Trinidad Tecson

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Si Trinidad Tecson (18 Nobyembre 1848 – 28 Enero 1928) na kilala na “Ina ng Biyak na Bato” at “Mother of Mercy”. Si Tecson ay kabilang sa ilang babaeng Filipino, na nakipaglaban kasama ang mga rebolusyonaryong, noong panahon ng mga Espanyol. Si Tecson ang tinuturing na ina ng Philippine National Red Cross, dahil sa kaniyang naging tulong sa kasamahang Katipunero.

Mga nilalaman

[baguhin] Pinag-ugatan

Isinilang si Tecson sa San Miguel de Mayuno, Bulacan, na isa sa 16 na anak nina Rafael Tecson at Monica Perez. Siya ay tinuruang mabasa at magsulat ni Quinto, na isang kilalang guro sa kanilang bayan. Natutong mag-eskrima sa pamamagitan ni Juan Zeto, na isang maestro ng eskrima.

Kinatatakutan si Tecson, ng kaniyang mga kalaro at mga nakakakilala sa kaniya dahil siya ay mahusay mag-eskrima at sa angkin niyang taas, “Tangkad” kung tawagin siya ng kaniyang mga kaibigan. At nang maulila si Tecson, tumugil siya sa pag-aaral, at sinamang manirahan ang kaniyang mga kapatid sa kamag-anak.

Noong 19 na taon pa lamang si Tecson, nang siya ay ikasal. Biniyayaan ang mag-asawa ng dalawang anak, na sina Sinforoso at Desiderio. Ang pagbili at pagbenta ng baka ang pangunahing ikinabubuhay ni Tecson, nagbebenta rin siya ng isda, talaba, at banagan (lobster) , sa Maynila.

[baguhin] Katipunan

Nagsimulang mamulat sa mga kalupitan ng mga Espanyol si Tecson, nang siya ay maging kagawad ng Logia de Adopcion, na itinatag noong 1893. Ang samahang ay binuo upang tuligsain ang maling pamamalakad ng mga paring Espanyol sa Filipinas.

Noong 1895, sa edad na 47, si Tecson ay sumali sa Katipunan. Namangha ang kaniyang mga kasamahan ng gamitin niya ang kaniyang dugo sa paglagda ng kaniyang panunumpa, na noon ay hindi pinapagawa sa babaeng kasapi ng Katipunan. Bilang isang katipunero, kasama si Tecson sa grupo na kumuha ng mga armas sa loob ng korte sa Kalookan, at sa San Isidro, Nueva Ecija. Si Hen. Mariano Llanera ang kaniyang pinuno nang sumiklab ang rebolusyon.

Nakasamang nakipaglaban ni Tecson sina Hen. Francisco Makabulos ng Nueva Ecija, Hen. Mariano Llanera, Hen. Isidro Torres, at Hen. Gregorio del Pilar ng Bulakan. Siya ang naging nars ng mga sugatang Katipunero sa laban. At sa madugong Bakbakan sa San Miguel at Zaragosa, si Tecson ay tinamaan sa kaniyang hita. Napilitan ang kaniyang mga kasamahan na umatras patungong Biyak-na-Bato, na naging punong himpilan ni Hen. Emilio Aguinaldo.

[baguhin] Panahon ng mga Amerikano

Nang magsimulang sakupin ng mga Amerikano ang Filipinas, si Tecson ay muling nakibaka. Sumali siya sa grupo ni Hen. Gregorio del Pilar. Kasama siyang umatake sa puwersa ng mga Amerikano na nakahimpil sa Bulakan at Calumpit. Humawak si Tecson ng posisyon sa Republika ng Malolos, bilang Comisario ng Digmaan.

Nakita ni Tecson ang bangkay ni Hen. Antonio Luna, habang siya ay papuntang Cabanatuan, dahil siya at ang mga kasamahang rebolusyonaryo ay tinutugis ng mga Amerikano. Magkakasamang tinawid nila Tecson at mga sugatang rebolusyonaryo ang kabundukan ng Zambales papuntang Santa Cruz hanggang Iba.

[baguhin] Buhay matapos ang digmaan

Nang matapos ang sigalot, ipinagpatuloy ni Tecson at ang kaniyang asawa ang kanilang hanapbuhay sa Nueva Ecija, at nagtinda siya ng karne sa bayan ng San Antonio at Talavera. At nang mamatay ang asawa, muling ikinasal siya kay doroteo Santiago at nang mamatay ito, napangasawa naman niya si Francisco Empainado.

Noong 28 Enero 1928, si Tecson ay namatay sa Philippine General Hospital, sa edad 80. Ang kaniyang labi ay inilagak sa Cementerio del Norte.

[baguhin] Sanggunian

  • Trinidad Tecson (hinango noong 11 Marso 2008).
  • Ancheta, Hermina M. and Michaela Beltran-Gonzalez. Filipino Women in Nation Building - A Compilation of Brief Biographies. Lungsod Quezon: Phoenix Publishing House, Inc., 1984.
  • National Historical Institute. Historical Markers: Regions I-IV and CAR. Maynila: National Historical Institute, 1993.
  • "Central Luzon and NCR: Trinidad Tecson." Unsung Heroes of the Philippines Revolution - MSC Communications Technologies, Inc. http://www.msc.edu.ph/centennial/hero/ncr/page13.html (hinango noong 11 Marso 2008).
  • Quirino, Carlos. Who's Who in Philippine History. Maynila: Tahanan Books, 1995.
  • de Guzman,Jovita V.,Vicente A. Santiago,Remedios T. de Leon and Teresita E. Erestain. Women Of Distinction; Biographical Essays on Outstanding Filipino Women of the Past and the Present. Philippines: Bukang Liwayway, 1967

[baguhin] Panlabas na kawing

  • Kung nais ninyong mabása ang bersiyong Ingles nito, pindutin ang Trinidad Tecson

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.