Batas Rizal

From Wikfilipino
Revision as of 06:59, 31 December 2020 by Gmallorca (talk | contribs)
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Kahit patuloy ang pagbabago sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas, isang kurso ang di-matitinag. Ito ay ang pagtuturo ng buhay, sulatin, at gawain ni Jose Rizal na bagama’t hindi opisyal ay kinikilala ng karamihang Pilipino bilang pambansang bayani.

Panukalang-batas

Noong Marso 1956, inihain sa Senado ng dating Senador Claro M. Recto ang Senate Bill 438 na nagsasaad na gawing required reading sa lahat ng paaralan sa Pilipinas ang dalawang nobela ni Jose Rizal—ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo.[1]

Ayon kay Recto, ang dalawang nobela ni Rizal ay patuloy na inspirasyon ng patriyotismo na dapat taglayin ng kabataang Pilipino. Ang panukalang-batas na ito ay inisponsoran ng dating Senador Jose P. Laurel bilang Pinuno ng Komite ng Edukasyon sa Senado.[1]

Mariing Pagtutol

Tila pumasok sa butas ng karayom si Recto habang isinusulong ang panukalang-batas dahil mahigpit itong tinutulan ng Simbahang Katoliko.

Maraming pahayag sa dalawang nobela ang laban sa paniniwala ng Simbahan. Marami ring Katolikong paaralan sa Pilipinas ang nagbantang magsasara kapag naipasa ang batas. May mga politiko at organisasyon ding tumutol sa panukalang-batas. Nanindigan din ang mga oposisyon na bahagi na ng nakalipas na panahon ang mga nobela ni Rizal kaya hindi na dapat ito pag-aralan pa.[1]

Sa isang Pastoral Letter na inilabas ng Catholic Hierarchy of the Philippines, na ngayon ay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na may petsang 21 Abril 1956 ay ipinaliwanag ang mga kadahilanan sa pagtanggi nila sa Senate Bill 438. Pangunahing dahilan dito ay ang matagal nang pagkondena ng Simbahang Katoliko, panahon pa ng mga Espanyol, sa dalawang nobela dahil sa pag-atake nito sa mga Katoliko at sa mga gawain ng Simbahan. Dahil dito, labag ang mga aklat sa Batas Canones ng Simbahan at hindi ito dapat basahin o ituro sa mga Katoliko, higit sa mga Katolikong paaralan. Naging mainit ang debate hinggil sa pagpapatupad ng Batas Rizal. Nahati rin sa dalawa ang isyu: patriyotismo o moralidad.[2]

Balik-tanaw: Panahon ng mga Espanyol

Noong Agosto 1887, makalipas ang ilang buwang pagkakalimbag ng Noli Me Tangere, ay ipinagbawal sa Pilipinas ang pagbabasa at pagmamay-ari ng nobela alinsunod sa atas ng Arsobispo ng Maynila. Kaugnay nito, isang pamphlet ang ipinamahagi nang libre noong 1888 na pinamagatang “Caingat Cayo!” na isinulat ni Padre Jose Rodriguez. Pinag-iingat ng may-akda ang mga Pilipino na huwag magbasa ng “masasamang aklat at kasulatan,” partikular ang Noli Me Tangere dahil ito ay isinulat ng isang erehe.[3]

Batas Republika 1425

Samantala, nagpatuloy ang debate sa Senado at Kongreso hanggang maghain pa ng ilang pagbabago sa panukala. Kabilang sa mga pagbabago ay ang hindi na ginawang sapilitan ang pagbabasa ng mga nobela pero idinagdag ang pagbabasa ng iba pang akda ni Rizal, kasama ang mga babasahin tungkol sa bayani. Binigyang-diin din na ang mga sulatin ni Rizal ay kailangang basahin nang buo sa orihinal na wika.[1]

Dahil sa mga pagbabagong ginawa ay kakaunti na lamang ang tumutol sa panukala. Ang panukala na may karagdang rebisyon ay ipinasa ng Kongreso noong 15 Mayo 1956 at ito ay nilagdaan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay noong 12 Hunyo 1956 bilang Batas Republika 1425. Ang paglagdang ito ay isinabay sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.[1]

Nilalaman ng Batas Rizal

Ang Batas Rizal ay nag-aatas sa lahat ng paaralan sa bansa na isama sa kanilang kurikulum ang pag-aaral tungkol kay Rizal. Obligado rin ang lahat ng paaralan, kolehiyo, at unibersidad na ang kanilang mga silid-aklatan ay maglalaman ng mga sipi ng mga akda ni Rizal.[4]

Inatasan din ang isang sangay ng Department of Education (DepEd) na magkaroon ng pagsasalin sa mga wikang English, Filipino, at iba pang wika sa Pilipinas ang mga akda. Mithiin ding makapaglimbag ng kopya ng mga akda sa murang halaga upang higit na mapalaganap ito sa iba’t ibang bahagi ng bansa.[4]

Layunin din ng batas na mapanatili at mapalawak ang mga koleksiyong Rizaliana sa mga pribado at pampublikong silid-aklatan.[1]

Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 Ocampo, Ambeth, R. Rizal Without the Over Coat. Mandaluyong City: Anvil Publishing Inc., 2012.
  2. (Sgd.)+Rufino J. Santos, D.D. “Statement of the Philippine Hierarchy on the Novels of Dr. Jose Rizal.” CBCP Online. http://cbcponline.net/statement-of-the-philippine-hierarchy-on-the-novels-of-dr-jose-rizal. Accessed 29 Disyembre 2020.  
  3. Fr. Jose Rodriguez. “Caingat Cayo!” Project Gutenberg Ebook. https://www.gutenberg.org/files/18141/18141-h/18141-h.htm. Accessed 29 Disyembre 2020.
  4. 4.0 4.1 “Republic Act No. 1425.” Official Gazette. https://www.officialgazette.gov.ph/1956/06/12/republic-act-no-1425. Accessed 29 Disyembre 2020.  

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.