Unibersidad ng Pilipinas

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Sagisag ng Unibersidad ng Pilipinas


Ang Unibersidad ng Pilipinas na may taguring "peyups" ay itinatag noong 18 Hunyo 1908 at kinikilala bilang nag-iisang pambansang pamantasan na nangunguna sa pagbibigay ng kalidad na edukasyon. Ipinagmamalaki nito ang mga kontribusyon na bunga ng mabusising pag-aaral at pagsasaliksik na kinilala sa loob at labas ng bansa. Ito lamang ang natatanging pamantasan na kabilang sa Association of Pacific Rim Universities (APRU), ASEAN-European University Network (ASEA UNINET), at isa sa dalawa na kabilang sa Asean University Network (AUN).

Ang Unibersidad ng Pilipinas Sistema (UP) ang pambansang unibersidad na pasimuno sa pagsusulong ng mataas na edukasyon sa pamamagitan ng kahusayang akademiko, bukod-tanging saliksik, serbisyo publiko, at makabagong pasilidad.

Nagsimula ang UP na maliit na kampus sa Maynila at may ilang kolehiyo. Tumanyag iyon sa paglipas ng panahon dahil sa mga gradweyt nito na lumikha ng mga siyentipiko't malikhaing saliksik na pawang matataas ang kalidad at kinilala sa kapuwa loob at labas ng bansa. May pitong sangay na unibersidad na nasa 12 kampus sa buong bansa ang UP. Nililinang ng nasabing mga sangay ang intelektuwal at pangkulturang paglago ng Filipino sa pamamagitan ng 246 di-gradwado at 362 gradwadong programa. Ang 30 porsiyento ng fakultad nito ay titulong doktorado and 42 porsiyento ang may titulong masterado. Ang iba pang tinatapos ang kani-kanilang gradwadong pag-aaral.

Umaabot sa 50 libo ang populasyon ng estudyante ngayon sa UP. At ang mga dating nagsipagtapos dito ay naging pinuno sa politika, pamamahala, batas, agham, at sining. Nakalikha rin ng 25 pambansang siyentipiko ang UP sa mga lárangan na gaya ng kasaysayan, inhinyerya, pisika, agrikultura, biyopisikong kemistri, sikolohiya, medisina, pisyolohiyang halaman, henetika, at cytohenetika. Ang 30 sa 50 Pambansang Alagad ng Sining ay mga nagsipagtapos sa UP, at nagmula sa panitikan, sining biswal, musika, sayaw, teatro, pelikula, at arkitektura.

Naging tradisyon na dito ang mapagpalayang pamamaraan ng pagtuturo na nag-uudyok hindi lamang ng pansariling kalinangan kung hindi ang kagalingan na makakapagpabago sa lipunan sa pamamagitan ng malayang paghahandog ng sarili. Ang inukit na Oblation ay simbolo nito. Ang opisyal na kulay ng U.P ay forest green at maroon.

Mga nilalaman

[baguhin] Mga Naging Presidente ng UP

Pangalan Taon
  Murray S. Bartlett   1911- 1915   
  Ignacio Villamor      1915-1921
  Guy Potter Wharton Benton   1921-1925
  Rafael V. Palma   1925-1933
  Jorge Bacobo   1933-1939
  Bienvenido M. Gonzalez   1939-1943 & 1945-1951
  Antonio Sison   1943-1945
  Vidal A. Tan   1951-1956
  Enrique Virata   1956-1958
  Vicente G. Sinco   1958-1962
  Carlos P. Romulo   1962-1968
  Salvador P. Lopez   1969-1975
  Onofre D. Corpuz   1975-1979
  Emanuel V. Soriano   1979-1981
  Edgardo J. Angara   1981-1987
  Jose V. Abueva   1987-1993
  Emil Q. Javier   1993-1999
  Francisco Nemenzo Jr.   1999-2005
  Emerlinda Roman   2005-present

[baguhin] U.P. Oblation

Ang Oblation ang kumakatawan sa pagkakaisa ng lahat ng sangay ng unibersidad sa adhikain, balakin, at tradisyon. Ito ay ukit ni Guillermo E. Tolentino sa pag-udyok ni Rafael Palma (unang pangulo ng unibersidad) na gawan ng isang monumento ang mga linyang hango sa "Huling Paalam" ni Rizal. Ito ay may taas na 3.5 metro at naitayo na sa nakalipas na 350 taon ng pagsakop ng mga Kastila sa Pilipinas. Ang mga bato sa ilalim nito ay galing sa Montalban, Rizal, kung saan naganap ang paglalaban sa pagitan ng mga Pilipino at Hapon noong ikalawang digmaang pandaigdig.

Ayon na rin sa lumikha, ang hubad na lalaki na nakatingala at nakapikit, bukas ang palad at batak na mga braso ay sumasalamin sa mga hindi na nakilalang mga bayani. Ang mga maliliit at malalaking bato ay kumakatawan sa mga isla. Ang kinatatayuan ng lalaki ay pasadyang ginawa sa hugis ng bansa bilang isang arkipelago.Ang halamang katakataka ay paghahalintulad sa maigting na pagmamahal sa bansa ng mga bayani. Katulad ng isang katakataka na kinikilala sa Kastila na siempre vivoo laging buhay, ang pagmamahal sa bayan ay patuloy ring nabubuhay sa bansa. Ang Oblation ay inihayag at inialay para sa mga bayani sa kampus sa Padre Faura na pinangunahan ni Gng. Gregoria de Jesus Nakpil. Noon lamang Pebrero 11, 1949 nilipat ito sa UP Diliman bilang bahagi ng ika-40 anibersaryo ng pamantasan.

[baguhin] Mga Sangay

UP Diliman

Dito matatagpuan ang kinilala bilang mga pambansang sentro ng pagsasaliksik.Ang mga ito ay ang Marine Science Institute, National Institute of Geological Sciences, National Institute of Physics, National Institute of Molecular Biology and Biotechnology, at ang National Institute for Science and Mathematics Education Development. Ang kampus na ito ay may natatanging pagkilala sa sining. Patunay nito ang naitayong Vargas Museum, U.P. Film Institute at ang Likhaan:U.P. Institute of Creative Writing.


  • U.P. Manila
UP Manila

Ang sentro ng pagsasaliksik sa sangay na ito ay ang Philippine General Hospital, National Institutes of Health, at ang opisina ng Ugnayan ng Pahinungod. Ang U.P. Manila ay nagbibigay kasanayan at kalinangan sa aspetong medisina at mga kaugnay nito.


  • U.P. Visayas
UP Visayas

Ito ay kilala na nangunguna sa katuruang patungkol sa kaalamang marine science, pangingisda, at aquaculture.Ang mga naiambag na pag-aaral mula dito ay kinilala. Natatangi sa sangay na ito ang kanilang pangangalaga sa kulturang Bisaya.


  • U.P. Los Baños
UP Los Banos

Ito ang nangunguna sa aspetong agrikultura sa buong Asya na pinangungunahan ng ''International Rice Research Institute'' (IRRI). Natatangi rin na sakop ng sangay na ito ang pangangalaga sa may 4,000 hektaryang Mt. Makiling Forest Reserve.



  • U.P. Mindanao
UP Mindanao

Ang sangay na ito ay nagbabahagi ng karunungan sa aspetong kalinangang pantao (human resource development).



  • U.P. Baguio
UP Baguio

Ito ang pinakabata sa mga sangay ng U.P. na noon ay bahagi ng Diliman.Nakilala ito bilang isang pamantasan noong Disyembre 2002.Ang Cordillera Studies Center (CSC) ay layon ang mataas na kalidad ng edukasyon sa Hilagang Luzon at ang palawigin pa ang pagsasaliksik upang mapangalagaan ang tradisyon dito.



  • U.P. Open University
UP Open University


Sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya at Internet, napasinayanan ang sangay na ito upang magbigay pansin sa pangangailangang makapagturo na hindi na kailangan pa ang pagpunta sa pamantasan para lamang matuto. Ito ay tinawag na distance learning.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.