Bugtong

From Wikfilipino
Revision as of 13:08, 10 March 2021 by Mrmagcamit (talk | contribs) (Created page with "'''Bugtong''' ang tawag sa isang uri ng pasalitang tradisyon ng mga Pilipino. Ito ay tulang palaisipan na itinuturing din bilang pinakamaikling tulang Pilipino. == Mga Katang...")
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Bugtong ang tawag sa isang uri ng pasalitang tradisyon ng mga Pilipino. Ito ay tulang palaisipan na itinuturing din bilang pinakamaikling tulang Pilipino.

Mga Katangian ng Bugtong

Ang palitan ng bugtong noong sinaunang panahon ay itinuturing na isang laro o pampalipas oras ng mga Pilipino. Kadalasang isinasagawa ito tuwing oras ng pahinga o sa tuwing may pagtitipon. Magbigay-aliw sa mga tagapakinig ang isa sa mga pangunahing layunin ng bugtungan.

Narito ang ilan sa mga katangian ng bugtong:

  • Pambalana. Mga karaniwan o tiyak na bagay ang paksa ng mga bugtong. Ito ay mga bagay na bahagi ng kapaligiran at makikita sa araw-araw na pamumuhay. Halimbawa nito ang mga halaman at hayop, mga pagkain, uri ng tirahan at mga kagamitan sa loob nito. Ang mga kasuotan, mga anyong lupa at anyong tubig, at mga laruan ay paksa rin ng mga bugtong.
  • Maikli. Karaniwang dalawang taludtod lamang ang bugtong na may tugmaan. Ibig sabihin, ang huling salita ng bawat taludtod ay magkatulad ang tunog.
  • Matalinghaga. Ang bugtong ay isang katutubong kasanayan na sumusukat sa kakayahang mag-isip. Ito ay isang palaisipan na may nakatagong kahulugan. Sa halip na tahasan, gumagamit ng matatalinghagang salita upang ilarawan ang nais pahulaan. Ipinakikita rito ang kaibahan sa pagitan ng literal na inilalarawan at bagay na nais ipahiwatig.

Karaniwang inihahalintulad sa mga katangian ng isa pang pangkaraniwang bagay ang paglalarawan sa bugtong. Ito ang nagsisilbing hudyat upang mahulaan ang paksa ng bugtong.

Narito ang apat na halimbawa ng bugtong:

  1. Isang bayabas / pito ang butas.
  2. Bumbong kung liwanag / kung gabi ay dagat.
  3. Nagtago si Pedro / nakalitaw ang ulo.
  4. Dalawang magkaibigan / laging nag-uunahan.

Sanggunian

Virgilio S. Almario. “Bugtong.” “ 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.