Tarsier trail

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Philippine tarsier on tree.jpg

Ang Tarsier Trail ay isang daanan na 15 kilometro ang haba na nagsisimula sa Tarsier Research and Development Center sa Barangay Canapnapan, Munisipyo Corella, Bohol, Pilipinas. Paikot itong bumabagtas sa magubat na bahagi ng mga munisipyo ng Corella, Sikatuna at Loboc at nagbibigay ng pagkakataong matunghayan ang sinasabing pinakamaliit na primate sa mundo – ang Philippine tarsier (Tarsius Syrichta) – sa kapaligirang itinulad sa kanilang likas na tahanan. Ang populasyon ng tarsier sa buong mundo ay lima hanggang sampung libo na lamang at patuloy sa pagbaba ang bilang nito. Noon ay maraming tarsier sa buong Timog Silangang Asya nguni’t sa kasalukuyan ay sa Indonesia at sa Pilipinas, partikular na sa Samar, Leyte at Bohol na lamang matatagpuan ang hayop na kung tawagin ng mga katutubo ay mamag, mago, magau, maomag, malmag at magatilok-iok.

Mga nilalaman

Ang Maomag

Pinaniniwalaang nabuhay na ang maomag o tarsier 45 na milyong taon na ang nakararaan. Ang laki ng mago ay mula 8 hanggang 16 sentimetro. Mas malaki ang bawa't mata nito sa kanyang utak. Kakatwa ang mga daliri nito sa paa na ginagamit na pangkapit sa sanga. Kagila-gilalas ang katangian nitong pag-ikot ng ulo ng 180 degrees at pagtalon ng 16 na talampakan ang taas. Mas mahaba rin ang buntot nitong tila sa daga kaysa sa katawan nito. Kaya nitong pagalawin ng hiwalay ang dalawang taingang tulad ng sa tainga ng paniki.

Pinagmulan ng Landas ng Maomag

Hunyo 23, 1997 nang nilagdaan ng noon ay Pangulong Fidel V. Ramos ang Proklamasyon Blg. 1030 na nagsasaad na dapat bigyan ng espesyal na proteksyon ang tarsier. Isa sa mandato ng Philippine Tarsier Foundation, Inc. (PTFI) mula sa Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman ang makapagtatag ng isang sentro ng pananaliksik, pag-aaral, pangangalaga at pagpaparami sa mga tarsier sa pamamagitan ng pagtulad sa kanilang likas na tahanan at ng pangangalaga rin sa iba’t ibang klase ng hayop at halaman sa kagubatan. Nakakuha ng suportang pinansiyal ang PTFI sa Presidential Management Staff ng Pangulong Ramos, sa pondo ng noon ay senador na si Ramon Magsaysay, Jr. at sa Philippine Tourism Authority sa ilalim ng tagapamahala nito na si Lito Banayo at sa Prinsipe Charles ng Wales at noong bago matapos ang 1997 ay pinasinayaan ang Tarsier Research and Development Center. Napakarami nang nagtangkang magparami ng tarsier habang nakakulong ang mga ito subali’t hindi masaya ang tarsier sa loob ng mga kulungan at sinasabing nagpapakamatay sa pamamagitan ng pag-uuntog ng kanilang ulo sa mismong rehas ng kulungan nila. Subali’t dahil sa nanganganib ding maubos ang mga tarsier dala ng pagkakalbo ng mga rainforest na kanilang likas na tahanan at ng panganib na dulot ng mga mangangaso na nagbebenta sa kanila bilang alagang hayop ay sinubukan pa rin silang paramihin at alagaan habang nakakulong ng PTFI. Sinikap na tularan ng PTFI ang likas na tahanan ng mga tarsier at nagtagumpay naman silang maparami ang mga ito.

Mga Daraanan sa Landas ng Maomag

Php 20 lamang ang bayad sa pagpasok sa Center. Bago magsimula sa paglalakad sa landas ay makakapanood ang mga bisita sa Visitor’s Complex ng pagtatanghal na may nagkukuwento, may mga larawan at video tungkol sa mga tarsier na nananahan sa santuwaryo na ginawang tulad ng likas nilang tahanan. Matututuhan sa pagtatanghal ang mga katangian at gawi ng tarsier. Makakapanood din ng mga exhibit tungkol sa pagkain, pagkakaayos ng buto at iba pang kawili-wiling impormasyon tungkol sa tarsier. Maaaring manatili sa Complex ang mga bisita at masdan na lamang ang mga tarsier na nasa enclosure.

Kung nais ng mga bisita na maunawaan pang lalo ang mga tarsier, iba pang kinapal at ang mga bulaklak at halaman sa santuwaryo ay maaari silang magpagabay sa mga sanay na guide na karamihan ay mga estudyante sa kolehiyo sa Lungsod Tagbilaran. Kailangang sa maliliit na pangkat lamang nakagrupo ang mga papasok nang hindi magambala nang husto ang mga tarsier. Maituturo ng mga gabay kung saan nakayapos sa mga palumpong (bush) at puno ang mga ito. Iba’t ibang klaseng flora ang may karatula kung saan makikita ang impormasyon tungkol sa mga ito at iba’t ibang fauna rin ang matatagpuan sa kagubatang daraanan. Maraming ibon na madalang nang makita at dating naninirahan sa mga gubat ng Bohol ang matatagpuan din sa landas. Dapat lamang na handa ang mahilig sa birdwatching at may dala siyang birdcall tapes, largabista at iba pang gamit. Maaaring matanaw habang pumapasok pang lalo sa kagubatan ang mga ibong tulad ng glass owl, serpent eagle, woodpecker, brahmini kite, reel, parakeet, water cock, rocky-tailed blueheaded parrot, at iba pa. May nakakita na rin sa gubat ng mga unggoy, malalaking uri ng bubuli, sawa, kobra, macock palm civet cat at ang Philippine civet cat habang bumabaybay sa landas.

Makakakita ng mga punong mahogany, teak at ficus at ng iba’t ibang klase ng palma, iba pang mababang puno, palumpong, kawayan kung saan sa mga ugat nito natutulog ang mga tarsier bukod sa makapal na kumpol ng punla ng punongkahoy at mga ferns. Natutulog sila nang magkakasama nguni’t minsan ay natutulog sila nang mag-isa. Madalas silang magtago sa mga butas sa lupa na kanilang ginawa o sa mga butas na ginawa nila sa mga puno. Ginagamit din nila ang mga puno para makapaglakbay ng hindi sumasayad sa lupa.

Itinatayang nasa 500 na tarsier ang nakatira sa santuwaryo na 134 na ektarya ng kagubatan. Kolo-kolonya sila ng tigatlo hanggang tig-sampung matanda at bata bawa’t isang kolonya. Namumutiktik sa mga insekto ang santuwaryo. Ang mga insektong ito ang buhay na pagkain ng mga tarsier. Ang tarsier naman ay nanganganib namang makain ng ahas at ng haribon.

Maaabot sa paglalakad ang pinakaliblib na dako ng Sikatuna kung magtitiyagang lumakad ng higit sa isang oras. Pagdating sa Loboc ay maaaring maglunoy sa tubig ng Ilog Loboc o sumalubong sa umaagos na tubig ng Talon Busay o kung ayaw magpakabasa ay bumisita na lamang sa isa sa pinakalumang simbahan sa Bohol, ang simbahan ng Loboc, kung saan magandang malasin ang mga frescoes sa kisame at ang loob ng Museo Loboc na nasa loob ng kumbento. Sa simbahan na ito umaawit ang sikat na Korong Pambata ng Loboc. Maaaring kumain sa floating restaurants at maaari ring ihatid nito sa pantalan ng Loay kung saan pagkadaong ay makakakuha ng masasakyan pabalik sa Lungsod Tagbilaran.

Ang Prinsipe Charles ng Wales at si Datu Charles ng PTFI

Noong Hulyo 3, 1997 sa pagbisita ni Prinsipe Charles ng Wales sa Malacañang ay inihandog sa kanya ang isang tarsier na pinangalanang Datu Charles ng Kalihim ng Turismo noon na si Mina Gabor. Inampon ng prinsipe ang tarsier at ipinagkatiwala sa tagapag-alaga nito na si Carlito Pizzaras upang maiuwi ito sa Bohol. Dahil kilala ang prinsipe sa kanyang pagsuporta sa konserbasyon, isiningit ng mga pinuno ng Philippine Tarsier Foundation, Inc. sa kanyang iskedyul ang paghahandog upang makuha ang interes ng mga bansa sa daigdig sa pagtatanggol at pangangalaga ng tarsier.

Payong Panlakbay

Upang makarating sa Landas ng Maomag ay makakasakay sa jeep o bus na dumadaan sa ruta ng Tarsier Center. Mula sa Lungsod Tagbilaran terminal ay sasakay ng bus patungong Sikatuna. Ang biyahe ay mga tatlumpung minuto. Mula sa Sikatuna ay makakaupa ng pedicab o motorsiklo sa halagang Php 40 pataas o magtaksi o umarkila ng kotse mula sa otel o ahensyang panlakbay. Labing-apat na kilometro lamang ang layo ng Center sa Tagbilaran. Kung nais bumili ng souvenir, may mga tindahan sa paligid na nagbebenta ng T-shirt na may naka-print na tarsier, mga key chains, at iba pa.

Paraan ng Pagtulong sa Konserbasyon ng Mga Tarsier

Maaaring magpadala ng donasyon sa Philippine Tarsier Foundation, Inc. sa 14 Canapnapan, Corella, Bohol 6300 Pilipinas. Mayroon ding online charities ang PTFI para sa mga taga-United Kingdom. Makakatulong tayo kung pangangalagaan ang ating rainforests at huwag bibili ng tarsier para gawing alaga. Huwag tangkilikin ang mga naglalagay ng tarsier sa mga kulungan upang pagkakitaan. Higit sa lahat makatutulong sa mga tarsier kung dadalaw sa Philippine Tarsier and Wildlife Sanctuary at maglalakad sa Landas ng Mago upang matunghayan ang mga tarsier sa kanilang likas na tahanan.

Mga Kaganapan

Nagkaisa ang Sangguniang Panlalawigan ng Bohol sa pagpasa ng Resolusyon Blg. 002-2008 noong Enero 2009 na humihimok sa Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman sa pamamagitan ng Kalihim nitong si Jose Atienza na ihinto ang pag-iisyu ng wildlife farm permits na nagpapahintulot sa pagmamay-ari at paglalantad ng mga tarsier nang may layuning kumita mula rito. Sa sesyon ng Sanggunian ay nanawagan ang ama ng turismo sa Bohol na si Amos Fonacier na kumilos na ang Sanggunian upang maitigil na ang gawaing ito na kumalat na sa lima pang munisipyo. Kalunos-lunos ang kalagayan ng mga ikinukulong na tarsier at nagagambala ang kanilang normal na siklo dahil sa gabi sila mas aktibo. Nagbanta siya na kung hindi ititigil ng Kagawaran ang pag-iisyu ng permits ay ihihinto ng Foundation, na kanyang sinusuportahan, ang operasyon nito.

Pinasalamatan at pinuri ng isang international wildlife charity group, ang Born Free Foundation, ang Sangguniang Panlalawigan ng Bohol dahil sa resolusyon na ipinasa nila upang pigilan ang pag-iisyu ng permit sa mga negosyanteng nais pagkakitaan ang mga tarsier. Sa isang liham ni BFF Senior Researcher Chris Draper sa dalawang kasapi ng Sanggunian ay sinabi niyang ang resolusyon ay “forward thinking’ at “compassionate decision.” Noong Enero 2009 ay bumisita ang crew ng British Broadcasting Corp. (BBC) sa Bohol upang gumawa ng dokumentaryo tungkol sa mga tarsier at ito’y ipalalabas sa buong mundo.

Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.