Rebecca T. Añonuevo

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Si Rebecca T. Añonuevo, na ang kompletong pangalan ay Maria Luz Rebecca T. Añonuevo, ay isinilang noong 18 Setyembre 1965 sa Maynila. Nakamit niya ang titulong doktorado sa literatura sa De La Salle University. Nagtapos siya sa AB Literature sa Unibersidad ng Santo Tomas at doon nakamit ang titulong cum laude; at masterado sa literatura nang may karangalan. Naging valediktoryan siya nang magtapos sa Rizal High School, ang may pinakamalaking populasyon ng mag-aaral sa hay-iskul sa buong Filipinas; at gayundin nang magtapos siya sa elementarya sa Caniogan Elementary School.

Kabilang si Añonuevo sa pangunang hanay ng mahuhusay na makatang Filipino sa kasalukuyan. Nagluwal siya ng mga tulang maiindayog ang taludtod, at mga talinghagang nangingibabaw ang damdamin habang taglay ang matalim na pagbubulay.

Mga nilalaman

[baguhin] Mga Aklat

Kabilang sa kaniyang mga akda ang sumusunod:

  • Bago ang Babae (1996;2005);
  • Pananahan (1999);
  • Nakatanim na Granada ang Diyos (2001);
  • Saulado (2005);
  • Talinghaga ng Gana: Ang Banal sa mga Piling Tulang Tagalog noong Ika-20 Siglo (2003);
  • Bisikleta ni Momon (1998);
  • Ang Mahiyaing Manok (2000).

Isinalin naman niya sa Filipino ang ilang akdang Ingles mula sa iba't ibang larang.

[baguhin] Mga Parangal

Si Añonuevo ay nagkamit ng parangal sa gaya ng Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, National Book Award mula sa Manila Critics Circle, Talaang Ginto: Makata ng Taon, PBBY Books for Young Children, Institute of Creative Writing, Outstanding Pasigueño Award for Literature and Communication, at iba pa.

[baguhin] Kasapian

Nahalal sa Lupong Tagapagpaganap ng Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas (UMPIL) si Añonuevo, at kasalukuyang ingat-yaman nito. Kasapi siya ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo, at ngayon ay nagtuturo sa Departamento ng Panitikan sa Mirriam College, Katipunan, Lungsod Quezon.

[baguhin] Sanggunian

  • Almario, Virgilio S. Sansiglong Mahigit ng Makabagong Tula sa Filipinas. Lungsod Pasig: Anvil Publishing House, 2006.

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.