Agawan ng Teritoryo sa Timog Dagat Tsina

From Wikfilipino
Revision as of 12:52, 4 June 2021 by Mrmagcamit (talk | contribs) (Created page with "Ang '''Timog Dagat Tsina''' ('''''South China Sea'''''), malawak na rehiyon na nasa kanluran ng Karagatang Pasipiko, ay kinikilala bilang isa sa mga maritime hot spots ng ika-...")
(diff) ← Older revision | Latest revision (diff) | Newer revision → (diff)
Jump to navigation Jump to search

Ang Timog Dagat Tsina (South China Sea), malawak na rehiyon na nasa kanluran ng Karagatang Pasipiko, ay kinikilala bilang isa sa mga maritime hot spots ng ika-21 siglo. Anim na bansa—Tsina, Taiwan, Vietnam, Malaysia, Brunei, at ang Pilipinas—ang umaangkin sa karagatan at teritoryo nito.

Ang Timog Dagat Tsina

Bukod sa pagiging isa sa pinakamalawak na karagatan sa buong mundo, ang Timog Dagat Tsina ay binubuo ng mahigit-kumulang 250 maliliit na isla, mga atoll (hugis singsing na tangrib sa paligid ng maliit na lawa), at mga bahura na karaniwang lumulubog sa ilalim ng tubig lalo na kung high tide.

Ito rin ang pangalawang pinakaginagamit na sea-lane o daanan ng mga barko kung saan tinatayang sangkatlong barkong pangkalakal sa buong mundo ang bumabaybay sa katubigan nito. Pinaniniwalaan din na may malaking reserba ng langis at gasolina sa lupa na nasa ilalim ng karagatan. Dahil sa mga reserbang ito, ang Timog Dagat Tsina ay naging isa sa mga pinakapinagtatalunang teritoryo sa makabagong panahon.

Mga Dahilan ng Pagtatalo

Ang pangunahing dahilan ng pagtatalo ay ang nine-dash line sa ginawang mapa ng Gobyernong Kuomintang ng Tsina noong Disyembre 1947. Batay sa mapa, mahigit 85 porsiyento ng Timog Dagat Tsina ay inaangkin ng Tsina. Ang mapang ito rin ang dahilan ng mga hindi pagkakasunduan ng mga bansa sa Asya tulad ng sumusunod:

  • Agawan sa teritoryo sa Spratly Islands sa pagitan ng Pilipinas, Tsina, Vietnam, Malaysia, at Brunei;
  • Agawan sa teritoryo ng Pilipinas at Tsina sa Scarborough Shoal (Panatag Shoal); at
  • Hidwaang pandagat ng Tsina at ng mga bansa tulad ng Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Brunei, Indonesia dahil ang pag-angkin sa nine-dash line ay sumasakop sa kani-kanilang Exclusive Economic Zones (EZZs).

Mas umigting ang tensiyon sa pagitan ng mga bansa nang simulan ng Tsina ang kanilang reklamasyon sa lugar, kung saan ang mga pulong buhangin ay ginawa nilang isla na may mga parola, mga paliparan, at mga daungan.

Pag-angkin ng Pilipinas

Ang pag-angkin ng Pilipinas sa Dagat Kanlurang Pilipinas (West Philippine Sea), na nasa silangang bahagi ng Timog Dagat Tsina, ay batay sa karapatan nito sa ilalim ng 1982 United Nation’s Convention of the Law of the Sea (UNCLOS). Ang Pilipinas at Tsina ay parehong lumagda sa kasunduang ito, kung saan ang mga bansa ay pinagkalooban ng 12 nautical miles (NM) na teritoryong pantubig at 200 NM ng EZZ mula sa mga isla. Sa ganitong partikular na probisyon, ang pag-angkin ng Pilipinas sa Panatag Shoal (Scarborough Shoal) ay bahagi ng EZZ nito. Ang Pilipinas ay may karapatan na mangisda at galugarinl kung may langis at gas sa mga isla. Ang paglaban ng Pilipinas sa karapatan nito ay nakarating sa international court noong 2013.

Desisyon ng UN at ang Epekto Nito

Noong 12 Hulyo 2016, ang pag-angkin ng Tsina sa Timog Dagat Tsina ay hinatulan ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa Hague na walang legal na batayan. Binanggit ng tribunal na ang Tsina ay may mga nilabag sa karapatang soberanya ng Pilipinas. Nanindigan din sila na ang paggawa ng Tsina ng mga artipisyal na isla ay nakapagdudulot ng pinsala sa mga korales at sa mga nakapaligid na maritime ecosystem.

Hindi tinanggap ng Tsina ang desisyong ito ng international tribunal. Pinaninindigan nila na hindi sila sakop ng desisyon dahil ang tinutukoy na karapatan ay matagal nang umiral at hindi na ito kinikilala sa kasalukuyan.

Dagdag na Kaalaman

  • Noong ika-15 dantaon, ang Timog Dagat Tsina ay kilala ng mga nagegador bilang Dagat Champa, na sakop noon ng Kaharian ng Cham (ngayo’y bahagi ng Gitnang Vietnam)
  • Ang unang mapa ng Asya na nailimbag sa Europa ay nailathala noong 1550 sa Basle, Switzerland. Makikita sa mapa ang Isla ng Pulo-an (Palawan).
  • May nailimbag ding mapa saAntwerp Belgium na gawa ni Abraham Ortelius na makikita ang iba’t ibang pulo

Mga Gabay na Tanong

Ang sumusunod na gabay na tanong ay makatutulong sa mga mag-aaral sa Baitang 7 sa kanilang pag-aaral sa asignaturang Araling Panlipunan (Unang Kuwarter):

  1. Ano-anong likas na yaman ang matatagpuan sa Timog Dagat Tsina? Ano ang implikasyon nito sa nakaraan at sa kasalukuyan?
  2. Bakit naninindigan ang Tsina sa kanilang karapatan sa Timog Dagat Tsina?
  3. Paano tinugunan ng Tsina ang desisyon ng UN hinggil sa agawan ng teritoryo?
  4. Bakit mahalaga sa Pilipinas ang maipaglaban ang karapatan nito sa Timog Dagat Tsina?

*Most Essential Learning Competencies: Nasusuri ang yamang likas at ang mga implikasyon ng kapaligirang pisikal sa pamumuhay ng mga Asyano noon at ngayon

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.