Severino Reyes

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Severino Reyes (Picture from ([1]).

Si Severino Reyes, mas kilala bilang Lola Basyang, ay itinuturing na Ama ng Sarsuwela. Isa siyang mahusay na direktor at manunulat ng dula.


Mga nilalaman

Pinag-ugatan at Edukasyon

Ipinaganak siya noong 11 Pebrero 1861 sa Santa Cruz, Maynila at supling nina Rufino Reyes, isang iskultor, at ni Andrea Rivera. Siya ay ikinasal kay Maria Paz Puato at biniyayaan ng 17 anak. Sinimulan niya ang kanyang pag-aaral sa Catalino Sanchez, tinapos ang kanyang hayskul at batsilyer sa sining sa Colegio de San Juan de Letran, at kumuha rin ng kurso sa Unibersidad ng Santo Tomas.

Nang itinatag ang Liwayway noong 1923, si Reyes ang naging unang patnugot nito. Siya rin ay nagsilbing pangulo ng Aklatang Bayan at ginawang kasapi ng Ilaw at Panitik, kapwa mga samahan ng mga manunulat.


Karera

Sa edad na 41, si Reyes ay nagsimulang magsulat ng mga dula. Ang R.I.P., noong 1902 ang una niyang dula. Sa parehong taon, isinulat niya ang Walang Sugat (Not Wounded), na masasabing isa sa mga pinakakilala niyang akda. Ang Walang Sugat din ay naging simula ng ginintuang panahon ng sarsuwela sa bansa.

Noong 1902 itinatag niya ang Gran Compañia de la Zarzuela Tagala upang maitanghal ang kanyang mga dula sa mga teatro sa Maynila pati na rin sa mga entablado sa mga kalapit probinsiya.

Ang mga dula ni Reyes ay naisapelikula rin, tulad ng Walang Sugat noong 1939 at 1957; at Minda Mora noong 1929.


Si Lola Basyang

Kinalaunan, si Reyes ay naging kilala sa mga kwentong isinulat niya tungkol kay Lola Basyang. Nagsimula ang Lola Basyang noong siya ay naging punong-patnugot sa Liwayway. Nang sinabihan siya ng kanyang mga patnugot na wala ng natitirang materyales upang punuin ang isang maliit na ispasyo sa isang pahina ng magasin, kinailangan niyang magsulat ng isang kwento upang umabot sa takdang oras. Matapos na maisulat ang kwento, nag-isip siya ng ibang pangalan na maaaring ilagay bilang may-akda ng istoryang ito. Naalala niya ang matandang babae na kapitbahay ng kanyang kaibigan sa Quiapo, Maynila. Ang pangalan ng babae ay Gervacia Guzman de Zamora o mas kilala sa Tandang Basyang. Tuwing alas-4 ng hapon, magsasama-sama ang mga kabataan sa kanilang lugar at makikinig sa mga kwento ni Tandang Basyang. Kaya naman, matapos nito, ang mga kwento na sinusulat ni Reyes ay may pirma na Lola Basyang. Unang nailathala ang kwento ni Lola Basyang sa Liwayway noong 1925.


Mga Akda

Sarsuwela

Siya ay nakapagsulat ng 26 na sarsuwela. Ang ilan sa mga ito ay ang sumusunod:

  • Minda Mora (Minda The Moor), 1904
  • Filipinas para los Filipinos (Philippines For The Filipinos), 1905
  • Ang Pagbibili ng Pilipinas sa Hapon, 1906
  • Ang Bagong Fausto, 1907
  • Ang Opera Italiana, 1907
  • Ang Tatlong Babae, 1914
  • Ave Maria, 1919
  • Ang Tatlong Bituin, 1921
  • Ang Bayani ng Puri, 1922
  • Ang Bihag ni Kupido, 1923
  • Ang Puso ng Isang Pilipina, 1923

Drama

22 drama naman ang kanyang mga naisulat. Ito ang ilan sa kanila:

  • Sigalot ng mga Filipino at Americano1898, 1910
  • Ang Sigaw ng Balintawak, 1911
  • Los ramitos de flores (Flowered Boughs), 1908
  • Cablegrama fatal (Cablegram of Death), 1916

Nobela

  • Walang Puno at Walang Dulo, 1910
  • Parusa ng Diyos, 1911
  • Mga Bayani ng Pag-ibig, 1923
  • Ang Puso ng Isang Ina, 1923
  • Lihim na Kaaway
  • Luha, Ngiti, Halakhak

Iba pang mga gawa

  • Ang Plautin ni Periking
  • Maryang Makiling
  • Ang Tatlong Prinsipe
  • Ang Sirena sa Uli-Uli ng Pasig
  • Ang Pag-ibig ni Mariang Sinukuan
  • Ang Orakulo ni Lola Basiang

Sanggunian

  • CCP Encyclopedia of Philippine Art. Vol VII. Philippine Theater. Manila: Cultural Center of the Philippines, 1994.
  • Magical tales for Children. By: Lai Suarez-Reyes (Hinango noong 23 Abril 2008).

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.