Timog Cotabato

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Rehiyon ng SOCCSKSARGEN
(Rehiyon XII ) | Timog Cotabato | 1 | 10 | 198 | 3,706| 690,728| 186|
Timog Cotabato
Lokasyon
Ph locator map south cotabato.png
Pamahalaan
Rehiyon Rehiyon ng SOCCSKSARGEN
(Rehiyon XII )
Lalawigan Timog Cotabato
Lungsod 1
Munisipalidad 10
Kabisera
Barangay 198
Pisikal na Katangian
Saklaw 3,706 km²
| ()
Populasyon
Kabuuan (2000) ()
Densidad 186/km²
| ()


Matatagpuan sa rehiyong SOCCSKSARGEN sa Mindanao ang Timog Cotabato. Lungsod Koronadal ang kabisera nito. Napapaligiran ng Sultan Kudarat sa hilaga at kanluran, Sarangani sa timog at silangan, at Davao del Sur sa silangan ang Timog Cotabato.

Dating bahagi ng lalawigan ang Lungsod Gen. Santos, isang pangunahing daungan, hanggang naideklara itong ganap na urbanisadong lungsod noong ika-5 ng Setyembre 1988. Dating bahagi rin ng Timog Cotabato ang Sarangani hanggang naging ganap itong lalawigan noong 1992.

Mga nilalaman

[baguhin] Heograpiya

Ang lalawigan ng Timog Cotabato ay may kabuuang sukat na 3,706 kilometrong kuwadrado. Ang Lake Sebu ang pinakamalaking munisipalidad nito na may kabuuang sukat na 891.38 kilometrong kuwadrado. Pinakamaliit naman ang Sto. Niño sa sukat na 109.04 kilometrong kuwadrado.

Nahahati ang lalawigan sa dalawang lambak, ang Lambak ng Alah (na karaniwang binabaybay ding "Allah"), at ang Lambak ng Koronadal, na kapag pinagsama ay siyang bumubuo ng Cotabato Basin. Nakapagitan sa dalawang lambak ang kabundukan ng Roxas.

Ang kabundukan ng Daguma naman ang naghihiwalay sa Lambak ng Alah at lalawigan ng Sarangani. Sa kabundukang ito matatagpuan ang tatlong lawang kinabibilangan ng Siloton, Lahit at Sebu; at ang Bulkang Parker kasama ang lawa sa bunganga nito, ang Lawa ng Holon, na dating tinawag na Lawa ng Maughan.

Ang pinakamataas na bundok sa lalawigan ay ang Bulkang Matutum na may taas na 2,286 metro. Ito rin ang pangunahing palatandaan ng lugar, at nakikita ito mula sa Look ng Sarangani. Ang dalawang natutulog na bulkang Matutum at Parker ay magkatapat na tila bantay sa magkabilang gilid ng kung sinumang papasok sa lalawigan galing sa Lungsod Gen. Santos.

Pinakamalaking ilog sa lalawigan ang Ilog Alah, na galing sa Bulkang Parker at dumadaloy patungong hilagang kanluran. Dumadaan ito sa Lambak ng Alah, at doon nasasagap ang tubig na galing sa mga ilog ng Banga at Lonon, hanggang sa makarating ito sa Lati ng Liguasan. Pangalawa naman ang Ilog Marbel, na dumadaan sa Lambak ng Koronadal, at umaagos nang pahilaga hanggang sa ibuga ito sa Lawa ng Buluan.

[baguhin] Kasaysayan

Kung ihahambing sa ibang lalawigan sa Pilipinas, bata pa ang Timog Cotabato. Sa unang bahagi ng ika-20 siglo, ang lugar na ngayon ay tinatawag na lalawigan ng Timog Cotabato ay kakaunti pa lang ang naninirahan, karaniwan ay ang mga grupo ng Muslim at Lumad tulad ng mga Maguindanao, T'boli, at B'laan. Dahil sa ang lugar ay napapaligiran ng kabundukan, hindi ito gaanong naging apektado ng pagdating ng Islam sa bansa, maging ng pananakop ng Espanya. Napagtuunan lamang ng pansin ang lugar noong panahon ng Amerikano. Nang magkaroon ng kaguluhan sa Luzon at Visayas dala ng mga sigalot sa pagmamay-ari ng lupa, ang ibang mga magsasaka ay nagpasya na lamang na maghanap ng ibang mga lupaing pagyayamanin.

Unang dumating sa lugar ang mga taga-Cebu, sa pangunguna ni Tranquilino Ruiz Sr., noong Oktubre 1914. Itinatag nila ang tinaguriang ika-9 kolonya, na ngayon ay munisipalidad na ng Glan, Sarangani. Noong ika-9 naman ng Marso 1920, sa kabilang gilid ng Look ng Sarangani dumaong ang barkong "Tablas" sakay ang unang grupo ng mga taga-Ilocos, sa pangunguna ni Crisanto Hidalgo ng San Fernando, La Union. Itinatag naman nila ang ngayon ay munisipalidad ng Kiamba, Sarangani. Ika-27 ng Pebrero 1939 naman dumating ang unang grupo ng mga Tagalog, sa pangunguna ni Heneral Paulino Santos ng Camiling, Tarlac.

Unti-unting pinasok ng mga unang residente ng Timog Cotabato ang lupain hanggang makarating sila sa Lambak ng Koronadal at Lambak ng Alah sa paghahanap ng lupang matatawag na kanilang sariling pag-aari. Nilinang nila ang lupa sa kabila ng maraming paghihirap tulad ng malaria, kakulangan ng mga daan at kawalan ng komunikasyon at transportasyon, at natagpuan nilang angkop na angkop sa pagsasaka ang lupain at ang klima. Nang makarating sa Luzon at Visayas ang balita tungkol sa yaman ng bagong lupain, marami na ang nagkumahog na pumunta. Nagtatag sila ng mga pamayanan na katulad ng mga iniwan nila sa kanilang mga pinagmulan, kung kaya hanggang sa kasalukuyan ay maraming lugar sa lalawigan ang kapangalan ng mga lugar sa Luzon at Visayas. Natigil lamang ang pagdating ng mga immigrante nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at nagsimula itong muli nang matapos ang digmaan at maipahayag na ang kasarinlan ng Pilipinas. Maraming bagong munisipalidad ang itinatag sa lugar, na noon ay itinuring na katimugang bahagi ng lalawigan ng Cotabato.

Sa pagdating ng dekada '50, napeste ng mga daga ang pananim ng mga magsasaka sa lalawigan, ngunit sa tulong ng pamahalaan ay nakabangon silang muli. Nang panahon ding iyon sumibol ang kilusan upang magkaroon ng kasarinlan ang lugar mula sa lalawigan ng Cotabato, sapagkat pakiramdam ng mga tao ay wala silang tinig sa lokal na pamahalaan bagkus ay kontroladong lahat ng mga taga-hilaga. Pinetisyon nila ang pamahalaang pambansa upang mabigyan sila ng kasarinlan, kung kaya noong ika-18 ng Hulyo, 1966, naipasa at naaprubahan ang Batas Pambansa Blg. 4849 na naghihiwalay ng Timog Cotabato mula sa inang lalawigan ng Cotabato. Alinsunod sa batas na ito, naihalal ang mga unang opisyales ng lalawigan, kabilang ang unang gobernador na si Sergio B. Morales, noong halalan ng Nobyembre 1967, at sinimulan nilang isagawa ang kanilang mga tungkulin bilang opisyales nang magsimula ang taong 1968.

May labing-isang munisipalidad ang Timog Cotabato nang una itong maitatag. Humiwalay ang Lungsod Gen. Santos noong 1988 nang ito ay maging ganap na urbanisadong lungsod. Pagpasok ng dekada '90, may labimpitong munisipalidad na ang lalawigan, ngunit humiwalay naman ang pitong munisipalidad sa gawing baybayin upang bumuo ng lalawigan ng Sarangani noong 1992.

Umakit ng atensyon mula sa buong bansa ang lalawigan nang pigilin ng dating Kalihim ng Edukasyon na si Armand Fabella na ganapin sa Koronadal ang National Secondary Schools Press Conference (NSSPC) noong Disyembre 1993, isang linggo bago ito dapat magsimula, sa kabila ng mahigpit na pagtutol ni Gobernador Hilario de Pedro III at ni Daisy Avance-Fuentes na noon ay siyang Kinatawang ng Ikalawang Distrito ng lalawigan. Nang mapalitan ni Ricardo Gloria si Fabella nang sumunod na taon, sa Koronadal na rin ginanap ang NSSPC. Magmula noon, marami na ring ginanap na pambansang aktibidades sa lalawigan, tulad ng Palarong Pambansa noong 1996.

Naging lungsod ang Koronadal noong ika-8 ng Oktubre 2000 sa bisa ng Batas Pambansa Blg. 8803. Noong ika-19 ng Setyembre, 2001, sa bisa ng kautusan ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo, ang Koronadal na ang naging sentro ng Rehiyon XII.

[baguhin] Subdibisyong Politikal

Binubuo ng 10 munisipalidad at 1 lungsod ang Timog Cotabato.

[baguhin] Lungsod

[baguhin] Munisipalidad

Ang Lungsod ng Heneral Santos ay itinuturing na isang ganap na urbanisadong lungsod na hindi na kabilang sa lalawigan ng Timog Cotabato. Ang mga botante nito ay hindi na kasali sa paghalal ng mga panlalawigang opisyales ng Timog Cotabato, at hindi na rin kasali ang lungsod sa ekonomiya ng lalawigan. Subalit, ito ay kabilang sa unang distrito ng lalawigan sa paghalal ng kinatawan sa Kongreso.

[baguhin] Kultura

[baguhin] Wika

Maraming wika ang gamit ng mga taga-Timog Cotabato. Marunong sila ng Hiligaynon, Filipino, Cebuano, at Ingles. Gamit din nila ang Kiniray-a at Ilocano. Bukod pa dito, ang mga katutubong Muslim at Lumad ay may kani-kanila ding mga wika. Ang karaniwang wika sa lalawigan ay Hiligaynon (na tinatawag nilang "Ilonggo"), ngunit maaaring sabayang gamitin ng mga tao ang apat na wika sa isang pag-uusap. Ingles at Filipino (na karaniwang tawag ng mga tao ay "Tagalog") ang wikang ginagamit sa mga opisyal na transaksiyon sa lalawigan.

[baguhin] Mga Tao

Ayon sa census noong 2000, limampung porsiyento ng bilang ng mga tao sa Timog Cotabato ay kabilang sa pangkat ng mga Ilonggo. Ang pangkat na ito ay galing sa Panay at Negros sa Visayas, na karamihan ay nagtatag ng mga pamayanan sa lungsod ng Koronadal at sa mga munisipalidad ng Banga, Surallah, Santo Niño at Norala. Sila ang nagdala ng mga wikang Hiligaynon at Kiniray-a at ng kulturang Ilonggo sa lalawigan. Mga Ilokano naman ang napunta sa mga munisipalidad ng Tampakan, Tantangan at Tupi, kung saan dinala din nila ang wika at kulturang Ilokano. Ang wikang Cebuano naman ay ginagamit sa Polomolok at Tupi, na malapit sa Lungsod ng Heneral Santos, kung saan ang wikang ito ang karaniwang ginagamit.

Ang pinakamalaking pangkat ng mga Muslim sa lalawigan ay ang mga Maguindanao. Bagamat marami sa mga kabilang sa pangkat na ito ay hindi iniiwan ang kanilang mga katutubong damit at tradisyon, mayroon na rin sa kanilang nakikibagay sa mga kaugalian ng kanilang mga kababayang Kristiyano tulad ng pagsusuot ng maiiksing damit, hindi pagtakip ng buhok, at pagdayo sa mga sayawan at pagdiriwang na magkasama ang mga babae at lalaki. Ang mga kabilang naman sa pangkat ng Kristiyano ay natutong igalang at pahalagahan ang kultura ng mga Maguindanao. Natutunan nilang magustuhan ang pagkain ng tinagtag, at malong na ang naging kapalit ng kumot sa karamihan ng mga tahanan sa lalawigan.

T'boli at B'laan ang mga katutubong Lumad ng lalawigan. Nakatira sila sa mga munisipalidad ng T'boli at Lake Sebu at sa bulubunduking bahagi ng munisipalidad ng Banga. Ang mga pangkat na ito ay kilala sa kanilang makukulay na palamuti at pananamit, at sa paglikha ng mga bagay na gawa sa tanso. Marami sa mga lugar sa lalawigan ang may pangalang hango sa mga salita ng dalawang pangkat, ngunit ang maituturing na pinakamalaking naiambag nila sa kultura ng probinsiya ay ang telang tinatawag na t'nalak, na hinahabi ng mga babaeng T'boli.

[baguhin] Pagkain

Lutong Ilonggo ang karaniwang nakikita sa probinsiya. Balbakwa, kinilaw at laswa ang karaniwang ulam na nasa menu ng mga karenderya, at La Paz Batchoy at halo-halo naman ang karaniwang "short order".

[baguhin] Musika at Sining

Ang mga Ilonggo, Ilocano at Cebuano ay may sariling mga katutubong sayaw, tugtugin at awitin na dala nila nang dumating sila sa lalawigan. Ang mga batang taga-Timog Cotabato ay tinuturuan hindi lamang ng kultura ng kanilang pangkat na pinanggalingan kundi ng kultura ng ibang mga pangkat. Natututo sila ng mga sayaw at tugtugin ng mga Maguindanao, T'boli at B'laan.

[baguhin] Opisyal na Kanta

Martsa ng Timog Kotabato
Tayo na sa Timog Kotabato
ang lupain ng pangako
pag-asa at ligaya ng lahat
mayayama't mahihirap...
Bulkang Matutum ang sagisag
ng mabilis na pag-unlad
masaganang pamumuhay
sa atin ay inaalay...
Ito'y mapalad na lalawigan
lupa't dagat ay mayaman
mauunlad na mga bayan
dito ay matatagpuan...
Lawang Sebu'y nakabibighani
kalakal sa Sarangani
nagsasaad ng pag-unlad
at kabutihan sa lahat...

[baguhin] Turismo

Ang sumusunod ay ilan sa pang-akit ng Timog Cotabato sa turismo:

Makasaysayang Lugar

  1. Filipino-Japanese Memorial Shrine
  2. South Cotabato Community Musuem & Tantoco Memorial Hall

Pangkulturang Lugar

  1. T'boli Tribal House-T'boli
  2. Lake Sebu Museum
  3. Sta. Cruz Mission-Lake Sebu
  4. B'laan Community-Landan, Polomolok
  5. Muslim Community-(Datu Utto) Polomolok
  6. Lake Sebu School of Living Traditions
  7. Lake Sebu Cultural Village (Brassmaking & T'nalak Weaving Community)
  8. South Cotabato Community Museum Ethology Showcase

Likas na Kagandahan

  1. Seven Falls (Lonon Falls)-Lake Sebu
  2. Trank-Kini Falls-Lake Sebu
  3. Lake S'loton
  4. Lake Sebu
  5. Lake Lahit
  6. Lake Maughan-T'boli
  7. Mt. Parker-T'boli
  8. Mt. Matutum-Polomolok
  9. Matimus Falls-Tantangan
  10. Mambukal Hot Springs-Koronadal City
  11. Supon Falls-Koronadal City
  12. Tablu Falls-Tampakan
  13. Linan Falls-Tupi
  14. Polomolok Caves-Polomolok
  15. Lake Sebu Mountain Caves-Lake Sebu
  16. Sarabia Falls-Koronadal City
  17. Lambusong Falls-Norala

Relihiyosong Lugar

  1. Trappestine Sisters Monastery-Polomolok

Gawang-Tao

  1. El Gawel Resort & Wildlife Sanctuary-Koronadal City
  2. Norala Swimming Pool & Hotspring Resort-Norala
  3. Dole-Kalsangi Golf Course-Polomolok
  4. Mariano Blossoms-Tupi
  5. Rem Ching Swimming Pool-Koronadal
  6. Media Villa Spring Hill
  7. Nature's Bounty-Polomolok
  8. Dole Pineapple Plantation-Polomolok
  9. Polomolok Asparagus Plantation-Polomolok
  10. Tampakan Pine Grove Resort-Tampakan
  11. Precioso Swimming Pool & Resort-Koronadal City
  12. Alberto's Power Drive-Koronadal City
  13. Reyes Rare Animal Farms
  14. Estares Resort - Lake Sebu
  15. Punta Isla Resort - Lake Sebu

Special Interest

  1. Golf Tournaments
  2. MPSA Shootfests
  3. Mountain Climbing at Mt. Matutum & Parker
  4. Boating at Lake Sebu & Lake Maughan
  5. Agri-Tours at Dole Pineapple & Polomolok Asparagus Growers
  6. Agri-Tours at Global Fruits Banana Complex

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Kawing na Panlabas

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.