Astronomiya

From Wikfilipino
Revision as of 15:23, 5 March 2021 by Ivibar (talk | contribs)
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Ang astronomiya ay isang agham na kinapapalooban ng pagmamasid at pagpapaliwanag ng mga kaganapang nangyayari sa kalawakan. Pinag-aaralan nito ang pinagmulan, pagbabago, at mga katangiang pisikal at kimikal ng mga bagay na mapagmamasdan sa kalangitan (na nasa labas ng atmospero), pati ang mga kaugnay na mga proseso at kababalaghan.

Etimolohiya ng salita

Ang salitang astronomiya ay nagmula sa Wikang Griyegong αστρονομία = άστρον + νόμος, astronomia = astron + nomos, na mayroong literal na kahulugang "batas ng mga bituin".

Kasaysayan

Mula noong panahon ng mga ansiyano, nagmamasid na ang mga tao sa langit, ngunit karaniwang inaaral lang nila ang paggalaw ng Araw, Buwan, at mga planeta.

Dahil sa pag-obserba nila sa langit, nakaisip na ng mga ansiyano sa Babylonia, Assyria, Ehipto, Tsina, Imperyo ng mga Maya, at iba pang kultura kung gaano dapat karami ang mga araw sa isang taon, at nakabuo rin sila ng mga kalendaryong malapit sa ginagamit sa kasalukuyan.

Naitala rin nila ang ilang mga nakita nila sa himpapawid tulad ng mga kometa at bulalakaw. Sa Britanya, gumamit rin ang mga tao ng mga bato upang matandaan at maobserbahan ang paggalaw ng Buwan at Araw.

Inaral din ng mga Griego at Romano ang paggalaw ng mga bagay sa himpapawid, at binigyan nila ito ng pilosopikal at relihiyosong pangkahulugan.

Bilog ang mundo

Pinaniwalaan ng mga ansiyano na patag ang mundo. Ngunit dahil sa pagmamasid sa langit, naisipan ng mga pilosopo mga 2,000 taon bago umikot sa mundo si Columbus na bilog ang mundo. Ngunit naniniwala rin sila na ang Daigdig ang sentro ng sanlibutan.

Posibleng nabuo ang ideyang bilog ang mundo noong panahon ng isang matematikong nagngangalang Pythagoras, mahigit 2,500 taon makalipas. Naniwala siyang perpekto ang mga bilog, kaya't naisip rin niyang dapat ay ganoon ang hugas ng mundo.

Naitala rin ni Aristotle (384-322 BCE) ang iba't ibang anyo ng Buwan habang lumilipas ang panahon. Dahil dito, naisipan din niyang posibleng bilog ang mundo. Aniya, dumadaan ang Buwan sa anino ng Daigdig tuwing may solar eclipse, at laging bilog ang anino ng Daigdig sa Buwan. Pinaliwanag din niyang naiiba ang naaaninag na bituwin sa langit ng mga tao kapag sila ay bumiyahe patimog kaysa sa nakikita nila kapag nasa hilaga, at maari lang itong mangyari kung bilog ang mundo.

Naisipan rin ng isang Griyego, si Aristarchus ng Samos (310-230 BCE) na gumagalaw ang Daigdig palibot sa Araw, ngunit tinanggihan ito ng ibang mga pilosopo dahil sa paniniwalang sa Daigdig umiikot ang sanlibutan.

Kahit walang kagamitan tulad ng teleskopyo, naisipan na rin ng mga matematikong Griyego kung paano masukat ang laki ng Daigdig. Pinakaunang nagkaroon ng tamang sukat sa diametro ng Daigdig, gamit lamang ang Matematiko, si Erastosthenes noong 200 BCE (276-194 BCE).

Kinikilala naman bilang isa sa pinakaprominenteng siyentipikong ansiyano si Hipparchus, na ipinanganak sa Nicea (Turkey). Natayo siya ng obserbatoryo sa isla ng Rhodes sa bandang 150 BCE. Dito, nakapagtala siya ng mga posisyon ng mga nakikita niya sa langit. Isa sa mga nagawa niya ang pagsusulat ng katalogo ng mahigit 850 bituin.

Si Claudius Ptolemy (Ptolemaeus) naman ay nakapagsulat ng tinawag na Almagest, o aklat na nagdedetalye ng kabuuan ng kaalaman ng mga ansiyano ukol sa Daigdig at sanlibutan. Nakagawa rin siya ng modelo ng solar system na nagpapakita ng posisyon ng mga planeta.

Ang araw bilang sentro ng sansinukob

Noong taong 1543, naitala ni Nicolaus Copernicus sa kaniyang aklat na De Revolutionibus Orbium Coelestium (On the Revolution of Celestial Orbs) na hindi ang Daigdig ang nasa gitna ng sansinukob, kundi ang Araw. Aniya, planeta lamang ang Daigdig, at umiikot ang lahat ng mga planeta sa Araw.

Makabagong siyensiya

Makalipas ang mahigit 100 taon, nasimulan ni Galileo Galilei ang paggamit sa mga pamamaraan ng pag-aaral na magagamit sa makabagong siyensiya. Isa rin sa kaniyang pinakamahalagang kontribusyon sa siyensiya ang paggawa ng teleskopyo.

Pagdating ng ika-17 dantaon, naging mas malawak na ang pinag-aaralan ng mga Astronomista. Isinama na rin nila ang paggalaw ng solar system, mga bituin sa Milky Way, at iba pang bagay na mas malayo na sa Daigdig.

Mga pinag-aaralan at inoobserbahan

Kasama sa mga pinag-aaralan ng mga siyentipiko ang mga planeta, buwan, bituin, at iba pang mga makikita sa kalawakan, tulad ng mga planeta, butuin, kometa, black hole, at iba pa. Maliban sa pag-obserba sa mga ito, inaaral din ang mga proseso kung paano nakakaapekto ang mga ito sa isa't isa.

Ilan sa mga karaniwang gamit sa pag-obserba sa mga ito ang mga kagamitan tulad ng teleskopyo, satelayt, at kamera.

Isa ang astronomiya sa mga piling agham kung saan gumaganap ng aktibong papel ang mga taong hindi propesyonal na siyentipiko sa mga pag-aaral, lalo na sa pagtuklas at pagmamasid sa di-palagiang kababalaghan (transient phenomena).

Kaibahan sa Astrolohiya

Hindi dapat ipagkamali ang astronomiya sa astrolohiya, na nagpapalagay na ang kapalaran ng tao at pamumuhay sa pangkahalatan ay may kaugnayan sa nakikitang na kinalalagyan ng mga bagay sa kalangitan.

Kahit na magkapareho ang pinagmulan ng dalawang larangang ito, sinusunod ng mga astronomo ang makaagham na pamamaraan, habang hindi ito sinusunod ng mga astrologo.

References

  • "Astronomy". Encyclopedia Britannica. Hinango noong 5 Marso 2021.
  • "Astronomy". NASA Picture Dictionary. NASA. Hinango noong 5 Marso 2021.
  • Fraknoi, Andrew; Sidney C. Wolff. Astronomy. OpenStax CNX, 2016. ISBN 13: 9781938168284