Clodualdo Del Mundo Sr.

From Wikfilipino
Revision as of 07:58, 25 March 2021 by Daidlisan (talk | contribs) (Created page with "<!-- {{Infobox Person | pangalan = Clodualdo L. del Mundo Sr. | birth_date = 11 Setyembre 1911 <br/> Santa Cruz, Maynila | birth_place = Santa Cruz, Maynila...")
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search
Clodualdo L. del Mundo Sr.
Estado:
Tunay na pangalan: Clodualdo L. del Mundo Sr.
Kapanganakan: 11 Setyembre 1911
Santa Cruz, Maynila
Kamatayan: 03 Oktubre 1977
Mga Magulang : Mariano Del Mundo
Remigia Legaspi
Ibang Pangalan :

Si Clodualdo Legaspi Del Mundo Sr. ay isang bantog na manunulat, kritikong pampanitikan, at nobelista ng komiks. Nagsimula siya bilang isang manunulat ng prosang Tagalog para sa magasin ng Liwayway noong 1930.

Talambuhay

Isinilang sa Santa Cruz, Maynila noong ika-11 ng Setyembre 1911, siya ay anak nina Mariano del Mundo, isang manlililok mula sa Bocaue, Bulacan at Remigia Legaspi. Siya ay nagtapos ng kanyang pag-aaral sa Mapa High School, nakamit ang kaniyang associate in arts sa Far Eastern College (ngayon ay Far Eastern University) at Bachelor of Science sa kursong Education sa National Teachers' College. Siya rin ay kumuha ng kursong Fine Arts sa University of the Philippines at kursong Law sa Philippine Law School.

Karera at mga Kasapian

Si Del Mundo ay naging co-founder at naging unang presidente ng Panitikan noong 1935. Ito ang nagsilbing simula upang siya ay sumanib pa sa ibang kalipunan ng mga manunulat at nobelista ng komiks. Siya rin ang naging presidente ng Ilaw ng Bayan noong 1937, at noong 1938 ay naging miyembero ng Ilaw at Panitik. Sumapi rin siya sa Taliba ng Inang Wika (TANIW) noong 1955 kung saan siya rin ay naging unang pinuno nito mula 1967 hanggang 1972. Simula naman noong 1930s hanggang 1970s, nagtrabaho siya bilang associate editor ng mga sikat na mga magasin noong panahon na iyon katulad ng Aliwan, Alitaptap, Orient Digest, Nautilus, Halakhak, Mabuhay, Paruparo, Daigdig, at Liwayway.

Siya ang naging editorial director ng Liwayway hanggang sa kaniyang pagpanaw noong 1977.

Mga Akda at Obra

Si Del Mundo ang nagsulat ng ilan sa mga klasikong nobela sa panitikang Filipino tulad ng: Bituing Walang Langit (1938), Sukdulan ng Pagmamahal (1963), Sambutil ng Kanin (1964), at Nang Magunaw ang Daigdig (1966). Kasama si Gervasio Santiago na noon ay editor ng Liwayway, inilathala niya ang mga nobelang Ito ang Rebolusyon (1972), Judas Iscariote, Kontrabidang Superstar (1972), at Inang Mahal (1973).

Naging pamoso si Del Mundo dahil sa kaniyang critical column na pinamagatang Tao sa Parolang Ginto, na inilathala sa Taliba at Liwayway, kung saan nagsusulat siya ng mga mapanuring artikulo at komentaryo. Buwan-buwan at taun-taon ding naglalabas ang kaniyang artikulo ng pagkilala sa mga naiibang akdang pampanitikan. Ang ilan sa mga artikulo mula sa kaniyang kolum ay pinagsama-sama sa isang libro na pinamagatang, Mula sa Parolang Ginto na inilimbag noong 1969 sa Liwayway Publications. Noong 1936, kasama si Alejandro G. Abadilla, naging co-editor siya ng isang aklat na pinamagatang, Mga Kuwentong Ginto na isang kuleksyon ng pinaka-magagaling na mga maiikling kuwento mula noong 1925 hanggang 1935.

Kasama sina Mars Ravelo, Pablo S. Gomez at Francisco Coching, si Del Mundo ay itinuturing na kabilang sa mga pinakamagagaling na manunulat noong 1950s. Simula noong 1947, ang mga komiks magasin ng Ace Publications katulad ng Pilipino Komiks, Hiwaga, Espesyal, at Tagalog Klasiks ang tumulong sa Tagalog komiks hanggang sa golden years nito.

Sa pakikipagtulungan ni Del Mundo kay Fred Carrillo, nagawa nila ang ilan sa mga pinakamagagandang Filipino komiks na may kategoryang drama katulad ng Malvarosa, Kadenang Putik, Kapitan Bagwis, at Pitong Sagisag. Nakapaglathala din sila ng mga komiks sa kategorya ng action stories tulad ng Ripleng de Rapido, Paltik, at Asintado, at gayundin ang mga komiks na nasa kategoryang science-fiction, kung saan kabilang ang Tuko sa Madre Kakaw, at Zarex.

Ilan din sa mga obra ni Del Mundo ang naging inspirasyon at materyal sa mga pelikula na isinalin sa pelikula ng LVN Pictures at Premiere Productions. Kabilang dito ang Kadenang Putik noong 1960. Binigyan niya rin ng sariling adaptasyon ang klasikong nobela ni Jose Rizal, ang Noli Me Tangere at isinalin ito sa komiks. Ang kaniya namang pinaka-popular na radio serial, ang Prinsipe Amante ay napakinggan ng masa noong 1945 hanggang 1953. Ang kuwento ng nasabing radio serial ay naging isang patok na pelikula ni Lamberto V. Avellana noong 1950.

Mga Parangal

Ang kaniyang kuwento para sa Kadenang Putik ay itinanghal bilang Best Story sa ika-9 na FAMAS Awards noong 1960. Tatlong beses din siyang nanalo ng gantimpala mula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature para sa kaniyang maiikling kuwento at mga one-act play: ikalawang gantimpala para sa maikling kuwentong pinamagatang Binhi noong 1961, ikalawalang gantimpala muli para naman sa one-act play na May Ningning ang Kinabukasan noong 1955 at ikatlong gantimpala para din sa isang one-act play na may titulong, Mr. Congressman noong 1960.

Si Clodualdo Del Mundo Sr. ay namatay noong ika-03 ng Oktubre 1977 sa gulang na 66.

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.