Cinemalaya

From Wikfilipino
Revision as of 00:53, 5 January 2021 by Damarante (talk | contribs) (Created page with "Ang '''Cinemalaya''' ay isang organisasyon na nakatuon sa pagsulong ng mga ''independent films'' sa Pilipinas. Kabalikat ng Cinemalaya ang Cultural Center of the Philippines s...")
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Ang Cinemalaya ay isang organisasyon na nakatuon sa pagsulong ng mga independent films sa Pilipinas. Kabalikat ng Cinemalaya ang Cultural Center of the Philippines sa kanyang mga adhikain at mga proyekto. Nilalayon ng Cinemalaya na mapalaganap ang mga independent films na gawa sa Pilipinas, hindi lamang sa bansa ngunit ganoon din sa ibang panig ng mundo. Nagsisilbing isang paraan ang Cinemalaya upang malinang ang husay ng mga Pilipino pagdating sa larangan ng pelikula, kasama na rito ang pagsusulat, pagdidirehe at pag-arte. Binibigyan din ng Cinemalaya ng pagkakataon ang mga baguhang direktor na maipamalas ang kanilang galing sa sining ng pelikula sa pamamagitan ng Cinemalaya Film Festival. Nilalayon din ng Cinemalaya na maipalaganap ang sining sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga seminar at patimpalak.

Cinemalaya Independent Film Festival

Mula noong 2005, gumawa ng proyekto ang Cinemalaya para sa pagpapalaganap ng sining ng pelikula at tinawag itong Cinemalaya Independent Film Festival and Competition. Namimili ang organisasyon ng sampung pelikulang likha ng mga baguhang direktor. Kinikilala din ng Cinemalaya ang mga likhang maiikling pelikula na maaaring tumatakbo mula labinglima hanggang tatlumpung minuto lamang. Mula sa daan-daang nagsusumite ng kanilang mga pelikula, sampu lamang ang mapipili. Ang sampung ito ay itatampok sa siyam na araw na palabas na ginaganap sa Cultural Center of the Philippines tuwing Hulyo, kung saan maaari itong mapanood ng publiko. Mula sa sampu ay isa lamang ang tatanghaling pinakamagandang pelikula at mabibigyan ng gantimpalang Balanghai Award at premyong nagkakahalagang limangdaang libong piso. Kasabay ng pestibal ay ang isang eksibit na kinabibilangan ng tribyut sa mga direktor ng indie films at pagpapalabas ng mga bagong pelikulang gawa sa digital na pamamaraan. Binibigyan din ng Cinemalaya ang mga nanalong pelikula sa timpalak na mapabilang sa mga pestibal at kompetisyon sa ibang bansa, ng sa gayon ay lalo pang makilala ang galing ng mga Pilipino pagdating sa paggawa ng magaganda at makabuluhang mga pelikula.

Maliban sa pagpapalabas ng mga pelikula ay nagkakaroon din ng Cinemalaya Film Congress, na naglalayong talakayin ang iba't ibang aspeto ng paggawa at pagpapalabas ng mga independent films at Cinemalaya Sine Taktakan kung saan nagkakaroon ng pagkakataon ang mga bagong direktor na ipaliwanag at ipaabot ang mensahe ng kanilang mga likha sa publiko, gayundin ay nagkakaroon ng pagkakataon ang mga taong lubusang maunawaan ang mga ito sa pamamagitan ng tanungan.

Cinemalaya Film Festival '09

Ang mga kabilang sa Cinemalaya Film Festival sa taong 2009 ay ang mga sumusunod na pelikula:

  • 24 K ni Ana Agabin
  • Ang Nerseri ni Vic Acedillo Jr.
  • Ang Panggagahasa kay Fe ni Alvin Yapan
  • ASTIG (Mga Batang Kalye)
  • Colorum ni Jon Steffan Ballesteros
  • Dinig Sana Kita ni Mike Sandejas
  • Engkwentro ni Pepe Diokno
  • Last Supper No. 3 ni Veronica Velasco
  • Mangatyanan (The Blood Trail - Part 2 of the CAMERA Trilogy) ni Jerrold Tarog
  • Sanglaan ni Milo Sogueco

Ang mga maiikling pelikulang tampok sa taong ito ay ang mga sumusunod:

  • Behind Closed Doors
  • Blogog
  • Bonsai
  • Hulagpos
  • Latus
  • Musa
  • Si Bok at ang Trumpo
  • Tatang
  • Ugat sa Lupa
  • What Floor Ma'am

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.

Cinemalaya Cinemalaya Kategorya:Cinemalaya