Sistemang Encomienda

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang sistemang Encomienda ay isang polisiyang pang-ekonomiya na itinakda ng pamahalaang Espanya, sa pamumuno ni Miguel Lopez de Legaspi noong unang yugto ng kanilang pananakop sa Filipinas. Ito ay ipinakilala sa kolonya upang higit na maisaayos ang pamamahala sa kanilang sakop.

Mga nilalaman

Pinagmulan

Ito ay hango sa salitang Espanyol na encomendar na nangangahulugang “ipagkatiwala.” Hinati-hati ng mananakop na si Legaspi ang mga lupain sa Filipinas, at ang bawat bahagi ay itinalaga sa mga pinagkakatiwalaang Espanyol upang ito ay pangalagaan at pamunuan. Mayroong dalawang uri ng encomienda:

  • Royal o Crown. Ito ay tumutukoy sa mga malalawak na lupain sa mga baybay-dagat na pagmamay-ari ng Hari ng Espanya. Dahil malapit ito sa mga karagatan, mayayaman ang mga lupaing ito at may masiglang kalakalan. Halimbawa ng royal encomienda ay ang Malabon, Navotas, Santa Ana at Bagumbayan.
  • Pribado. Ito ay ang mga lupain na opisyal na itinatalaga ng Hari ng Espanya sa mga tapat niyang alagad na naglilingkod sa Filipinas. Kabilang sa mga pribadong encomienda ang Sampalok, Pandakan, Batangas at Bataan.

Ang mga namamahala sa lupaing ito at mga naninirahan dito ay tinatawag na encomendero. Ang encomendero ang siyang nagpapatakbo ng isang lupain at humahawak sa pangkabuhayan at panininiwala ng mga sakop nito. Ginamit na batayan sa pamamahala nito ang batas ng mga Indies, ngunit dahil sa di wastong pagsunod dito ay nagresulta lamang sa mga pang-aabuso sa mga katutubo. Dahil sa mga pagpapahirap na naranasan sa kamay ng mga encomendero, samu't saring pag-aaklas ang pinangunahan ng mga Filipino. Noong 1674, tuluyan ng binuwag ang sistemang encomienda sa Filipinas at iba pang kolonya ng Espanya.

Sanggunian

  • Arcilla, Jose S. Kasaysayan Vol. III: The Story of the Filipino - The Spanish Conquest. Philippines: Asia Publishing Company Limited, 1998.

Panlabas na Kawing

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.