Basilio

From Wikfilipino
Revision as of 11:44, 29 December 2020 by Mrmagcamit (talk | contribs)
Jump to navigation Jump to search

Sa pamilyang Pilipino, ang panganay na anak o ang pinakamatanda sa magkakapatid ay may mas mabigat na tungkulin kumpara sa mga nakababata. Malimit na nakaatang sa mga balikat ng panganay ang ilan sa mahahalagang tungkulin ng mga magulang sa pamilya, lalo na kung ang mga ito ay may mga kakulangan dulot ng masamang kapalaran.

Si Basilio sa Noli Me Tangere

Sa Noli Me Tangere, ang mga tungkulin ng isang panganay ay maaaring masalamin sa katauhan ni Basilio. Si Basilio ang nakatatandang kapatid ni Crispin at panganay na anak nina Sisa at Pedro.[1]

Para sa Ina at Kapatid

Si Basilio, kasama ang bunsong kapatid na si Crispin, ay unang itinampok sa ika-15 kabanata ng Noli Me Tangere na pinamagatang “Mga Sakristan.” Sila ang mga sakristan na pinagbintangang magnanakaw. Sa kabanatang ito matutunghayan ang pagiging panganay ni Basilio na siyang nagmamando o nagsasabi kung ano ang dapat nilang gawin ni Crispin habang pinatutunog ang kampana ng simbahan. Habang si Crispin ay nagaalala sa maling bintang sa kaniya, masasalamin ang ipinamalas na katatagan ng loob ni Basilio habang binabatak ang lubid upang patunugin ang kampana. Hindi siya nagpatinag sa suliranin na kanilang kinahaharap at itinuon ang pansin sa pagtatrabaho. Hindi siya nagpakita kay Crispin ng kahinaan nang sa gayon ay hindi rin tuluyang panghinaan ng loob ang bunsong kapatid.

Ipinamalas din ni Basilio ang pagmamahal at malasakit sa ina. Nagpupursigi siya sa pagtatrabaho bilang sakristan nang sa gayon ay makatulong siya sa mga gastusin ng pamilya. Nang pagbintangan ng sakristan-mayor si Crispin na magnanakaw at pigilan sila nitong makauwi ng bahay ay nagawa nang mangatwiran ni Basilio. Sa murang edad ay nangatwiran siya sapagkat maliwanag sa kaniyang isipan ang kalagayan ng kaniyang ina na alam niyang naghihintay sa kanilang magkapatid. Gayunman, ano nga ba ang magagawa ng isang paslit laban sa isang dambuhala?

Sa ika-17 kabanata na pinamagatang “Basilio,” matutunghayan naman ang lakas-loob na pag-uwi ni Basilio sa kanilang bahay alang-alang sa kaniyang ina. Gabi na iyon kaya nang makita siya ng mga sundalo sa daan, kahit hindi namukhaan, ay pinaputukan siya ng mga ito. Dumaplis ang bala sa noo ni Basilio kaya habang papauwi ay may dumadaloy pang dugo sa kaniyang noo.

Kung labis ang pagmamahal ni Basilio sa kaniyang ina, labis naman ang galit na nararamdaman niya sa ama. Katunayan, maraming plano si Basilio para sa kanilang mag-iina, at hindi kasali rito ang pabayang ama.

Mga Plano sa Pamilya

Nang makauwi sa piling ni Sisa, ikinuwento rin ni Basilio sa ina ang mga pangarap at balak niya para sa pamilya. Una na rito ang pagbibitiw niya bilang sakristan at makikiusap siya sa pinaniniwalaan niyang mabait na anak ni Don Rafael—si Crisostomo Ibarra—na kunin siya nitong katiwala at pastol ng mga baka at kalabaw.

Plano rin niyang pag-aralin si Crispin sa bahay ni Tandang Tasyo habang siya naman ay mangunguha ng mga prutas sa bundok at ipagbibili ang mga ito sa bayan. Aniya, lalo pa siyang magsisipag upang ipagkatiwala ng kaniyang magiging amo ang maliit na bahagi ng lupa na maaaring taniman ng kaniyang pamilya. Higit sa lahat, nais niyang pag-aralin si Crispin sa Maynila at pagdoktorin ito.

Naghihintay na Kapalaran

Sa kasamaang-palad, taliwas ang mga balak ni Basilio sa kung ano ang nakatadhana para kaniyang pamilya. Matutunghayan sa huling kabanata ng Noli Me Tangere ang pinakamalungkot na yugto sa kaniyang buhay.

Si Basilio sa El Filibusterismo

Mahalagang tauhan din si Basilio sa ikalawang nobela ni Rizal—ang El Filibusterismo. [2]

Sa gulang na labing-isa, nilisan ng ulilang si Basilio ang Bayan ng San Diego at nagpunta sa Maynila. Nang mawalan na siya ng pag-asa sa paglakad-lakad sa siyudad ay naisipan niyang magpasagasa na lamang sa karwahe. Sa kabutihang-palad, isang pamilyar na mukha ang kaniyang nakita, si Kapitan Tiago. Sinundan niya ang sinasakyang karwahe ng ama ni Maria Clara at hiniling na tanggapin siya nito bilang isang utusan. Tinanggap siya ni Kapitan Tiago dahil na rin sa kalungkutang hatid ng pagpasok ng anak sa kumbento. Ang pagsisilbi ni Basilio ay naging dahilan upang siya ay makapag-aral.

Nagsipag ang probinsiyanong paslit kaya nakapag-aral siya hanggang sa kolehiyo. Malapit na rin siyang maging isang ganap na doktor noon. Malapit na rin niyang pakasalan ang kaniyang kasintahang si Juli, anak ni Kabesang Tales. Gayunman, lalong tumindi ang mga pagsubok sa kaniyang buhay nang makilala niya ang isang napakayamang alahero na si Simoun.

Matutunghayan sa El Filibusterismo kung paano sinalungat ni Basilio ang mga paniniwala at paninindigan ng alahero ngunit sa bandang huli ay napapayag siya nitong lumahok sa himagsikan.

Sanggunian

  1. Jose Rizal, Noli Me Tangere, salin ni Virgilio S. Almario. (Makati City: Don Bosco Press, Inc., 2010).
  2. Jose Rizal, El Filibusterismo, salin ni Virgilio S. Almario (Quezon City: Adarna House, 1998).

Template:Https://fil.wikipilipinas.org/view/Hinggil sa WikiFilipino