Ricardo Lee

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Ricardo Lee


Si Ricardo Lee o mas kilala sa Ricky Lee ay isang premyadong Pilipinong manunulat ng dulang pampelikula. Nakapagsulat siya ng mahigit isang daang dulang pampelikula mula 1979, na nagbigay sa kanya ng mahigit limampung tropeo at parangal mula sa iba't ibang pagbibigay-gawad. Kilala siya sa makatotohanang boses sa kanyang mga pelikula at nakatrabaho ang pinakamahuhusay na Pilipinong direktor gaya nina Lino Brocka, Ishmael Bernal, Marilou Diaz-Abaya, Chito Rono, Joel Lamangan, Laurice Guillen, Gil Portes, Oliva Lamasan, Rory Quintos, at Mel Chionglo. Naipalabas ang kanyang mga pelikula sa Cannes, Toronto Film Festival, Berlin Film Festival at iba pang pista ng pelikula sa ibang bansa. Nakapagsulat din siya ng nobela, maikling kwento, at dula na pawang mga pinarangalan din. Noong 2000, napasama siya sa 100 Centennial Awardees ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas at Gawad Balagtas mula sa UMPIL.


Mga nilalaman

[baguhin] Kabataan at Simula ng Pagsusulat

Ipinanganak noong 19 Marso 1948, lumaki si Ricky Lee sa piling ng kanyang mga kamag-anak sa Daet, Camarines Norte, Bicol. Namatay ang kanyang ina noong siya ay limang taong gulang at nakita lamang ang kanyang ama sa ilang pagkakataon. Nag-aral siya ng elementarya at sekundarya sa Daet. Sinasabing madalas siyang sumisilip noon sa mga sinehan at binuburo ang sarili sa silid-aklatan upang magbasa ng aklat, pinupunit at itinatago ang mga pahinang kaaya-aya ang mga larawan.

Madalas siyang manguna sa klase dahil sa kanyang angking katalinuhan. Itinuring niyang pinaghuhugutan sa kanyang pagsusulat ang kanyang pagiging ampon at mahiyaing bata. Nahilig siya sa pagbabasa ng aklat, panonood ng pelikula at pagsusulat. Napagtanto niyang nais niyang magsulat noong magtatapos na siya ng sekundarya. Nagsulat siya ng maikling kwento at ipinasa sa Philippine Free Press. Natanggap ang kanyang kwento at nailathala sa naturang babasahin. Ginamit ni Ricky ang salaping natanggap para iwan ang Daet at makipagsapalaran sa Maynila.

Nakitira si Lee sa kanyang mga kababayang nasa Maynila at namasukan bilang waiter hanggang sa mahimatay siya isang araw sa Avenida dahil sa gutom. Ipinagpatuloy ni Lee ang kanyang pag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman na may kursong BA English. Patuloy pa rin siyang nagsulat na ipinasa niya sa Philippine Free Press na nagbigay sa ilan niyang akda sa Una at Ikatlong Gantimpala sa dalawa sa kanilang mga patimpalak. Nang patapos na siya sa kolehiyo, idineklara ang Batas Militar at nag-drop si Lee sa kolehiyo at naging aktibista laban sa rehimeng Marcos.


[baguhin] Karera

Mahigit tatlumpung taon na ang pagsusulat ni Ricky Lee, mula sa maikling kwento, dula, sanaysay, dulang pampelikula, dulang pantelebisyon at nobela. Nagwagi ang kanyang dalawang maikling kwento sa Gawad Palanca sa dalawang magkasunod na taon. Matapos nito, hindi na siya muli pang sumali sa mgha patimpalak sa paniniwalang hindi dapat maglaban-laban ang mga manunulat. Napuno ang mga teatro nang itanghal ang kanyang dulang Pitik-Bulag sa Buwan ng Pebrero at DH (Domestic Helper) na pinagbidahan ni Nora Aunor at ipinalabas sa iba't ibang lugar sa Amerika at Europa. Nakapgsulat siya ng pitumpung dulang pampelikula na nagbigay sa kanya ng mahigit tatlumpung tropeo mula sa lahat ng parangal sa Pilipinas. Ayon sa kanya, hindi siya magsusulat ng panitik sa Ingles kahit pa siya ay magutom.


[baguhin] Mga Pelikulang Isinulat

[baguhin] Mga Aklat

Ilan sa mga nailathala niyang akda bilang aklat ang Trip to Quiapo, isang manwal sa pagsusulat, Si Tatang at mga Himala ng Ating Panahon (isang antolohiya ng ilan niyang mga kwento at dula), Pitik-Bulag sa Buwan ng Pebrero, Brutal/Salome (unang aklat ng mga dulang pampelikula sa Pilipinas), Moral at Bukas May Pangarap. Naisalin ang kanyang dulang pampelikula sa Salome sa Ingles at inilathala ng University of Wisconsin sa Estados Unidos bilang bahagi ng teksbuk nito sa pag-aaral sa pelikula.

Taong 2008 nang mailathala ang una niyang nobelang Para Kay B (Kung paano dinevastate ng pag-ibig ang 4 out of 5 sa atin). Sinundan ito ng Si Amapola sa 65 na Kabanata noong 2011.


[baguhin] Palihan sa Pasusulat

Mula noong 1982, nagsasagawa si Ricky Lee ng mga palihan para sa pagsusulat ng dulang pampelikula nang walang bayad. Ginagawa iyo sa kanyang bahay. Hinahamon niya ang kanyang mga mag-aaral na subukan ang mga painbagong ideya, tuklasin ang limitasyon ng kanilang mga imahinasyon hanggang sa sila ay malunod. Minsan sa isa niyang palihan sa Tagaytay, hindi siya pumayag na makakain ang mga kalahok hangga't hindi natatapos ang konsepto. Ayon sa kanya, maraming kamangha-manghang bagay ang nagagawa ng gutom para sa pagiging malikhain ng isang tao—gumagana ang imahinasyon. Upang matulungan silang mabuo ang kanilang mga tauhan, hinihimok niyang isabuhay ng mga kalahok ang kanilang tauhan, puntahan ang kanilang daigdig bilang tagamasid, kasama o sa pagsasabuhay mismo ng tauhan sa kanilang lugar at panahon. Kung kaya madalas, ilan sa mga kalahok ay nagpapanggap na puta, pulubi o tagapulot ng basura. Marami sa mga kalahok noon sa kanyang palihan ang naging matagumpay na rin sa larangan ng pagsusulat sa pelikula at telebisyon ngayon.

Taong 2003 nang pangunahan ni Ricky Lee ang libreng palihan ng ABS-CBN para sa pagsulat sa telebisyon. Mula noon, patuloy itong isinasagawa nang walang bayad at nakapagprodyus ng mga bagong manunulat sa iba't ibang programa sa telebisyon at pelikula.



[baguhin] Sanggunian



[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.