Undas

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Undas1.jpg
Pagbisita sa puntod ng yumaong kamag-anak

Ang Undas (na kilala din sa tawag na Todos los Santos o Araw ng mga Patay), ay isang pista opisyal na malawakang ipinagdiriwang sa Pilipinas upang magbigay galang at pugay sa mga yumaong kamag-anak.

Libu-libong mga Pinoy ang dumadayo sa mga libingan at memorial parks tuwing Nobyembre 1 hanggang 2 upang magsama-sama at alalahanin ang kanilang namayapang kamag-anak at mag-alay ng bulaklak at magtirik ng kandila. Ang okasyon na ito ay kadalasang itinuturing na isang reunion ng mga kamag-anak kung saan sila ay nagdadala ng mga pagkain at inumin upang pagsalu-saluhan, at kung minsan ay doon namamaligi ng buong araw o di kaya ay doon sila natutulog ng magdamag.

Mga nilalaman

[baguhin] Tradisyon

Karamihan sa mga pamilyang Pilipino ay dumadayo sa sementeryo ilang linggo o araw bago sumapit ang undas upang linisin o di kaya ay pinturahan ang puntod ng yumao nilang kamag-anak. Nag-aalay din sila ng misa para sa kaluluwa ng kanilang yumao.

Ang "Pangangaluluwa" naman ay isang kaugalian ng mga Pilipino na madalas na nakikita sa mga lalawigan, kung saan may isang grupo na humihingi ng limos at dasal. Sinasabing sila ay kumakatawan sa mga kaluluwang nananatili sa purgatoryo, humihingi ng dasal mula sa mga buhay upang matulungan silang makarating sa langit.

Ang "Pag-aatang" o "Atang" naman ay isang paniniwala at kaugalian ng mga Ilokano kung saan nag-aalay ng pagkain para sa mga namayapang kamag-anak bilang pagbibigay respeto, alaala at pagmamahal para sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

[baguhin] Iba pang kaugalian

Undas3.jpg

Libu-libong pamilya ang dumadagsa sa mga libingan pagsapit pa lamang ng bisperas ng Nobyembre 1, at kadalasan ay nagsisimula na ang mahabang trapik sa paligid ng daan sa mga sementeryo, partikular sa Maynila. Ang paghanap ng mapaparadahan ay tunay na nagbibigay ng hirap sa mga motorista. Ang mga bumibisita sa sementeryo ay mas ninanais na lamang na maglakad papunta sa lote o puntod ng kanilang yumaong mahal sa buhay.

Sa Maynila, ang mga alkalde ay madalas na nagtatatag ng tinatawag na "Project Undas" bago sumapit ang Todos los Santos. Isa na sa mga proyekto nila ay ang pagpapaalis sa mga iskwater na nagtatayo ng maliliit na silungan sa mga pampublikong libingan gayun din ang paghuli sa mga drug addicts na nagtatago sa mga bakanteng nitso. Kasama din dito ay ang pagsasaayos ng ibang daanan upang maging maayos ang daloy ng trapiko.

Dalawa o tatlong araw bago ang Araw ng mga Patay, ang mga tindahan o pwesto ng mga bulaklak at kandila ay nagtataas ng presyo nang hanggang 500 porsyento. Hindi ito inaalintana ng mga mamimili, maalayan lamang ng bulaklak at kandila ang kanilang namayapang kamag-anak.

Ang pistang ito ay kadalasang iniuugnay sa mga katatakutan tulad ng pagdaraos ng Halloween sa Amerika. Ang mga programa sa telebisyon gayun din ang mga palabas sa sinehan ay kadalasang nakasentro sa mga multo, kababalaghan at nakapanghihilakbot na pangyayari.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.