Rondalla

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Rondalla

Ang Rondalla ay ang katutubong grupong musikal na ipinamana ng mga Kastila sa Pilipinas noong panahong 1800's.

Mga nilalaman

Kasaysayan ng Rondalla sa Pilipinas

Ang pagpapakilala ng gitara ng mga Kastila sa Pilipinas ay naging daan upang sumulong ang paggamit ng rondalla. Ang natural na hilig ng mga Filipino sa musika ay hindi naging balakid sa mga Kastila na turuan sila at mangalap ng mga taong may galing sa pagtugtog ng instrumento. Hindi nagtagal, lumawak ang mga may nais na sumailalim sa pagsasanay sa mga instrumentong musikal tulad ng piyano, organ, biyulin, plauta at gitara. Ang mga nagnais na matutong tumugtog ng gitara ay tinuruan din ng bandurria at laud. Doon nagsimula ang grupo ng mga tumutugtog ng instrumentong de-kwerdas na tinawag nilang comparzas o rondallas.

Ang Rondalla ay naging bahagi na ng kasaysayan ng Pilipinas at naging parte na nang musikang Filipino. Ito ay kadalasang kasama sa sayawan at kantahang panlipi o di kaya ay sa mga pista, kasal o okasyong pangsibiko.

Rondallang Filipino

Mga Instrumento ng Rondalla

Ang tipikal na Filipinong rondalla ay binubuo ng mga sumusunod: hugis peras na piccolo bandurria, bandurria, laud, hugis gitarang octavina at mandola, guitarra, at bajo de unas. Gawa ang mga instrumentong ito sa karaniwang kahoy ng Pilipinas tulad ng: langka, pine, molave, cypress, narra, kamagong, mahogany, ballatinao, tanguile, yakal at acacia. Ang puwa ng gitara ay gawa sa talukab ng pagong.

Ang labing-apat na instrumentong de-kwerdas ng rondalla maliban sa guitarra ay bumubuo ng anim na bahaging nagbibigay tono - viz., F#, B, E, A, D, G. Ang pagkakadoble o pagkakatriple ng kwerdas ay lumilikha ng mas magandang tunog at lakas ng musika.

Sa walong miyembrong rondalla, mairerekomenda na magkaroon ng apat na bandurrias, isang laud, isang octavina, isang guitara, at isang double bass. Ang 30-miyembrong rondalla naman ay may 16 na bandurria, 3 piccolo, 3 lauds, 3 octavinas, 3 guitara at 2 bass. Ang dami ng paggamit ng instrumentong percussion sa maliit man o sa malaking grupo ay opsyonal.

Ang rondallang Filipino ay may malawak na pondo ng mga awit mula sa musikang panlipi hanggang sa makabagong tono, mula sa lokal hanggang sa banyagang klasikong musika. Malimit na tumutugtog ang rondalla sa tono ng balitaw, kundiman, balse, danza, martsa at oyayi. Ang makabagong rondalla naman ay tumutugtog sa saliw ng ragtime (isang estilo ng jazz), awit ng pag-ibig at Broadway music. Ang klasikong rondalla naman ay may komposisyon nila Bach, Beethoven at Brahms. Tumutugtog din ang rondalla ng mambo, cha-cha, rock-n-roll, calypso at jerk.

Bahagi ng Instrumentong Rondalla

  • Hollow body (sound box) - sa tamang pagdiin ng daliri sa mga kwerdas ng gitara ay mai-aayon o mai-aakma sa tamang tono ang gitara.
  • Sound board (top plate) - kumukuha at nagpapalakas ng tunog galing sa "vibration" ng kwerdas
  • Sound holes - nakapagbibigay ng malaking epekto sa timbre na tunog
  • Back board (back plate)
  • Side walls (rims)
  • String holder(tailpiece)

Tagapasimuno ng Rondalla

Ang mga sumusunod ay ang mga nanguna sa rondalla bago sumapit ang ika-dalawampung siglo:

  • Pedro Buencamino(1866-1923) - isinilang sa Abucay, Bataan, natuto siyang mag- gitara at mag bandurria at lumikha ng sariling disenyo para sa octavilla(octavina) at piccolo.
  • Victorino Carrion(1872-1935) - ang bumuo ng Organized Comparza Santa Cecilia noong 1908.
  • Manuel Antonio Mata - maliban sa piyano at organ, marunong din siyang tumugtog ng gitara, bandurria at harmonium.
  • Natalio Mata - nagturo ng pagtugtog ng piyano, plauta, at gitara
  • Leonardo Silos(1826-1910) - nagbigay ng lektura tungkol sa pagtugtog ng gitara, bandurria, mandolin, at laud hanggang sa taong 1909.
  • Rosario Silos(1862-1896) - isang gitarista at plautista
  • Telesforo Sucgang(1855-1916) - isang pintor, eskultor, kumpositor, at guro na taga Banga, Capiz. Ang kaniyang paboritong instrumento ay ang ocarina ngunit tumutugtog din siya ng gitara, biyulin, bandurria at piyano.
  • Nicanor Abelardo(1893-1934) - isang tanyag na kumpositor na taga San Miguel, Bulakan.
  • Juan Silos, Jr. - isang Filipinong kumpositor at arranger na kilala bilang "Ama ng Rondalla".
  • Antonio J. Molina - nagtatag ng ilan sa mga samahan ng rondalla tulad ng Comparza Joaquin (1905-1913); Rondalla Ideal (1909-1912); Rondalla Filarmonica Juvenal (1913) at Yellow Taxi Rondalla (1940).
  • Jose Estacion - namuno sa Conservatory of Amoy sa bansang Tsina at nagbuo ng Philippine Rondalla noong 1927.
  • Hilarion Rubio - naging tagasangguni ng La Concordia College Rondalla noong 1942.
  • Dalmacio Samarista - namuno ng Rondalla Oriental noong 1914.
  • Macario Hernandez - nagdirihe ng Centro Escolar College Rondalla.

Mga Samahan ng Rondalla

Ilan lamang ang mga sumusunod na tanyag na samahan ng rondalla:

  • Philippine Rondalla
  • Yellow Taxi Rondalla
  • Manila Simbunsya Rondalla
  • Teatro Zarsuela Rondalla
  • Centro Escolar University Rondalla
  • Juan Silos Rondalla
  • Rondalla Ensemble
  • Philippine Dance Company Rondalla
  • Rondalla Oriental

Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.