Watawat ng Pilipinas

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Pambansang Watawat ng Pilipinas (Larawan mula sa (philippinetraveler.com).

Ang Pambansang Watawat ng Pilipinas, na ipinagawa ni Heneral Emilio Aguinaldo, ay isang simbolo ng mga Pilipinong nagkaisa at nakipaglaban para sa kalayaan at kapayapaan ng bansa. Sa Hongkong tinahi ni Marcela Agoncillo ang watawat, sa tulong ng kanyang anak na si Lorenza, at ni Delfina Natividad, pamangkin ni Jose Rizal.

Unang ginamit ang watawat ng Pilipinas noong 28 Mayo 1898, nang maging matagumpay ang pakikipaglaban ni Heneral Aguinaldo laban sa mga Espanyol. Ang araw na ito ay kinilala bilang Pambansang Araw ng Watawat sa Pilipinas. Noong 12 Hunyo 1898, iwinagayway ang watawat sa Kawit, Cavite nang ideklara ang Kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya.


Mga nilalaman

[baguhin] Simbolismo

  • Araw na may walong silahis – Kinakatawan nito ang unang walong probinsiya na unang nag-alsa laban sa mga Espanyol. Ito ay ang Cavite, Laguna, Batangas, Maynila, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga at Bulakan.
  • Tatlong bituin – Kumakatawan sa tatlong pangunahing isla ng bansa, ang Luzon, Visayas at Mindanao
  • Puting triyangulo -Sumasagisag sa Katipunan. Ang kulay puti ay sumasagisag din sa kadalisayan at pagkakapantay-pantay.
  • Kulay pula – Ito ay sumasagisag sa pagkamakabayan at kagitingan.
  • Kulay asul – Sumasagisag ito sa kapayapaan, katotohanan at katarungan.


[baguhin] Panuntunan sa paggamit

Ang Watawat ng Pilipinas ay makikitang nakasabit sa loob ng Batasang Pambansa (Larawan mula sa (vistapinas.com)

Ayon sa seksyon 12 ng batas, “kapag ang watawat ng Pilipinas ay itataas kasama ang iba pang watawat, at kung ito ay parehong pambansang watawat, ito ay dapat itaas sa magkahiwalay na poste o lalagyan, na may parehong sukat at parehong laki ng watawat.”

Kinakailangan din na kapag ang watawat ay nakabitin o nasa nakatayong posisyon, ang asul na bahagi ay dapat na nasa kanan (nasa kaliwa ng tumitingin). Dahil sa kadalasang makikita ang watawat ng Pilipinas sa mga paaralan, opisina at entablado, nararapat lamang na ilagay sa kaliwa ang watawat (kapag nakaharap sa entablado) o kaya naman sa kaliwang bahagi ng opisina sa pagpasok.

Kapag ang asul na bahagi ng watawat ay nasa itaas, nangangahulugan ito na payapa ang bansa. Kapag ang pula naman ang nasa itaas, nangangahulugan ito na may giyera.


[baguhin] Mga Ipinagbabawal na paggamit sa Watawat

  • Ang pagbababa sa watawat sa pagbibigay ng papuri o parangal sa isang tao o bagay.
  • Ang paggamit sa watawat bilang kurtina, palamuti, mantel, panakip sa dingding, istatwa at iba pang bagay; bilang banderitas sa tabi, likod, o taas ng anu mang motor na sasakyan; bilang tatak o marka; at paggamit nito sa industriyal, komersyal at agrikultural na disenyo o tatak.
  • Ang paglalagay ng watawat sa ilalim ng anumang pintura o larawan, o sa mga sayawan, sabungan, club, casino at ibang lugar ng pasugalan.
  • Ang pagsusuot sa watawat, buo man o parte lamang bilang damit o uniporme.
  • Ang paglalagay ng anumang salita, pigura, marka, larawan, disenyo, dibuho o anunsyo sa watawat.
  • Ang paggawa at paglalagay ng representasyon ng watawat sa panyo, kutson at iba pang uri ng paninda.
  • Ang paglagay ng watawat sa harap ng gusali kung saan namamalagi ang mga hindi Pilipino.


[baguhin] Sanggunian

  • 101 Filipino Icons. Quezon City: Adarna House Inc., 2007.
  • Philippines. (Hinango noong 20 Mayo 2008)

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.