Mariano Ponce

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Mariano Ponce (23 Marso 1863–23 Mayo 1918), kilala rin bilang Kalipulako, ay bantog sa kaniyang mga gawa at kontribusyon sa rebolusyon. Habang nasa Madrid, umanib siya kina Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar, Graciano Lopez Jaena, at sa iba pang propagandista, para sa paghihimagsik laban sa mga Espanyol.

Pinagmulan at Edukasyon

Ipinanganak siya noong 23 Marso 1863 sa Baliuag, Bulacan at panganay sa pitong anak nina Mariano Ponce at Maria Collantes de Los Santos.

Nagtapos si Ponce ng kaniyang sekundarya na edukasyon sa pribadong paaralan ng Juan Evangelista, Hugo Ilagan, at Escolastico Salandanan sa Maynila. Pagkatapos, siya ay pumasok sa Colegio de San Juan de Letran kung saan niya natamo ang kaniyang Batsilyer sa Sining noong 1885. Pagkatapos, siya ay lumipat sa Unibersidad ng Santo Tomas upang mag-aral ng medisina.

Noong 1887, pumunta siya ng Europa at pumasok sa Central University of Madrid kung saan siya nagtapos ng medisina noong 1889.

Buhay

Kasama sina Rizal, Del Pilar, Lopez Jaena, at iba pang bayani, sumali si Ponce sa kilusan para sa inaasam na reporma. Tinulungan niya si Lopez Jaena sa pagtatatag ng La Solidaridad sa Barcelona noong 12 Pebrero 1889. Siya ang namuno sa seksiyon ng Panitikan ng Asosacion Hispano-Filipina, isang samahan ng mga liberal na Espanyol at Pilipino na tumutulong sa Kilusang Propaganda, kung saan, siya rin ang naihalal na kalihim.

Sa Rebolusyon

Nang sumiklab ang rebolusyon noong 1896, siya ay ikinulong sa Barcelona sa loob ng 48 oras, sa hinala na siya ay may koneksiyon sa nangyaring pag-aalsa. Lumipat siya sa Pransiya upang maiwasan na muling mapagbintangan at naglayag papuntang Hong Kong, kung saan siya ay naging kalihim ng Junta Revolucionaria. Noong 1898, itinalaga siya ni Emilio Aguinaldo bilang diplomatikong kinatawan ng Unang Republika sa Japan.

Paglalakbay

Dumating si Ponce sa Yokohama noong 29 Hunyo 1898 upang humingi ng tulong sa Japan at upang bumili ng mga bala para sa hukbo ng mga Pilipino. Nakilala niya at naging kaibigan si Dr. Sun Yat-Sen, ang unang Presidente ng Republika ng Tsina, at si Jose Ramos Ishikawa, isang Pilipinong-Hapon. Dahil sa kaniyang pagsusumikap, tumulong ang Hapones sa ipinaglalaban ng mga Pilipino. Sa kasamaang-palad, ang mga baril at bala ay hindi nakarating sa Pilipinas dahil nawasak ang barko na nagdadala ng mga ito bunsod ng isang bagyong dumating sa Formosa noong 21 Hulyo 1899.

Kasunod nito, si Ponce ay naglakbay sa Shanghai, Canton, Hangkow, Indo-Tsina, Cambodia, at Siam.

Bumalik siya sa Maynila noong 1907, kasama ang kanyang Hapon na asawa na si Okiyo Udanwara.

Sa Pagsusulat

Blang tagapangasiwang-patnugot, nagsusulat si Ponce sa La Solidaridad ng tungkol sa kasaysayan, politika, sosyolohiya, at paglalakbay sa ilalim ng iba't ibang sagisag-panulat. Ang ilan dito ay ang Naning (ang kaniyang palayaw), Kalipulako (hango mula kay Lapulapu), at Tigbalang. Tumulong siya sa paglabas ng Filipino Celebres, isang serye ng talambuhay ng mga katangi-tanging Pilipino.

Nang siya ay bumalik sa Pilipinas noong 1908 ay naging patnugot at direktor siya ng El Renacimiento. Tumulong din siya sa pagtatag ng El Ideal, pahayagan ng Partido Nacionalista. Kalaunan, gumawa rin siya ng Efemerides Filipinas, isang serye ng mga mahahalaga at makasaysayang pangyayari sa Pilipinas na inilathala sa El Ideal. Ang ilan sa kaniyang mga akda rito ay ang “El Folklore Bulaqueño” (1887), “Una excursion” (1889), “Pandaypira,” “Villanueva y Gettru” (1890), “Jose Maria Panganiban” (1890), talambuhay ng propagandistang si Jomapa, “Sandwit” (1893), “Siam” (1893), “America en el descubrimiento de Filipinas” (1892), “Cronologia de los ministros de Ultramar Cuestion Filipina” (1900), at “Sun Yat-Sen.”

Siya ay nahalal bilang kinatawan ng Bulacan sa Philippine Assembly.

Politika at Kamatayan

Si Ponce ay nahalal na kongresista para sa ikalawang distrito sa Bulacan. Itinalaga rin siya bilang tagapamahala ng lupon ng Komite sa Aklatan ng Kongreso ng Pilipinas na naglilipon ng Bibliografiya Parliamentaria.

Nang papunta sa Tsina upang bisitahin si Dr. Sun Yat-Sen, siya ay binawian ng buhay sa Civil Hospital sa Hong Kong noong 23 Mayo 1918. Ang kaniyang mga labi ay nasa Cementerio del Norte, Maynila.

Mga Sanggunian

  • Filipinos in History. Vol II. Philippine Theater. Manila: National Historical Institute, 1990.
  • Mariano Ponce. (Hinango noong 2 Mayo 2008).

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.