Teo S. Baylen

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Si Teo S. Baylen ay isang Pilipinong makata na tinaguriang “Hari ng Balagtasan.”

Mga nilalaman

[baguhin] Talambuhay

Isinilang noong Enero 24, 1904 sa Noveleta, Cavite, si Baylen ay naging pastor at empleyado ng US Navy.

Ang “Bawat Hukay” ay ang kanyang unang nailimbag na tula, na lumabas sa magasin na Sampaguita noong 1931. Ang kanyang ibang tula ay lumabas din sa mga magasin na Liwayway, Ilang-Ilang, Paru-paro, at iba pa.

Yumao si Baylen noong Disyembre 5, 1990 sa edad na 89.

[baguhin] Kritisismo at Impluwensiya

Sa pagsusuri ni Jimmuel Naval sa “Mula sa Tradisyon Tungo sa Kongregasyon: Si Teo S. Baylen Bilang Relihiyosong Makata,” lumalabas ang lubos na paggamit ni Baylen sa mga tradisyunal na sukat at tugma. Noong inilabas ang unang aklat-kalipunan ng mga tula ni Baylen noong 1963, ay dadalawang tula lamang ang nasa anyong vers libre (free verse) na usong anyo ng tula noong dekada na iyon. Ngunit hindi ito para sabihin na napakatradisyunal na makata si Baylen--sinasabi ni Naval na sa tulang “In Hoc Signo Vinces,” naimpluwensyahan din si Baylen ng Modernismo.

Idinagdag din ni Naval na ang paraan ni Baylen ng paggawa ng tula--ang paulit-ulit na pagbigkas ng tula hanggang sa makabisado--ay isa sa mga tradisyunal na paraan sa paggawa ng tula, kadalasan ng epiko.

Sa tema naman, binansagan ni Virgilio Almario si Baylen bilang Armageddonista, isang “popular na himig at pananaw-na-pampanulaan” noong 1960. Ito ay dahil sa nangangaral na tono ng mga tula ni Baylen, at kung hindi naman nangangaral, ay nagpapahiwatig ng malagim na pagwakas ng daigdig. Idinagdag ni Almario na ang ganitong anyo ng tula ay maari ding ituring kasama ng tradisyong “Balagtasismo,” o hango sa mga akda ni Francisco Baltazar.

Ayon kay Luna Sicat-Cleto, gumawa naman ng alusyon sa imahe ng kanayunan ni Baylen (makikita sa tulang “Laboratoryo at Dambana”) si Maningning Miclat sa kanyang tula na “Moon Shadow.”

[baguhin] Mga Aklat

  • Tinig ng Darating (1963, 2001)
  • Pinsel at Pamansing (1967)
  • Kalabaw at Buffalo (1969)
  • Rx (1973)

[baguhin] Mga Parangal

  • Gantimpalang Pangkalinangan sa Panitikan/Cultural Heritage Award (1962-1963)
  • Makata ng Taon (1962, 1964)
  • ”Mga Sugat ng Siglo” - Ikalawang Parangal, Tula sa Filipino, Don Carlos Palanca Memorial Awards (1965)
  • ”Katipunan ng Napapanahong mga Tula” - Special Prize, Tula sa Filipino, Don Carlos Palanca Memorial Awards (1972)
  • Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas - Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas/UMPIL (1988)

[baguhin] Mga Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.

</noiclude>