Balut

From Wikfilipino
Revision as of 02:05, 31 March 2021 by Mrmagcamit (talk | contribs)
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search
Balut[1]

Ang balut ay isang nilagang itlog ng itik na naglalaman ng sisiw na 18 araw ang gulang. Mayaman sa protina, bitamina, at mineral ang balut kaya itinuturing ng mga Pilipino bilang pagkaing pampalakas.

Pinagmulan

Ayon sa mga siyentipiko, ang pagkain ng balut ay nagsimula na bago pa man dumating ang mga dayuhang Espanyol. Dahil sa mga ginawang pagsunog ng mga prayle sa mahahalagang dokumento ukol sa Pilipinas, kailanman ay hindi na mahanap kung saan nagsimula ang tradisyong ito. Ayon sa ilang mga dalubhasa, ang pagkain ng balut ay nagsimula nang magkaroon ng kalakalan ang mga Tsino at Pilipino. May mga sinaunang libro sa Tsina na nagbanggit ng pagkain ng isang pinaalat na itlog ng itik. Ayon naman sa isang alamat, nasunog ang limliman ng itlog ng pato ng isang Tsino at nang mailigtas ang mga itlog, natuklasan na pinakamasarap kainin ang nalutong itlog, lalo na ang may gulang na 18 araw.

Pagbabalut

Sa Pateros unang umunlad ang industriya ng balut. Dahil sa pagkawala ng mga ilog sa Pateros, kumalat ang paggawa ng balut sa Binangonan, Isla ng Talim, Sta. Cruz, Laguna, at iba pang bayan sa paligid ng Laguna de Bay. Sa ngayon, ang karamihan ng balut ay ginagawa sa Barangay Aguho. Ang mga pagawaan ng balut ay mga gusaling gawa sa kawayan at may pawid o yerong bubong. Maliit ang bintana at pinto nito upang hindi pasukin ng hangin. Nakalatag sa sahig ang kusot o ipa.

Pamamaraan

Tatlo o limang araw na ibinibilad sa araw ang itlog ng itik at pagkaraa'y isinisilid sa bandana o malaking supot ang 100–125 itlog. Salitan ang pagsasalansan sa isang malaking buslo ng mga bandana ng itlog at latag ng ipa na pinainitan nang 42–42.5 digri sentigrado. Pinipihit ang mga itlog nang dalawa o tatlong beses sa isang araw at iniinit ang kusot sa umaga at sa hapon sa mga araw na malamig. Sinisilip sa liwanag ng kandila ang mga itlog sa ika-pito, ika-14, at ika-18 na araw. Sa pamamaraang ito ay maihihiwalay ang mga bugok at hindi na mabubuong sisiw. Malalaman kung bugok ang itlog kapag wala nang maaninag na buhay o pulang ugat sa loob ng itlog. Ang mga itlog na normal ay inilalaga.

Panlabas na Kawing

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.