Barong Tagalog

From Wikfilipino
Revision as of 05:29, 29 December 2020 by Jrosit (talk | contribs)
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Ang Barong Tagalog ay isang binurdahang pantaas na baro at kinikilalang pambansang kasuotang panlalaki sa Pilipinas. Unang itong tinawag na baro ng Tagalog. Ang kasuotang ito ay may apat na siglo na ring ginagamit sa bansa at patuloy na pinapaganda upang masabayan ang pagbabago ng lipunan. Kabilang ito sa mga popular na kasuotan para sa mga mahahalagang pagdiriwang at kasiyahan sa Pilipinas, gaya ng kasal, mga sagala, maging sa burol at paglilibing. Sadyang tanyag ang kasuotang ito kaya naman inaangkat ito sa iba't ibang bansa upang suotin ng mga dayuhang naakit sa angking ganda ng Barong Tagalog.

Kasaysayan

Bago galugarin ng mga dayuhan ang Pilipinas, ang mga Tagalog sa Hilagang Luzon ay nagsusuot na ng kasuotang kahalintulad sa kilala nating Barong Tagalog. Tinatawag ito na canga at ito ay bahagyang maigsi (umaabot lamang sa beywang ang haba), walang kuwelyo at bahagyang bukas sa unahan. Ayon sa teorya, ang kasuotang ito ay ginagamit rin upang ipakilala ang kalagayang panlipunan sa panahong iyon – ang kulay pulang telang nakapatong sa canga ay nangangahulugang kabilang ang may-suot sa hanay ng mga datu at mandirigma; itim naman kung pangkaraniwang mamamayan lamang.

Nang sapitin ng mga Espanyol ang Pilipinas ay binago nila ang anyo ng nasabing kasuotan. Higit pa nilang inigsian ang damit na ito, at binawasan ang laki ng kuwelyo. Kung dati ay nagsusuot ang mga katutubo ng maluluwag na salawal, sa panahon ng mga Espanyol ay ginawa itong bahagyang makipot, at nilagyan ng guhit o linyang pangmilitar sa magkabilang gilid nito. Noong 1750 ay muling naging tanyag ang mga maluluwag na salawal ngunit sa pagkakataong ito ay pinalamutian na ito ng mga burda at laso. Sa halip na butones ay tali ang gamit upang higpitan ang bandang bewang nito. Naging talamak ito hanggang unang yugto ng ika-19 na siglo.

Sa panahong din ito ay nauso ang Barong Tagalog na yari sa bulak, seda, jusi, pinya o lupis, na karaniwang isinusuot ng mga mayayamang katutubo gaya ng mga ilustrado at gobernadorcillo. Di nagtagal, maging ang mga mestizo kasama ang ilan pang mayayaman, ay tumangkilik na rin sa kasuotang ito. Upang maiba sa karamihan ay nag-aangkat pa ng mahuhusay na tela mula sa Europa para sa damit pantaas na ito na kinilalang barong lalake de pechera na pinalamutian ng naglalakihang burda sa bandang dibdib. Ito ay sinasabing ninuno ng kasalukuyang Barong Tagalog.

Unang ginamit ang terminong “Barong Tagalog” sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano. Tinawag marahil ito ng ganito sapagkat talamak ang ganitong kasuotan sa mga naninirahan sa Katagalugan. Mga bago at higit na kaakit-akit na disenyo ang inilagay sa barong na siyang nagbigay dito ng makabagong anyo. Ang iba ay may burdang bulaklak o mga linya, samantalang ang ilan ay may matitingkad na kulay. Sa panahong ito, higit na tinangkilik ang Barong Tagalog na yari sa abaca, at dahil may kanipisan, kadalasang nagsusuot ng camisa de chino ang mga kalalakihan sa ilalim ng barong.

Sa pagkapangulo naman ni Manuel L. Quezon nakilala ang Commonwealth Barong Tagalog. Kapansin-pansin sa bersyong ito ang pinag-dikit at pinaglaso na watawat ng Pilipinas at Estados Unidos na siyang palamuti ng kabuuan ng barong. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ito ay nilagyan na ng bulsa sa kaliwang bahagi at ang disenyo at kulay ay binago upang lumapat sa panlasang Filipino.

Maliban sa mga okasyon, karaniwang sinusuot ito ng mga nagtatanghal sa bodabil. Higit na naging popular naman ito noong 1950 nang ito'y gamitin ni Pangulo Ramon Magsaysay sa kaniyang inagurasyon sa pagkapangulo, maging sa ilang mga salu-salo na kaniyang dinaluhan. Nauso noon ang mga burdang bulaklak at geyometrika. Gaya niya, naging paboritong kasuotan din ito ni Pangulong Ferdinand E. Marcos. Samakatuwid nga ay inilagak ni Ferdinand E. Marcos ang kauna-unahan niyang barong noong 1949 sa Museo ng Batac sa Ilocos Norte. Higit pa rito, ipinasa rin niya ang dekreto na nagdedeklara na ang mga araw mula ika-5 hanggang ika-11 ng Hunyo ay kikilalaning “Linggo ng Barong Tagalog” at opisyal na ring tinaguriang pambansang kasuotan ng mga kalalakihan noong 1975. Ang dating pangmayayamang kasuotan, sa panahong ito, ay naging maka-masa na. Mula noon, ito ay naging paboritong damit-pantaas ng mga kalalakihan at kakikitaan na ng samu't saring anyo at kulay.

Sanggunian

  • Infante, Emylou. “Barong Tagalog.” 101 Filipino Icons. Manila: Adarna House, Inc. at Bench, 2007.
  • History of the Barong Tagalog. (hinango noong 18 Abril 2008).

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.