Zoobic Safari

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Logo ng Zoobic Safari

Ang Zoobic Safari sa Subic, Zambales ay isang pook-panturismo na kilala sa makabago at kakaibang istilo nito ng pag-aalaga at paghahantad ng samu't saring hayop. Iwinangis sa mga tanyag na safari sa Africa, ang 25-ektaryang safari na ito ay itinayo sa dating himpilan ng US Naval Magazine at mistulang isang kagubatan sa gitna ng siyudad. Ito ay isa sa mga sangay ng Residence Inn na nagtataguyod at nagsasaayos ng mga hayupan (o zoo) kabilang na rin ang konserbasyon at pangangalaga sa mga hayop at sa kalikasan.

Mga nilalaman

Ang Liwasan

Sa tulong ng Subic Bay Metropolitan Authority at Yupangco Group of Companies ay naisakatuparan ang pagbuo ng tila kaharian ng mga hayop sa Subic. Ang kabuuan ng Forest Adventure ay umaabot sa lawak na 50-ektarya at 25 ektarya dito ay nakalaan sa Zoobic Safari. Ang malawak na pook-pasyalan na ito ay naging paboritong lugar para sa mga turistang Filipino at dayuhan na hangad makakita at makasalamuha ang iba't ibang klase ng hayop. Malaya naman ang ilang hayop na magpagala sa kalsada, gaya ng mga ostrich, unggoy at ilang natitirang tamaraw.

Mga Pang-akit

  • Zoobic Park – Makikita sa bahaging ito ng safari ang iba't ibang uri ng hayop na matiwasay na namumuhay. Ang palibot nito'y pinuno ng mga bungang-kahoy at mga halaman upang mag mistulang kakahuyan. Ang ilang hayop gaya ng baboy, manok, pato at bisiro ay malayang nakagagala sa paligid ng parke, habang ang iba, gaya ng unggoy, puting kalabaw, oso, pabo, mga ibon at iba pa, ay iniingatan sa kanilang malalaking kulungan.
  • Savannah – Ito ay santuwaryo ng mga kakaiba at pambukid na hayop gaya ng mga ostrich, pabo, iba't ibang uri ng baboy at ibon. Makikita rin na malayang nakakatakbo ang mga ostrich sa daanan.
  • Serpentarium – Sa loob ng tila yungib na silid na ito ay mga naglalakihang teraryum na kinalalagyan ng samu't saring ahas, iguana, butiki at iba pang cold-blooded na hayop.
  • Honey Bee Farm – Dito ay silipin ang libo-libong bubuyog at ang natatangi nilang paraan sa paggawa ng pulut-pukyutan.
  • Rodent World – Kung nais makakakita ng halo-halong uri ng daga at makihalubilo sa mga ito, tunguhin ang Rodent World. Kabilang sa atraksyon na ito ang isang tila salon para sa mga guinea pig at iba pang klase ng daga
  • Croco Loco – Isa sa mga pinakabagong tampok ng safari ay ang Croco Loco, isang lagoon na nagpapahintulot sa mga bisita na makahalubilo ang mga buwaya. Sa murang halaga ay makakabili ng buhay na manok na siyang gagamiting pain sa mga buwaya upang magpakitang gilas ang mga ito. Isabit lamang ang nabiling manok sa dulo ng bingwit at ipantakam sa mga buwaya.
  • Hip Hop Bay-a-wak – Maingat na humakbang sa dalawang-talampakang taas na bato habang nakamasid ang mga naglalakihang bayawak na nakapaligid dito.
  • Menagerie (Animal Museum) – Ito ay isang museo na inilaan para sa pag-aaral ng katawan ng hayop. Nakahantad dito ang mga nakapreserbang hayop at kanilang mga buto. Mainam na puntahan ito ng mga mag-aaral.
  • Adventure Rides – Sa malalakas ang loob, subukang sumakay sa malalaking hayop sa safari. Kabilang sa pamimiliang masakyang hayop ay kamelyo, kabayo, kalabaw at alpacas.
  • Close Encounter – Kung nais makasalamuha ng malapitan ang mga tigre, sa tinatayang dalawang talampakang layo, bisitahin ang pang-akit na ito ng Zoobic Safari. Dito mapapanood ang pagpapakain ng mga maaamong tigreng Siberian at Bengala.
  • Tiger Safari – Pinakakinawiwilihan sa Zoobic Safari ang Tiger Safari. Lulan ng nakahawalang batik na dyipni, ang mga turista ay ipinapasyal sa isang malawak na lupain na kakikitaan ng mga tigreng malayang namumuhay dito. Sa bahaging ito ng safari, ang mga tao sa halip na ang mga hayop ang siyang nakakulong. Maaari ding bumili ng buhay na manok sa mga tagapangalaga nito upang ipain sa mga tigre – ang mga huli ay walang atubiling nagtatakbuhan mahabol lamang ang kanilang pagkain.

Mga Larawan

Panlabas na Kawing

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.