Ramadan

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

thumb|right|250 px

Ramadan ang ika-siyam na buwan ng kalendaryong Islam. Ito ang buwan kung kailan inihayag ni Allah ang Qur’an sa propetang si Muhammad. Ang Ramadan ay galing sa salitang Arabo na ang ibig sabihin ay “nakapapasong init”.

Isa itong espesyal na buwan sa bawat taon para sa mahigit isang bilyong Muslim sa buong mundo. Ito ay panahon ng pagbubulay-bulay, debosyon sa Diyos, at pagpigil sa sarili. Para sa mga Muslim, isa itong pagsasaayos at pagpapatibay ng kanilang ispirituwal na buhay.

Ang Ramadan ay opurtunidad ng pag-unlad sa pamamagitan ng pagbibigay at pagiging malakas sa pamamagitan ng katatagan sa gitna ng kahirapan. Layunin nito na maranasan ang gutom upang magkaroon ng simpatiya sa mga mahihirap. Ito rin ang oras ng pagpapasalamat kay Allah para sa lahat ng mga biyaya at pag-iwas sa mga bagay na hindi nakalulugod sa Kanya.

Mga nilalaman

Mga kagawian tuwing Ramadan

Pag-aayuno

Mula bukang-liwayway hanggang takipsilim, ang mga Muslim na may edad labing-dalawa pataas ay kailangang- mag-ayuno. Sa pag-aayuno, o Sawm, hindi sila kumakain, umiinom, naninigarilyo at nakikipagtalik. Bago sumikat ang araw, kumakain sila bago simulan ang pag-aayuno; ang pagkaing ito ay tinatawag na suhoor. Ang pag-aayuno ay magsisimula sa unang dasal, fajr, hanggang matapos ang ikaapat ng dasal ng araw, maghrib. Sa paglubog ng araw, tinatapos nila ang pag-aayuno sa pagkain ng tinatawag na iftar.

Ang pag-aayuno ay sinasabing tumutulong upang ilayo ang puso sa mga makamundong mga bagay. Layunin nito na linisin ang panloob na kaluluwa at protektahan ito sa sakit. Ang tamang pag-aayuno ay nagdudulot nang ginhawa at kapayapaan sa kalooban. Hinahayaan nito ang mga Muslim na matutunan ang disiplina, pagkokontrol, sakripisyo, at simpatiya para sa mga nangangailangan.

Maaaring lumiban sa pag-aayuno ang mga matatanda, may sakit sa katawan at pag-iisip, mga buntis, mga babaeng may buwanang dalaw at mga bagong panganak. Pero ang ilan sa kanila ay maaaring halinhinan ang kanilang pag-aayuno sa pamamagitan ng pagpapakain sa mga mahihirap.

Nangangahulugan din ito nangg pagpipigil sa sarili tulad nang hindi pagsasalita o pagsasabi ng mga masasamang bagay o salita, at hindi pakikinig sa mga ito.

Pagdadasal at pagbabasa ng Qur’an

Bukod sa pag-aayuno, hinihikayat ang lahat ng Muslim na basahin ang buong Qur’an. Tuwing gabi, sa kanilang pagdadasal na tinatawag na Tirawih, binabasa ang ika-30 bahagi ng Qur’an nang sa gayon, pagkatapos ng Ramadan, ang buong Qur’an ay nabasa. Ang ilan ay binabasa ang buong Qur’an sa isang upuan lamang.

Ang gabi kung kailan inihayag ni Allah ang Qur’an kay Muhammad ay tinatawag na Lailat ul-Qadr (Night of Power). Ito ay sa ika-27 gabi ng buwan. Sinasabi sa Qur’an na ang gabing ito ang pinakamahalaga sa libu-libong buwan. Kaya naman ang mga [[Muslim] ay nagdadasal magdamag sa gabing ito.

Pagtulong sa mga nangangailangan

Dahil sa pag-aayuno at pagbabasa ng Qur’an, lumalawak ang pagkakawang-loob ng mga Muslim para sa mga mahihirap at nangangailangan.

Eid al-Fitr

Ang pagtatapos ng Ramadan ay nagaganap sa isang masayang selebrasyon. Ang Eid al-Fitr ay nangangahuluga ng ‘Pista ng Pagtatapos ng Ayuno’. Ginaganap ito sa unang araw ng sumunod na buwan, ang Shawwal. Kadalasang pumapatak ang Eid pagkatapos ng ika-29 o ika-30 araw ng pag-aayuno.

Nagsusuot ang mga Muslim ng mga bago at magagandang damit, nagbibigay ng pagkain sa mahihirap at nagdadasal sa umaga. Sinusundan ito ng pagsasalu-salo at pagdalaw sa mga kamag-anak at kaibigan.

Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.