan was first to sail around the world, right? Think again.” National Geographic, 19 Setyembre 2019. https://www.nationalgeographic.com/culture/2019/09/magellan-first-sail-around-world-think-again. Accessed 19 Enero 2021.
  4. Phillip Y. Kimpo Jr. “Ferdinand Magellan,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  5. Imelda P. de Castro, ed. Virgilio S. Almario. “Santo Niño,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  6. Virgilio S. Almario. “Limasawa,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  7. Virgilio S. Almario. “Victoria,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.