Toribio Teodoro

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Si Toribio Teodoro (1887-1965) ay isang magandang halimbawa ng isang Pilipino, na bagaman na ipinanganak na mahirap, ay nagtagumpay dahil sa abilidad, lakas ng loob at pagsisikap.

Mga nilalaman

Buhay

Ipinanganak siya sa isang mahirap na pamilya noong 27 April 1887 sa Barrio Matang Tubig, Caloocan, Rizal at supling nina Julian Teodoro at Apolinaria del Mundo.

Upang matulungan ang kanyang pamilya, sa gulang pa lamang na 12 ay nagsimula na siyang magtrabaho sa El Oriente, isang pagawaan ng sigarilyo, at kumikita linggo-linggo ng 80 sentimo. Dahil sa puno siya ng ambisyon, pagsisikap, at determinasyon upang mapabuti ang kanilang kalagayan, tumigil siya sa una niyang trabaho at nagsimulang bumuo ng isang negosyo kasama ang kanyang kaibigan na si Juan Katindig.

Negosyo

Noong 14 Nobyembre 1910, nagbukas sila ng maliit na tindahan sa 821 Kalye Cervantes at nagtinda ng mga sapatos at tsinelas na may tatak na “Ang Tibay”. Ang kapital lamang ng kanilang negosyo ay P210, at P30 ang parte ni Katindig.

Ang pagsososyo nina Katindig at Teodoro ay tumagal hanggang 1921 nang mapagdesisyunan ni Katindig na sumubok ng ibang negosyo. Gamit ang parte sa puhunan ni Teodoro na P43000, nagtayo si Teodoro nang sarili niyang negosyo, “Ang Tibay Footwear Factory” noong 1922. Dahil sa kanyang magaling na pamamahala, matapos ang sampung taon, isa ang pabrika ni Teodoro sa mga pinakamalaki sa Pilipinas.

Parangal

Hindi nakapagtapos ng pag-aaral si Teodoro, ngunit noong 1958, pinarangalan siya ng National Teachers College ng doctor of business management degree, honoris causa, bilang pagkilala sa kanyang natatanging tagumpay sa larangan ng negosyo. Tumanggap naman siya ng Legion of Honor na parangal noong 1961.

Binawian siya ng buhay noong 30 Agosto 1965 sa Frankfurt, Germany, habang nasa paglalakbay sa buong mundo.

Sanggunian

  • Filipinos in History. Vol III. Philippine Theater. Manila: National Historical Institute, 1996.

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.