Socorro C. Ramos

Mula sa Wikifilipino
(Ikinarga mula sa Socorro Ramos)
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
23 Setyembre 1923 | Jose T. Ramos | Jose Cancio
Emilia Cancio |
Socorro Cancio Ramos
200px
Estado
Kapanganakan 23 Setyembre 1923
Santa Cruz, Laguna
Kamatayan
Asawa
Mga Magulang
Palayaw {{{othernames}}}


Si Socorro C. Ramos ang ina ng pinakamalaking bilihan ng mga aklat at iba pang babasahin sa Pilipinas – ang National Book Store. Mula sa isang maliit na tindahan, napalago niya ang kaniyang negosyo, na siyang pinupuntahan ng mga propesyunal at estudyante para sa mga gamit teknikal at pampaaralan. Makailang-ulit nang nabigyan ng parangal si Ramos dahil sa kanyang malaking tulong kasama ng National Book Store sa pagpapalaganap ng edukasyon at pagbabasa sa bansa.


Mga nilalaman

[baguhin] Talambuhay

Si Socorro Cancio Ramos, o mas kilala bilang Nanay Coring ng kaniyang mga kaibigan at kamag-anak, ay isinilang noong 23 Setyembre 1923 sa Santa Cruz, Laguna. Siya ay isa sa anim na anak nina Jose at Emilia Cancio. Kahirapan sa buhay ang naging dahilan ni Socorro upang maging isang working student habang siya ay nag-aaral sa Arellano High School. Sa panahon ng bakasyon, kasama ang kaniyang mga kapatid na babae, siya ay nagtatrabaho sa isang pagawaan ng bubble gum bilang mga tagapagbalot. Nagsilbi itong daan upang kahit paano'y makatulong sa pagbabayad ng gastusin sa kanilang bahay.

Nagtrabaho din siya sa isang pagawaan ng mga sigarilyo kung saan tinatanggal nila ang mga papel na nakabalot dito upang mapalitan ng bago. Sa halagang limang sentimo bawat pakete ng sigarilyo, naisipan ni Socorro na umupa ng mga bata sa kanilang lugar upang magbalat din ng pakete ng sigarilyo. Binibigyan niya ng sahod na limang sentimo sa bawat dalawang pakete ang mga bata.

[baguhin] Pagsisimula

Nagsimulang magtrabaho si Ramos noong 1940 sa edad na 18 bilang tindera sa isang tindahan ng aklat ng kanyang nakatatandang kapatid. Kahit magkadugo, itinuring siyang isang normal na empleyado ng kuya niya sa Goodwill Bookstore, na isang sumisikat na tindahan ng babasahin noong mga panahong iyon. Dahil sa kanyang husay sa pag-eengganyo sa mga mamimili, ginawa siyang tagapamahala ng tindahan kalaunan.

[baguhin] Munting Negosyo

Bagama't matagal nang pinapangarap ni Ramos na magkaroon ng sarili niyang tindahan ng aklat, nagkaroon lamang siya ng lakas ng loob na pasukin ang pagnenegosyo nang kanyang mapangasawa si Jose Ramos. Sinimulan ng mag-asawa ang isang maliit na tindahan sa Escolta at nagbenta ng mga kalakal, nobela, at mga aklat at mga GI novels. Simula noong 1942, pinangalanan nila ang kanilang munting tindahan bilang National Bookstore.

Hindi sapat ang pera ng mag-asawa upang makakuha ng katuwang sa kanilang tindahan kaya't inako lahat ni Socorro ang gawain. Siya ang tumayong tagapamahala, kahera, tindera, taga-lista, at dyanitor. Naging maayos ang takbo ng pagtitinda ng mag-asawa ngunit nang magsimula ang digmaan, naging mahigpit ang mga awtoridad sa mga regulasyon sa pagtitinda lalung-lalo na ng mga babasahin. Marami ang nagsara ng kanilang negosyo at may ilang nagpalit ng itinitinda. Mula sa pagbebenta ng mga babasahin, pumunta sa pagbebenta ng mga sabon, kandila, at tsinelas ang mga Ramos.

Nang matapos ang Panahon ng Hapon, nagsimula muli ang pamilya Ramos sa kanilang negosyo. Nagtayo sila ng barung-barong sa kanto ng Soler at Avenida at kaagad na nagsimulang magtinda upang umabot sa pagbulusok ng mga negosyo sa pagtatapos ng digmaan. Muli, nagtinda sila ng mga kalakal, nobela, pad paper, at iba't iba pang babasahin kasabay din ng muling pagbubukas ng mga paaralan (matatandaang sarado ang mga paaralan noong may digmaan sa Kamaynilaan). Dumami nang dumami ang mga mamimili sa tindahan ng mga Ramos at bilang sagot sa tumaas na bilang nito, nagdagdag ng paninda ang mga Ramos. Pinalago na nila ang kanilang mumunting negosyo sa pagtitinda ng mga gamit pang-eskwela.

[baguhin] Mga Parangal

Naging isang inspirasyon ang tagumpay ng National Bookstore sa maraming mga Filipino na nagnanais magsimula ng negosyo. Kaya naman, ang husay ni Nanay Coring ay ilang beses na ring nagbigyan ng pagkilala at noong 1991, tinaggap niya ang Agora Award ng Philippine Marketing Association. Kasunod nito, taong 1988, tinanggap niya ang Gintong Ina Award for the Business and Industry Sector mula kay dating Pangulong Corazon C. Aquino.

Kabilang din sa kaniyang mga natanggap na parangal ay ang mga sumusunod: Legacy Award na iginawad ng Book Development Association of the Philippines noong 2004, Maverick Awards ng Association of Accredited Advertising Agencies noong 2002. Iginawad din sa kaniya ng The Book Development Association of the Philippines noong taong 2000 ang Millennium Plaque of Appreciation at ang kaniyang asawa na si Jose T. Ramos ay tumanggap naman ng post-humous award.

Noong taong 2004, binigyang parangal siya ng Ernst and Young bilang Entrepreneur of the Year Philippines at Woman Entrepreneur of the Year. Noon namang 2006, iginawad sa kaniya ng Ateneo de Manila University ang Doctor of Humanities (honoris causa) degree – isang tagumpay para sa isang babae na nakatapos lamang ng hayskul.

[baguhin] Mga Sanggunian

[baguhin] External Link

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.