Tanaga

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang Tanaga ay isa sa mga katutubong tula sa Filipinas. Binubuo ito ng apat na taludtod, at bawat taludtod ay may pitong pantig. May tugmang isahan (aaaa) ang sinaunang anyo nito, ngunit pinasukan ng eksperimentasyon ng mga makata sa paglipas ng panahon, mulang Ildefonso Santos at Alejandro G. Abadilla hanggang Rio Alma, Teo T. Antonio, at Mike L. Bigornia. Kabilang sa mga pagbabago ang pagpapasok ng tugmaang inipitan (abba), salitan (abab), at sunuran (aabb). Pambihira naman ang ginawa ni Abadilla, na gumamit ng panloob na tugmaan, gaya ng mababasa sa kaniyang aklat na Tanagabadilla (1965).

Ilan sa mga katangian ng tanaga ang masining na pagkasangkapan sa talinghaga (metaphor), ang pagtitimpla ng mga imahen, ang pagpapaindayog ng tunog ng mga salita, at ang banayad na pagpapahiwatig mula sa inilalarawan, inihahambing, o inilalahad na bagay, pangyayari, o tagpo.

Tanaga sa Kasalukuyan

Nagbunsod ang Unibersidad ng Pilipinas Institute of Creative Writing (UP-ICW), kasama ang Filipinas Institute of Translation, ng timpalak sa tanaga sa pamamagitan ng pagpapadala ng text sa selfon. Tinawag ang timpalak na Textanaga, na nilahukan ng libo-libong Filipino na hindi inaasahan ng mga organisador. Naging popular ang tanaga dahil doon, at maihahambing na ito sa timpalak sa haiku ng Japan.

Sanggunian

  • Abadilla, Alejandro G. Tanagabadilla. Maynila:__________. 1965.
  • Almario, Virgilio S. Mga Sangkap ng Katutubong Tulang Tagalog. Lungsod Pasig: Anvil Publishing House, 1994.
  • Almario, Virgilio S, editor. Textanaga. Lungsod Quezon: UP Press, 2004.

"Ang akdang ito ay katiting [stub]. Tumulong sa Wikifilipino at palawakin pa ito !"

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.