Cabeza de Barangay

From Wikfilipino
Revision as of 14:36, 23 February 2021 by Mrmagcamit (talk | contribs)
Jump to navigation Jump to search

Ang Cabeza de Barangay o Teniente del Barrio ang pinuno ng isang barangay, pinakamaliit na sangay ng pamahalaan sa Pilipinas, noong panahon ng mga Espanyol. Sa loob ng isang pueblo o bayan, pinamamahalaan ng isang cabeza ang 50 hanggang 100 katao. Siya ang nagsilbing kinatawan ng kaniyang bayan at inatasang kumuha ng buwis o tributo mula sa mga nasasakupan.

Pinagmulan

Ang salitang cabeza de barangay ay nangangahulugang “pinuno ng barangay” or “pinuno ng kapitbahayan” sa Espanyol. Ang posisyong ito ay minana ng mga sinaunang datu (o pinuno) na naging mga cabeza de barangay matapos ang kanilang kumbersiyon sa Kristiyanismo. Dahil sa kanilang kumberisyon, si Haring Philip II ng Espanya ay naglabas ng kautusan na pinapayagan ang mga katutubong maharlika na panatilihin ang iilan sa mga pribilehiyong kanilang tinatamasa bago sila nagpasupil sa Espanya.

Ilan pa sa kanilang mga pribilehiyo ay ang pagbibigay ng titulong “Don,” hindi na sinisingil ng tributo ang kanilang pamilya, at malaya sila at ang kanilang mga anak na lalaki sa sapilitang paggawa o polo y servicio.

Mga Responsibilidad

Ang cabeza de barangay ay walang tinatanggap na suweldo ngunit sila ay hindi kinakailangang magbayad ng buwis o tributo. Sila rin ay maaaring maghirang ng isa o dalawang maaasahang katulong. Ang kaniyang pangunahing tungkulin ay mangolekta ng tributo at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa kaniyang pinamumunuang maliit na teritoryo.

Paghirang at Daan sa Mataas na Katungkulan

Ang mga cabeza de barangay ay hinihirang ng mga gobernador ng probinsiya sa rekomendasyon ng mga “principalia” (mga prominenteng tao sa lipunan) at mga tribunal ng munisipyo.

Noon, ang pagiging cabeza de barangay ay minamana ngunit nang lumaon, maaari na silang ihalal ng mga residente. Sa ilalim ng iminungkahing Batas Maura, ang gobernador ay maaaring mamili ng cabeza de barangay mula sa listahan ng mga kandidato na ibinigay ng munisipyo at lupon ng mga maghahalal ng bayan. Ang kandidato ay nararapat na isang: Pilipino o mestisong Intsik, hindi bababa sa 25 taong gulang, naninirahan nang higit sa 2 taon sa bayang nais niyang pagsilbihan, at may magandang reputasyon. Ang isang cabeza ay maaaring mahalal nang kahit ilang ulit, makuha ang halos kalahati ng buwis o tributong kaniyang nakolekta, at kunin ang serbisyo ng isa o dalawang tao upang makatulong sa kaniyang mga gawain. Bagama’t hindi tuluyang naipatupad ang Maura Law, ito ay nagsilbing pundasyon para sa mga Amerikano nang sila’y magtayo ng sangay ng pamahalaan sa Pilipinas. Lubos na pinakinabangan ng mga Espanyol ang mga nasabing lokal na pamahalaan sa mga unang taon ng kanilang pananakop.

Mula “Barangay” Hanggang sa “Barrio”

Nang sakupin ng mga Amerikano ang Pilipinas, ang mga barangay ay tinawag na “barrio" o baryo. Ang mga tradisyonal na kapangyarihan at pribilehiyo ng mga dating cabeza de barangay pati na rin ang mga prinsipalya at mga angkan nito ay nawala ngunit sa kabila nito, sila ay naging maimpluwensiya pa rin sa bagong demokratikong lipunan.

Ang mga tungkulin ng mga kapitan ng baryo ay kaparehas sa mga cabeza ngunit hindi na ito nagtataglay ng maharlikang estado na madalas naiuugnay sa kanilang pamumuno noong panahon ng mga Espanyol.  

Mga Sanggunian

Bourne, Edward Gaylord. Discovery, Conquest, and Early History of the Philippine Islands. 1907. The Arthur H. Clark Company, Cleveland, Ohio.

Report of the Philippine Commission to the President of the United States, Vol 1. 1900. Washington: Government Printing Office.

Zamora, Mario. Political History, Autonomy, and Change: The Case of the Barrio Charter.

Marco B. Lagman, ed. Galileo S. Zafra. “Cabeza de Barangay.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.  ==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.