Teodoro A. Agoncillo

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Si Teodoro A. Agoncillo ay tanyag na istoryador, mangangatha, at makata. Isinilang siya sa Lemery, Batangas noong 9 Nobyembre 1912, at yumao noong 14 Enero 1985. Higit siyang kilala bilang istoryador, at sumulat ng mga akdang gaya ng The Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan (1956) na sumuri sa papel ni Andres Bonifacio sa 1896 Himagsikan at sa bisa ng kaniyang kamatayan. Sinundan iyon ng Malolos: The Crisis of the Republic (1960) na nagtampok naman sa Kasunduan sa Biyak na Bato, sa pagtataksil ng Estados Unidos, sa Digmaang Filipino-Amerikano, sa mga ilustrado, at sa pagtataksil mismo ng ilang Filipino sa pagtataguyod ng Republika ng Filipinas. Sinulat din ni Agoncillo ang A Short History of the Filipino People, na bumago sa pagsulat ng kasaysayan ng bansa at ginawa pang sangguniang aklat ng lahat ng estudyante sa unang taon sa unibersidad. Ang iba pang aklat niya ay ang sumusunod: The Fateful Years: Japan's Adventure in the Philippines, 1942–1945 (1965); Filipino Nationalism 1871–1972 (1974); at The Burden of Proof: The Vargas-Laurel Collaboration (1984).

Mga nilalaman

Edukasyon

Nakamit ni Agoncillo ang titulong batsilyer sa sining sa pilosopiya mula sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1934 at naging masterado sa sining sa nasabing unibersidad noong sumunod na taon.

Halaga sa Kasaysayan

Itinuwid ni Agoncillo ang maraming mali sa pagsulat ng kasaysayan, at gumamit ng punto de bista ng Filipino sa pagbusisi ng kasaysayan. Ang kaniyang mga sanaysay hinggil sa kasaysayan na pawang nalathala sa mga pahayagan ay nagbigay ng panibagong kulay sa nakababatong paglalahad hinggil sa mga pangyayari noong nakaraang panahon. Kinilala ni Tomas Fonacier, dating dekano ng UP, ang husay ni Agoncillo at hinirang itong sulatin muli ang kasaysayan ng Filipinas na noon ay laging ang ipinagmamagara lamang ay mga natamo at tagumpay ng mga mananakop na Espanyol at Amerikano.

Alagad ng Panitikan

Sumulat ng mga tula, kuwento, at sanaysay si Agoncillo, at nagtipon ng mga tula at kuwento na pawang sinulat ng kaniyang mga kapanahon. Pinamatnugutan niya ang klasikong Maikling Kuwentong Tagalog 1886–1948, at nakabuo ng isang koleksiyon ng mga tanagang hindi pa nalalathala magpahangga ngayon.

Tungkulin at Parangal

Napabilang si Agoncillo sa fakultad ng UP; nagsilbing kasapi ng National Historical Institute hanggang mamatay siya noong 1985; at naging pangulo ng Kagawaran ng Kasaysayan mulang 1963 hanggang 1969. Siya ang kauna-unahang humawak ng Rafael Palma Professorial Chair sa Kasaysayan ng Filipinas at ang unang fakultad na hinirang sa ranggong Propesor ng Unibersidad. Naging kasapi ng National Academy of Science and Technology si Agoncillo noong 1980, at pinarangalan bilang Pambansang Siyentipiko pagkaraang mamatay noong 1985 dahil sa pambihirang ambag nito sa pagsusulat ng kasaysayan ng Filipinas.

Ginunita ng Manila Bulletin ang kapanganakan ni Agoncillo noong 14 Enero 2008.

Sanggunian

  • Manila Bulletin, Tomo 421 Bilang 14, 14 Enero 2008, mp. A-11–B10.

Panlabas na Kawing

  • Para sa karagdagang impormasyon, pindutin ang Filipiniana.net at basahin ang mga kaugnay na artikulo.

"Ang akdang ito ay katiting [stub]. Tumulong sa Wikifilipino at palawakin pa ito !"

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.