Virgilio S. Almario

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Virgilio S. Almario (Picture from ([1]).

Kilala sa kaniyang sagisag-panulat na Rio Alma, si Virgilio S. Almario ay pangunahing makata, kritiko, tagasalin, editor, guro at tagapamahalang pangkultura ng Pilipinas. Itinampok siya sa Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining para sa Literatura noong 2004, at ngayon ay maibabangga sa pangunang hanay ng magagaling na makata sa ibang bansa.

Lumikha ng daluyong si Almario bilang makatang Rio Alma na nagpasimuno ng ikaapat na agos ng modernismo sa panulaang Filipino, pagkaraan ni Francisco Balagtas; nina Lope K. Santos, Iñigo Ed. Regalado, at Benigno Ramos; at nina Alejandro G. Abadilla at Ildefonso Santos. Samantala, ang kritikong Almario ay lumikha naman ng matalim na panunuri sa mga makabagong tula at itinaas ang antas ng kritika at diskurso ng panulaang Filipino. Bumuo rin ang nasabing kritiko ng sariling teorya at pagdulog sa panulaang Filipino, na tinagurian niyang "Bagong Formalismong Filipino."

Mga nilalaman

[baguhin] Pinag-ugatan

Isinilang si Almario sa Camias, San Miguel de Mayumo, Bulakan noong 9 Marso 1944. Lumaki siyang kasama ang mahihirap sa panahon ng pag-aalsa ng Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (HUKBALAHAP) noong dekada singkuwenta. Nagtapos siya ng A.B Political Science sa University of the East noong 1963 at agad nagturo sa San Miguel High School at St. Paul College, Bulakan. Inilaan niya ang kaniyang mga unang taon sa pagtatrabaho sa pagtuturo ng Araling Panlipunan sa mga paaralang ito.

[baguhin] Mga Obra

Nagsimula ang buhay niya bilang makata noong kumuha siya ng ilang yunit sa kursong edukasyon sa University of the East noong 1963. Katulong sina Rogelio G. Mangahas at Lamberto E. Antonio, itinatag nila ang ikalawang matagumpay na kilusan sa Panulaang Filipino. Noong 1967, kaniyang inilathala ang una niyang koleksiyon ng tula, Ang Makinasyon at ilang Tula na sinundan ng sampu pang koleksiyon na kabilang sa Mga Piling Tula1968-1985 na nasa dalawang wika. Lahat ng kaniyang mga antolohiyang tula ay kinolekta ng U.P. Press noong 1990 at inilathala bilang dalawang bolyum na pinamagatang "Una Kong Milenyum."

Ang ilan sa kaniyang mga nagawang kritisismo ay inilathala sa Dawn,pahayagan ng University of East na na lumalabas linggo-linggo. Natigil siya sa pagtuturo noong idineklara ng pangulong Ferdinand E. Marcos ang "Batas Militar.". Siya ay ikinasal kay Emelina B. Soriano sa hapon ng araw ng bagong taon noong 1973. Nagsaliksik siya ng mga proyekto na nauukol sa kasaysayan ng panitikan at mga tradisyon ng Kasaysayan ng panitikan sa Filipinas habang siya ay pinagbawalan ng militar. Dahil dito, nakagawa siya ng mga kritika tulad ng Taludtod at Talinghaga(1965;1991), Balagtasismo Versus Modernismo (1984), Kung Sino ang Kumatha Kina Bagongbanta, Ossorio, Herrera, atbp. (1992), at Panitikan ng Rebolusyon (1896) (1993)

Ang kaniyang mga kritikal na gawa ay umiikot sa mahahalagang pag-aaral ukol sa isyu ng pambansang wika. Ang ilan dito ay natipon sa aklat na "Filipino ng mga Filipino"(1993) at "Tradisyon at Wikang Filipino"(1998). Siya ang umakda ng "Patnubay sa Masinop na Pagsulat" (1981) at ang nag-edit ng diksiyonaryo sa Filipino habang siya ay direktor ng U.P. Sentro ng Wika noong 1996.

Upang lalong mapalawak ang karanasan sa panitikan at makapagbigay ng pinakamahusay na halimbawa ng paniikan sa mga mambabasa at mag-aaral na Filipino, pumasok siya sa pagsasalin at pag-eedit. Naisalin niya ang pinakamahusay na kontemporaneong tula mula sa iba't ibang bansa.

[baguhin] Gabay at Guro

Si Almario ang nagtatag ng Galian sa Arte at Tula (GAT) noong dekada 1970, at nagpasulak ng himagsikan sa pamamagitan ng pagtula at pagsulat nito. Halos lahat ng kasapi ng GAT noon ay nagsitanyag pagkaraan, at kabilang dito sina Teo T. Antonio, Mike L. Bigornia, Jess Santiago, Fidel Rillo, Rene O. Villanueva, Lilia Quindoza-Santiago, Ricky Lee, Marne L. Kilates, at Delfin L. Tolentino. Pinatalsik ng mga partidistang maka-kaliwa si Almario sa GAT sa utos ng mga pinuno nito. Bilang balikwas, binuo ni Almario ang LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo) upang maging alternatibo sa pagbubuo ng mga tulang hindi linyado ngunit matalim, malalim, at makalipunan. Umabot na sa ika-22 taon ang LIRA, at isinilang nito ang mga sikat na manunulat katulad nina Vim Nadera, Roberto T. Añonuevo, Romulo P. Baquiran Jr., Rebecca T. Añonuevo, Luna Sicat-Cleto, Maningning Miclat, Jim Libiran, Michael M. Coroza, Jerry Arcega Gracio, at Mesandel Virtusio Arguelles. Pambihira ang sigasig ni Almario sa paghubog ng mga kabataang makata, at walang humpay sa pagtuturo.

[baguhin] Mga Samahan

Si Almario ay naging editor ng Bagong Kultura, Sagisag, Diyaryo Filipino, Magazing Filipino, at UP Diksiyonaryong Filipino. Naging pangulo siya ng KADIPAN, UP Writers' Club, Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), Filipinas Institute of Translation (FIT), at naging punong tagapagpaganap ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (National Commission for Culture and the Arts/NCCA). Nagsilbi ring direktor siya ng UP Institute of Creative Writing, UP Sentro ng Wikang Filipino, at Pambansang Sanggunian nga mga kagawaran ng Filipino (SANGFIL).

[baguhin] Parangal

Siya ay nagkamit ng Best Translation of Rizal as novels (Noli Me Tangere at El Filibusterismo) mula kay Sen. Blas Ople at ng Manila Critics Circle. Inayos din niya ang mga koleksiyon nina Jose Corazon de Jesus, Lope K. Santos, Alfrredo Navarro Salanga, Pedro Dandan at ilang aklat sa Ekolohiya at panitikang pambata. Nakatanggap din siya ng parangal mula sa iba't ibang prestihiyosong institusyon tulad ng Palanca Awards, Makata ng Taon ng Komisyon ng Wikang Filipino, Ten Outstanding Young Men Award for literature (TOYM), at SEAWrite Award mula sa Bangkok, Thailand.

[baguhin] Sanggunian

  • Almario, Virgilio S., atbp., mga editor. Sansiglong Mahigit ng Makabagong Tula sa Filipinas. Lungsod Pasig: Anvil Publishing House, 2006.
  • Hango sa Virgilio S. Almario panitikan.com noong 30 Oktubre 2007.
  • Hango mula sa materyales ng nominasyon kay Virgilio S. Almario bilang Pambansang Alagad ng Sining.

[baguhin] Panlabas na Kawing

  • Basahin ang kritika ni Roberto T. Añonuevo sa mga akda ni Rio Alma sa Dakilapinoy.

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.