Semana Santa

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang Semana Santa ay isa sa pinakamahalagang relihiyosong debosyon para sa mga Pilipino. Kilala rin ito sa tawag na Mahal na Araw. Nagsisimula ito sa Linggo ng Palaspas hanggang sa Sabado de Glorya. Isinasagawa ang lahat ng ito upang alalahanin ang mga paghihirap at ang pagkamatay ni Hesus para sa sangkatauhan. Ilan sa mga gawain tuwing Semana Santa ay ang pagkanta ng “Pasyon ni Hesus”, pagdarasal sa mga Daan ng Krus (Via Crusis), pagbisita sa iba't ibang simbahan o ang Visita Iglesia, at minsan ay mayroon ding gumagawa ng penitensya bilang tanda ng pagsisisi sa pamamagitan ng pag-akyat ng bundok o pagpapapako sa krus.

Maraming pamahiin ang iniuugnay sa Semana Santa, tulad ng mas matagal na paghilom ng mga sugat na nakuha noong Biyernes Santo, gayon din ang mas malakas na bisa ng mga Anting-Anting sa naturang araw.

Karamihan sa mga establisimyento ay nagsasara sa mga panahong ito. Sinasamantala din ng mga nagtatrabaho sa siyudad ang panahong ito upang makauwi sa kani-kanilang mga probinsya. Pinipili din ng mga istasyon ng radyo at telebisyon ang pagpapalabas ng mga programa na may kaugnayan sa Mahal na Araw tuald ng “Huling Pitong Wika” ni Hesus.

Mga nilalaman

[baguhin] Linggo ng Palaspas

Nagdadala ng dahon ng palaspas ang mga dumadalo sa misa sa Linggo ng Palaspas. Ginagawa ito bilang pagsasadula sa paglabas ni Hesus sa templo habang ang mga tao sa kanyang paligid ay nagwawagayway ng mga dahon ng palaspas. Marami sa mga Pilipino ang iniuuwi ang mga ginamit na palaspas at inilalagay ang mga ito sa ibabaw ng mga pintuan o bintana sa paniniwalang nakakatulong ito sa pagpapaalis ng masasamang espiritu.


[baguhin] Huwebes Santo

Popular na tradisyon tuwing Huwebes Santo ang pagpunta sa iba't ibang mga simbahan o ang Visita Iglesia. Naging tradisyon na rin ang pagsasadula ng paghuhugas ni Hesus sa paa ng mga disipulo sa misa na ginaganap tuwing Huwebes Santo.

[baguhin] Biyernes Santo

Ang Biyernes Santo ay itinuturing na isang pista opisyal o “holiday” sa Pilipinas. Inaalala ito sa pamamagitan ng mga prusisyon, Via Crusis o “Way of the Cross”, pagsasadula ng huling pitong salita ni Hesus, at pagsasadula ng pasyon ni Kristo na tinatawag na Senakulo. Sa ilang mga lugar, partikular sa isang bayan sa lalawigan ng Pampanga, ang pagsasagawa ng “penitensya” kung saan naglalakad ang mga deboto sa mga lansangan habang pinapalo ang kanilang mga sarili ng mga taling may pako o iba pang mga gamit na may talim o maaaring makasakit. Naging tanyag hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa ibang mga bansa ang isinasagawang pagpapapako sa krus ng ilang mga deboto sa Pampanga tuwing Biyernes Santo.

[baguhin] Sabado de Gloria

Tinatawag ang Sabado ng Mahal na Araw na Sabado de Gloria. Tahimik lamang ang paggunita sa Sabado de Gloria at kadalasan ay nagkakaroon ng paghahanda para sa “Easter Vigil” hanggang sa pagsalubong sa Pasko ng Pagkabuhay.

[baguhin] Pasko ng Pagkabuhay

Bilang isang bansa kung saan marami ang kabilang sa Katolikong relihiyon, isang malaking kapistahan ang paggunita sa muling pagkabuhay ni Kristo. Nagsisimula ito sa madaling araw ng Linggo kung saan isinasagawa ang isang seremonya na tinatawag na “Salubong”, kung saan ipinuprusisyon mula at pabalik sa simbahan ang mga imahen ng muling pagkabuhay ni Hesus, si Birheng Maria, at ng mga santong sina Pedro at Maria Magdalena. Ang imahen ng birhen ay may nakatalukbong na belong kulay itim bilang simbulo ng pagdadalamhati niya sa pagkamatay ng kanyang anak. Isang anghel na mula sa langit ang kakanta ng “Regina Coeli” at tatanggalin ang belo mula sa imahen, bilang tanda ng pagtatapos ng panahon ng dalamhati. Pagkatapos nito ay patutunugin ang mga kampana at kung minsan ay magkakaroon din ng pagsisindi ng mga paputok bago umpisahan ang misa para sa linggo. Ito ang tintawag na Pista ng Pagkabuhay.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.