Babaylan

From Wikfilipino
Revision as of 14:33, 27 February 2021 by Mrmagcamit (talk | contribs) (Created page with "Ang '''babaylan''' ay tawag sa mga katutubong manggagamot ng sinaunang pamayanang Pilipino. Sila ay pinaniniwalaang may kakayahang gumamot ng kaluluwa at katawan. Pinaniniwala...")
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Ang babaylan ay tawag sa mga katutubong manggagamot ng sinaunang pamayanang Pilipino. Sila ay pinaniniwalaang may kakayahang gumamot ng kaluluwa at katawan. Pinaniniwalaan na ang mga babaylan ay nagtataglay ng kapangyarihang makausap ang mga espiritu at makapagtanghal ng mga ritwal na pinaniniwalaang nakapagpapaalis ng malas o sumpa sa isang tao o pamayanan.[1]

Karaniwang babae ang nagsisilbing babaylan sa isang pamayanan. Ayon sa ilang mananaliksik, ang babaylan ay simbolo ng kapangyarihan at mataas na estado sa lipunan ng kababaihan. Ipinakikita lamang nito na sa kulturang Pilipino, iginagalang at kinikilala ang kahusayan at kakayahang makapanggamot at magpayo ng mga babaylan. Isa itong patunay na isang egalitaryo ang lipunang kinabibilangan ng mga katutubong Pilipino noon.[1]

Sila ay katuwang ng mga datu at panday sa pangangalaga at pagtataguyod ng kanilang pamayanan. Nagsilbi rin silang tagapamagitan ng mga diwata at espiritu. Sinasabing may kakayahan din silang makakita ng mga magaganap sa hinaharap. Ang mga babaylan rin ay itinuring na tagapangalaga at tagapamahala sa mga salaysay, epikong-bayan, mitolohiya, at sa kabuoang kultura ng bayan. [1]

Kapangyarihang Taglay

Ang mga pangklat etniko sa Pilipinas ay may iba’t ibang katawagan sa kanilang babaylan tulad ng maaram, mumbaki, alpogan, anitera, balyana, bayok, doronakit, mambunong , mandadawak, mansipok, mirku, at munsayaw. Ang babaylan o baylan ay katawagan sa Visayas, habang sa Mindanao ay may bailan, mabalian, o baylan. Dahil may kakayahan makausap ang mga espiritu sa ibang dimensiyon, sumasangguni ang mga katutubo sa mga babaylan. [1]

May paniniwala rin na isang dibinong pagtawag sa isang indibidwal ang pagiging babaylan. Kalimitan din itong namamana at pinaniniwalaang ginagabayan ng pamilyar na espiritu. Malaki ang pangangailangan noon sa mga babaylan lalo na bilang tagapamagitan sa ating mundo at sa ibang mundo.[2]

Dahil malaki ang pangangailangan at marami ang inaahasan sa mga babaylan, marami sa kanila ang hindi agad tinaggap ang mabigat na tungkuling ito. May mga naitalang kaso ng pagkabaliw bago nila lubos na matanggap ang kanilang pagkababaylan. May mga naitalang kaso mula sa mga Ilokano, Kalinga, at Isneg, at Ilonggo. [2]

Pagdating ng mga Espanyol

Sa pagdating ng mga Espanyol sa Pilipinas, na isa sa mga pangunahing layunin ay maipalaganap ang Kristiyanismo, sinugpô nila ang mataas na pagkilala sa mga babaylan. [3]

Tinatawag ng mga Espanyol na catalonan (Tagalog) ang mga babaeng babaylan. Ang salitang ito ay batay sa kanilang transkripsiyon sa salitang Tagalog na katulungan, bilang pantawag sa babaeng tumutulong sa espirituwal na pangangailangan. Ang salitang babaylan naman mula sa Bisaya ay nagmula sa pariralang “babae lang.” Isa pang katawagan ng mga Tagalog ay bayo o bayoguin, nangangahulugan ding “mala-babae.” Tumutukoy ito sa lalaking manggagamot na nagdadamit ng pambabae sa pagsasagawa ng ritwal. [4]

Ang mga catalonan o babaeng babaylan ay karaniwang matanda at tungkulin nila ang manggamot habang bumibigkas ng mga makapangyarihang salita. Katuwang din sila sa mga pagdiriwang na may kasamang pag-inom at pagtawag sa mga espiritu ng kanilang mga ninuno.[4]

Ang mga bayoguin o lalaking babaylan ang karaniwang nag-aasikaso sa mga pangangailangan sa kanilang pamayanan. Sila rin ay katuwang ng mga catalonan sa pagtawag sa mga espiritu ngunit mas marangya, mas maraming seremonya, at mas may awtoridad. Impotente rin umano ang karamihan sa mga bayoguin. Dahil dito, pinakakasalan nila ang kapuwa lalaki at naninirahan nang magkasama.[4]

Banta sa Katolisismo

Naging banta sa mga misyonerong Espanyol ang mga babaylan kung kaya’t ipinagbawal, itinaboy, at pinapatay nila ang mga ito. Natakot din ang mga Espanyol sa mga babaylan dahil marami ang mga tagasunod nito. Kaya ang mga prayle ay nagpalaganap noon ng maling balita na ang mga babaylan ay mga aswang. Ipinalaganap nila sa mga pamayanan na ang mga gawain ng babaylan ay taliwas sa Katolisismo kaya hindi ito dapat pamarisan at itaguyod. Kung sinoman ang lumabag ay maparurusahan tulad ng pagkakakulong at pagpapahirap hanggang sa mapilitang tanggapin ang bagong paniniwala. Sinamsam din ng mga prayle ang mga anting-anting at sinira ang mga paniniwala ng ating mga ninuno ukol sa mga anito at bathala. Karamihan sa mga babaylan noon ay pinatay, habang ang iba naman ay nakatakas at nanirahan sa mga kabundukan. [1] [3]

Babaylan sa Kontemporaneong Panitikan

Sa aklat na nailimbag ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 2014 na pinamagatang Pagbalik sang Babaylan: Antolohiya ng mga Maikling Kuwento sa Hiligaynon,[5] muling namutawi ang kaisipan tungkol sa mga babaylan. Mababasa sa aklat ang 14 maiikling kuwento na nakasulat sa Hiligaynon na may salin sa Filipino. Dalawa sa maiikling kuwentong nakalimbag sa aklat ay “Ang Pagbabalik sang Babaylan” [“Ang Pagbabalik ng Babaylan”] ni Leoncio P. Deriada na may salin ni John Iremil E. Teodoro at ang “Ulubrahon” [“Ritwal”] na isinulat at isinalin ni Norman T. Darap.

Ang kuwentong isinulat ni Deriada ay tungkol kay Milagrosa Paguntalan na nagmula sa angkan ng pinakamakapangyarihang babaylan sa kanilang bayan—ang Igkasla. Dahil ipinanganak sa siyudad, si Milagrosa ay maituturing na makabagong babae. Isa siyang bantog na propesor at antropologo sa isang unibersidad.

Nang kinailangan niyang manaliksik hinggil sa babaylanismo, nagtungo siya sa Antique upang makausap ang isa sa kaniyang mga informat na si Mal-am Edes. Ayon kay Mal-am Edes, kaya raw maraming naging baliw sa Kanlurang Visayas ay dahil sila ang mga pinili ng Diwata upang maging babaylan ngunit nilabanan nila ang pagtawag na iyon.

May isang pangyayari sa kuwento na tila lumabas ang likas na kapangyarihan ni Milagrosa bilang babaylan. Nakaramdam siya ng kakaibang koryente na lumalabas sa kaniyang mga daliri nang masahehin niya ang isa niyang kasamahan dahil masakit ang ulo. Natukoy pa niyang may sakit sa pantog ang kaibigan. Nanaginip din siya. Napanaginipan niyang tinatawag siya ng yumaong lola at pinababalik siya sa lugar kung saan siya tunay na nagmula.

Dahil sa pangyayaring iyon, nagbalik siya sa Igkasla kung saan inaasahan na ni Mal-am Edes ang kaniyang pagbabalik. At doon niya isinagawa kung ano ang itinadhana para sa kaniya.

Ang akda naman ni Darap ay tungkol sa pagbabalik ni Budak sa kanilang baryo sa Iloilo matapos ang limang taong pag-aaral at pagtatrabaho sa Cebu. Buntis si Budak nang umuwi sa kanilang baryo dahil na rin sa hindi ito pinanagutan ng lalaking nakabuntis sa kaniya.

Galit kay Budak ang kaniyang pamilya dahil mas pinili nitong mamuhay sa Cebu at pumayag pa na “magalaw ng mga engkanto sa lungsod.” Gayunman, may higit na suliraning kinahaharap ang panganay niyang kapatid—si Kuya Bugol. Nakita niyang nagpupumiglas sa pagkakagapos ang kaniyang kuya. Sabi ng kaniyang ina, ang kaniyang kuya ay nawawala sa sarili tuwing bilog ang buwan. Pinaniniwalaan nilang naengkanto ito kaya babaylan lamang umano ang makapagpapagaling dito. Hindi sumang-ayon dito si Budak. Ipinakita sa kuwento ang mga ritwal ng isang babaylan kung paano magpaalis ng masamang espiritu.

Isang gabi na bilog muli ang buwan ay narinig ni Budak na nagwawala si Kuya Bugol. Kahit kinakabahan ay pinuntahan niya ito sa bodega at nakita niyang nakawala na ito sa pagkakagapos. Sa kasamaang-palad, inatake si Budak ng kaniyang kuya at doon siya nawalan ng malay.

Nagising na lamang si Budak na wala nang sanggol sa kaniyang sinapupunan. Matapos na makapagpagaling ay muli niyang nilisan ang lugar ngunit sa pagkakataong iyon ay wala na siyang nararamdamang takot.[5]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 SABP, ed. Galileo S. Zafra. “Babaylan.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  2. 2.0 2.1 McCoy, Alfred. “Baylan : Animist Religion and Philippine Peasant Ideology.” Philippine Quarterly of Culture and Society, Vol. 10, No. 3, p. 145. University of San Carlos Publications, 1982.
  3. 3.0 3.1 Xiao Chua. Xiao Time, 1 November 2013: Kasaysayan ng Konsepto ng Aswang.” XiaoChua.net, 29 Oktubre 2013. https://xiaochua.net/2013/11/01/xiao-time-1-november-2013-kasaysayan-ng-konsepto-ng-aswang. Accessed 27 Pebrero 2021.  
  4. 4.0 4.1 4.2 Carlos L. Quirino, ed. Maria Eloisa G. Pargo de Castro. “Foregrounding Manileñas.” Old Manila 2nd Edition, mp. 175-176. Quezon City: Vibal Foundation, 2020.
  5. 5.0 5.1 John Iremil E. Teodoro, editor. Pagbalik sang Babaylan: Antolohiya ng mga Maikling Kuwento sa Hiligaynon. Manila: Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, Komisyon sa Wikang Filipino, 2014.