Tianggian sa Kapaskuhan

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Bahagi na ng kaugaliang Filipino ang pagiging masayahin. Ang bawat okasyon, lalo na ang araw ng Kapaskuhan, ay binibigyan ng kinang sa pamamagitan ng magigiliw na tugtugin, samu't saring mga palaro at walang-tigil na pag-apaw sa lamesa ng hindi mabilang na mga putahe. Hindi alintana ang laki ng gastusing kakaharapin sa tuwing sasapit ang araw ng Kapaskuhan, hindi lamang para sa mga pagkaing ihahanda kundi lalo na sa mga regalong ibibigay. Ngunit hindi ba't mas masaya at masagana ang pasko kung ang bulsa ay hindi magsasakripisyo? Nakahanay sa ibaba ang mga lugar na maaaring puntahan kung ang hanap ay mga bilihing abot-kaya ang halaga.

Mga nilalaman

Tutuban Center Mall

Isa sa mga pinakatanyag na pamilihan sa Kamaynilaan para sa murang halagang bilihin at benthanang lansakan, bago pa man nakilala ang 168 Mall, ay ang Tutuban Center Mall. Ang estrakturang ito na itinayo noong 1993 ay matatagpuan sa dating panggitnang himpilan ng Philippine National Railways sa Divisoria. Sa loob ng pamilihang ito ay samu't saring munting tindahan na naghahain ng iba't ibang klase ng bilihin – mula sa pagkain, kasangkapang pambahay, damit, laruan at marami pang iba. Tuwing sasapit ang Kapaskuhan, higit na napupuno ang lugar na ito ng mga mamimili na nais makabili ng mga pang-regalo at panghanda ng noche buena sa higit na murang halaga.

168 Mall

Matatagpuan din sa puso ng Divisoria ang isa pang malaking pamilihan o tiangge na patok sa mga mamimili lalo na tuwing Disyembre, ang 168 Shopping Mall. Ito ay binubuo ng dalawang gusali, ang Mall 1 at Mall 2 na pinagdudugtong ng isang pasilyo, at nakatayo s kahabaan ng kalye Santa Elena at Soler. Binubuo ito ng tatlong palapag at sa dalawang palapag ay nakahanay batay sa uri at anyo ang iba't ibang paninda – mga kasuotan, palamuti, kasangkapan sa bahay, laruan at iba pa – na maaari mo pang tawaran sa mas mababang halaga. Matatagpuan sa tuktok na palapag ng unang gusali ang mahigit dalawampung kainan na karamiha'y naghahain ng mga pagkaing Tsino. Ang mga numerong “168” ay sinasabing buwenas sa mga Tsino. Kung babaybayin sa wikang Cantonese, maaaring basahin ang mga numerong ito na “Yat-Luk-Pat,” katunog ng “Yat-Low-Fat” na nangangahulugang “daan sa tagumpay.”

Greenhills Shopping Center

Maliban sa Lungsod Maynila, matatagpuan sa kaligiran nitong munisipalidad ng San Juan ang isang malaking pamilihan, and Greenhills Shopping Center. Dalawang uri ng pamilihan mayroon ang Greenhills – panloob at panglabas – di gaya ng ibang pamilihan. Pinagmamalaki din nito ang may mahigit dalawang libong tindahan nito, malalaking kainan, at sinehan, maliban pa sa estratehikong lokasyon nito. Tuwing sasapit ang Kapaskuhan, isang malaking Tiangge ang kanilang binubuksan na patok na patok sa mga mamimili. Kasama rin sa pagbubukas ng tiangge ang isang pamaskong palabas na hinango nila sa C.O.D. Show na pinatanyag ng mga pamilihan sa Avenida at Cubao noong 1960s. Ito ay ang pagtatanghal ng mga pinagagalaw na manikin o estatwa, na kalimita'y mga tanyag na kuwentong Kanluranin tungkol sa Pasko.

Marikina Riverbanks

Para naman sa mga naninirahan Lungsod Quezon, Lungsod Pasig, Lungsod Antipolo at kaligiran ng Rizal, may isang umuunlad na pamilihan silang pinupuntahan na higit na mas malapit sa kanila – ang tiaggian sa Marikina Riverbanks. Ito ay 23 hektaryang lupain na sumasakop sa magkabilang bahagi ng pampang ng ilog at itinatag ng Riverbanks Development Corporation. Isang malaking tiangge na tinatawag nilang Tiangge sa Ilog ang makikita dito na animo'y isang munting palengke sa tabi ng ilog. Mas buhay at makulay ang tianggiang ito sa kagabi, at mas pinasigla pa ng mga tugtuging umaalingawngaw sa lamig ng gabi. Ang mga paninda dito, na kadalasan ay mga kasuotan at sapatos, ay buhat pa sa mga karatig bansa sa Asya at mabibili sa mas mababang halaga. May ilan ding nagtitinda ng mga kagamitang pangsasakyan at pambahay, maging mga prutas at gulay. Matapos pumakyaw ng mga bilihin, marami pang maaaring libutin sa lugar na ito, at kung nagkataon pa ay may pagtatanghal ding mapapanood dito.

Mga Larawan

Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.