Teenage pregnancy

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang teenage pregnancy o pagbubuntis ng mga babae sa edad 12 hanggang 19 ay isang malawakang isyu hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Ayon sa estadistika ng Save the Children, 13 milyong babae sa iba’t ibang parte ng mundo ang nabubuntis sa edad 20 pababa taun-taon. Dahil dito, malawakang kampanya ang ginagawa ng mga gobyerno upang ibaba ang bilang ng kaso ng teenage pregnancy.

Mga nilalaman

[baguhin] Teenage Pregnancy sa Pilipinas

Sa datos noong 2009, halos 3.6 milyon ang naitalang batang ina sa bansa. Sa katunayan, pito sa sampung buntis na babae ay hindi bababa sa 19 ang edad. Pinatunayan ito ng World Bank at sinabing ang Pilipinas ay isa sa mga bansang may pinakamaraming bilang ng mga batang ina. Sa Pilipinas, malaking porsyento ng mga kabataang maagang nabubuntis ay nabibilang sa low-income generating group.

Dahil wala pa sa hustong gulang, karamihan sa mga kabataang maagang nabubuntis ay hindi nagpapakasal. Napipilitan din silang tumigil sa pag-aaral hanggang makapanganak. Ngunit, marami sa kanila ang tuluyan nang humihinto sa pag-aaral upang magtrabaho.

Ang lumalaking bilang ng mga kabataang maagang nabubuntis ay sinasabing sumasalamin sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya ng bansa. Ang lumulobong populasyon at kawalan o limitadong kakayahan ng mga kabataan na suportahan ang kanilang mga anak ay isa sa mga nagiging dahilan ng lumalalang kahirapan sa bansa. Sa madaling sabi, mas maraming maagang nabubuntis, mas tumataas ang antas ng kahirapan.

[baguhin] Pangunahing Dahilan

Isa sa mga tinuturong dahilan ng pagbubuntis ng mga batang babae ang kakulangan ng kaalaman ng mga kabataan tungkol sa pakikipagtalik. Partikular sa Pilipinas, ang partuturo ng sex education sa mga paaralan ay isang isyu na patuloy na pinagdedebatehan. Bagamat malakas ang panawagan ng iba’t ibang sektor ng lipunan para sa sex education, ang simbahang Katoliko at ibang konserbatibong grupo ay mahigpit itong tinututulan.

Dahil likas na konserbatibo ang mga pamilyang Pilipino, ang sex ay isang paksa na hindi napag-uusapan ng mga magulang at anak. Dahil dito, hindi nagagabayan ng mga magulang ang mga anak lalo na sa panahon ng puberty kung kailan ang mga kabataan ay likas na interesado sa mga bagay na patungkol sa sex.

Dumagdag pa rito ang paglaganap ng mga media materials gaya ng programa sa telebisyon, pelikula, at magasin na may temang sex. Ang Internet din ay hitik sa mga pornographic materials na madaling ma-access ng mga kabataan.

Kulang din sa kaalaman ang karamihan ng kabataan tungkol sa contraception at reproductive health na syang dapat tinatalakay sa sex education at counseling.

[baguhin] Pangkalusugang Suliranin

Dahil ang kanilang pangangatawan ay hindi pa lubusang handa para sa pagbubuntis, ang mga kabataang babae ay nahaharap sa iba’t ibang suliraning pangkalusugan sa panahon ng pagbubuntis. Marami sa kanila ay may nutritional deficiencies at walang access sa maayos na health care. Napag-alaman din sa mga pag-aaral na ang mga kabataang maagang nabubuntis ay may mataas na tsansang magkaroon ng mga komplikayon na maaaring nilang ikamatay o ng kanilang sanggol. Ayon sa World Health Organization, mas mataas ang panganib ng ng mga kabataan edad 15 hanggang 19 sa pregnancy-related death kaysa mga babae edad 20 hanggang 24.

Ang teenage pregnancy ay mapanganib din para sa mga sanggol. Ayon sa mga datos, ang kaso ng premature birth ay mas mataas sa mga sanggol na isinilang ng kabataang babae. Gayundin ang low birth weight rate. Sampung porsyento ng mga sanggol na isinilang ng mga kabataang babae ay malnourished.

[baguhin] Responsibilidad sa Pagpapamilya

Ang kakulangan sa kahandaan ay nakaaapekto sa pagpapalaki sa mga anak. Ayon sa pag-aaral, dahil hindi pa sila handa sa emosyonal na aspeto ng pagiging magulang, ang mga kabataang ina ay mas malayo sa kanilang mga anak na syang nagiging dahilan ng mga behavioral problems sa mga bata. Ayon pa sa ibang pag-aaral, ang mga batang isinilang ng mga kabataang ina ay maaaring magkaroon ng kakulangan sa tamang nutrisyon, magkaroon ng academic difficulties at maging biktima ng pang-aabuso at kapabayaan. Bukod dito, ang mga anak na lalaki ay sinasabing may malaking tsansang masangkot sa mga gulo at makulong. Ang mga anak na babae naman ay maaari ring maagang mabuntis gaya ng kanilang ina.

[baguhin] Sanggunian

  • [1] (Hinango noong Abril 20, 2010)
  • [2] (Hinango noong Abril 20, 2010)
  • [3] (Hinango noong Abril 20, 2010)

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.