Simbahan ng Barasoain

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Barasoain Church.jpg

Ang Simbahan ng Barasoain ay simbahan ng mga Romano Katoliko na matatagpuan sa Lungsod Malolos sa Bulakan. May layong 42 kilometro mula sa Kalakhang Maynila, ito ay ginagad mula sa Simbahan ng Barasoain sa Navarra, Espanya. Ang simbahang ito ay itinatag ng mga misyonerong Agustin noong 1859. Nagsilbi rin itong lugar ng pagtitipon ng Kongreso ng Malolos, na unang kongreso sa Filipinas noong 15 Setyembre 1898. Ang simbahang ito ay sumisimbolo sa dalawang- gusaling makasaysayang pook, ang simbahan-kumbentong kompleks na kinikilingan ng Misyonerong Espanyol.

Si Emilio Aguinaldo at ang kaniyang mga kakampi ay nagpasiyang lumipat tungong Malolos mula sa Cavite noong panahon ng digmaan ng mga Filipino at Espanyol. Ito ay ginawa nina Agunaldo upang mapalakas ang kanilang puwersa laban sa mga Espanyol. Ang Simbahan ng Barasoain ang nagsilbing tahanan ni Aguinaldo at ng kaniyang mga kasama. Dito rin sila nagsagawa ng mga plano at pagpupulong kung paano nila mababawi ang lalawigang kanilang isinuko sa mga hukbo ng Espanyol. Sa nabanggit ding simbahan nilagdaan nila ang konstitusyon hinggil sa katuparan ng kanilang plano. Ginamit din itong lugar sa pagboto ng mga tao, ngunit ito ay natupok ng apoy noong 1884. Gayumpaman, may mga pag-aayos na ginawa upang maibalik nang kaunti ang dating itsura ng lugar.

Sa Simbahan ng Barasoain ibinalangkas ang Konstitusyon ng Malolos noong 29 Setyembre 1898. Pagkatapos magbuwis ng maraming buhay, ang mga Filipino na may matinding paninindigan at pagbubuklod, ay nagwagi laban sa kanilang mga kaaway. Di naglaon ay pinasinayahan ang Unang Republika ng Filipinas na ginanap sa simbahang ito noong 23 Enero 1899. Ang makahulugang pook na ito ay naging saksi sa makapangyarihan alyansa ng mga Filipino laban sa pananakop ng mga Espanyol.

Simula noon, ang Simbahan ng Barasoain ay malimit bisitahin ng mga Filipino at maging ng mga dayuhan na mula sa kung saan. Maging ang dating Pang. Joseph Ejercito Estrada ay dito sa altar ng simbahan nanumpa bilang pangulo, at dahil dito'y kinilala siyang pangalawang pangulo na nanumpa sa Malolos, pagkaraan ni Aguinaldo.

Ang kabuoang estruktura ng Simbahan ng Barasoain ay muling isinaayos upang maibalik sa dating itsura, hindi malayo sa itsura nito noong panahon ni Aguinaldo.

[baguhin] Panlabas na Kawing

Wow Philippines Global Pinoy

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.