Sarsuwela

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang Sarsuwela ay isang dulang may kantahan at sayawan, na mayroong isa hanggang limang kabanata, at nagpapakita ng mga sitwasyon ng Pilipino na may kinalaman sa mga kwento ng pag-ibig at kontemporaryong isyu. Ito rin ay tinatawag na zarzuela, sarsuela, dulang inawitan, dulang hinonihan, drama-lirico at operetta.

Mga nilalaman

[baguhin] Kasaysayan

Ito ay dumating sa Maynila noong 1879 o 1880 na may pagtatanghal ng Jugar con Fuego (Play with Fire) ng grupo ni Dario de Cespedes. Sa mga sumunod na taon, marami pang mga grupo ang dumating sa bansa na nagdulot ng inspirasyon sa mga Pilipino upang gumawa ng sarili nilang orihinal na sarswela sa wikang Tagalog, Pampango, Ilokano, Cebuano, Ilongo at Waray.

Ang An Pagtabang ni San Miguel ang unang sarsuwela sa Waray, na may iskrip at musika ni Norberto Romualdez. Ang Ing Managpe naman ni Mariano Proceso Pabalan Byron ang unang sarsuwela sa Kapampangan.

[baguhin] Tema

Ang sarswela ay maaaring maglarawan ng mga tema nang pagmamahal sa bayan sa panahon ng rebolusyon, tulad ng Walang Sugat (Not Wounded), 1902 ni Severino Reyes; panlilibak sa mga kahinaan ng pagkatao ng mga Pilipino, tulad ng Paglipas ng Dilim (After the Darkness), 1920; pagtuligsa sa mga baluktot na gawain, tulad ng mataas na interes sa pautang, sa Bunganga ng Pating (At the Mercy of the Sharks), 1921; at paglalahad ng isang nakawiwiling kwento ng pag-ibig, gaya ng Anak ng Dagat (Child of the Sea), 1921 at Dalagang Bukid (Country Maiden),1919.

[baguhin] Pagtatanghal

Magmula pa noong sinaunang dekada ng ika-20 na siglo hanggang sa kasalukuyan, ang sarswela ay itinatanghal na ng mga komersyal na grupo sa mga teatro sa malalaking siyudad tulad ng Maynila, Iloilo at Cebu o sa mga entablado sa mga rural na lugar tuwing may kapistahan.

Mga pininturahang telon ang nagtatakda ng tagpo sa bawat eksena. Nakikilala naman ang bida at kontrabida sa pamamagitan ng kanilang pag-arte at pananamit. Isang maliit o malaking orkestra ang sumasabay sa mga kanta, na karaniwang isinasama ang kundiman, balitaw, balse, danza, fox-trot at kung anu man na sikat sa naturang panahon. Isang pangkalahatang direktor ang nagsasanay sa mga aktor at nakikipag-ugnayan sa direktor ng musika, na kumukumpas ng orkestra; maestro del coro (choir master), na nagsasanay sa pag-awit ng mga aktor; tramoista (technician), na gumagawa ng mga telon at props; electricista na nangangalaga sa ilaw na gagamitin sa sarswela; apuntador (prompter) na nagdidikta mula sa concha (shell) sa harap ng entablado; at ang iba pang mga tauhan na kasama sa pagtatanghal.


[baguhin] Sanggunian

  • 101 Filipino Icons. Quezon City: Adarna House, Inc., 2007.
  • CCP Encyclopedia of Philippine Art. Vol VII. Philippine Theater. Manila: Cultural Center of the Philippines, 1994.

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.