Rafael "Paeng" Nepomuceno

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Rafael “Paeng” Nepomuceno (Picture from ([1]).

Si Rafael "Paeng" Nepomuceno ay Pilipinong bowler na nasa unang hanay ng pandaigdigang manlalaro, at maibibilang sa isa sa matatagumpay na atletang nag-ambag nang malaki upang sumulong ang bowling sa Pilipinas. Kinikilala rin siya bilang pinakamagaling na bowler sa buong mundo nang makamit niya nang anim na ulit ang pandaigdigang kampeonato.

Mga nilalaman

[baguhin] Pinag-ugatan

Si Nepomuceno, na higit na kilala sa palayaw na "Paeng," ay isinilang noong 30 Enero 1957. Siya ay may taas na anim na talampakan at dalawang pulgada, at kaliwete kung magpagulong ng bola. Supling siya ni Angel Nepomuceno, na kaniyang gabay at guro, at ni Teresita "Baby" Villareal, na dating Bb. Pilipinas noong 1951–1952. Pangalawa sa pitong magkakapatid si Paeng.

Ikinasal si Paeng kay Saira R. Puyat, na tagapangasiwang direktor ng AMF-Puyat Bowling Center sa buong Pilipinas.

[baguhin] Mga Parangal

Humamig ng mahahalagang parangal si Paeng, at kabilang dito ang medalya ng Legion of Honor mula sa pangulo ng Pilipinas at Presidential Medal of Merit. Ginawaran din siya ng limang ulit na "Atleta ng Taon" ng Philippine Sports Association (PSA), at pagkaraan ay nakamit ang PSA Hall of Fame. Kikilalanin din ng Senado at Mababang Kapulungan ng Pilipinas si Paeng bilang "Pinakamahusay na Pilipinong Atleta sa Anumang Panahon."

Ginawaran ni Juan Antonio Samaranch si Nepomuceno ng IOC President's Trophy na kauna-unahan sa kasaysayan ng bowling. Ginawang inmortal naman sa museo ng St. Louis Missouri, United States si Paeng, nang itanghal ang kaniyang pitong talampakang retrato na nakakahon sa salamin para sa karangalang International Bowling Hall of Fame. Noong 1994, inilabas ng Guinness Book of World Records ang mga rekord ni Nepomuceno, nang makamit nito ang pinakamaraming bilang ng World Cup sa loob ng tatlong dekada. Sa edisyong 2003 ng Guiness, kinilala si Nepomuceno bilang pinakabatang nagwagi ng pandaigdigang kampeonato sa edad 19.

Samantala, kinilala ng World FIQ si Nepomuceno bilang "International Bowler of the Millennium" upang kumatawan sa mahigit 100 milyong bowler sa buong mundo.

[baguhin] Mga Makasaysayang Laban

Kabilang sa mga makasaysayang laban ni Paeng ang sumusunod:

  • 19 Nobyembre 1976. Nagwagi ng kauna-unahang World Cup sa Tehran, Iran si Paeng, at naging pinakabatang kampeon. Nananatili ang gayong rekord hangga ngayon. Kinopo rin niya ang pambansang kampeoto, bukod sa kampeonatong isinulong ng FIQ.
  • 8 Nobyembre 1980. Nakamit ni Paeng ang rekord na kauna-unahang manlalaro na nagwagi sa ikalawang pagkakataon sa World Cup.
  • 8 Agosto 1984. Nagwagi sa Internasyonal na Tunggalian sa Las Vegas, Nevada, USA. Pinabagsak niya ang Amerikanong si Jack Jurek na noon ay kampeon sa World Cup. Pinarangalan si Paeng bilang PSA Atleta ng Taon at World Bowling Writers World Bowler of the Year. Binigyan din siya ng Presidential Order of Merit ni Pang. Ferdinand E. Marcos, na nagsabing si Paeng ang pinakamahusay na atleta sa milenyo sa larang ng bowling.
  • 8 Nobyembre 1992. Nanalo ng World Cup si Paeng sa Le Mans, France, at naging daan iyon upang itampok siya sa Guinnes Book of World Records.
  • 23 Nobyembre 1996. Nagwagi ng ikaapat na kampeonato sa Bowling World Cup si Paeng sa Belfast, Northern Ireland.
  • 4–7 Marso 1999. Nagwagi si Paeng sa World Tenpin Masters sa London, England. Binigyan din siya ng parangal ng PSA na nagsabing siya ang "pinakamahusay ng atleta ng milenyo."

Naging maginoo si Paeng sa loob at labas ng larangan ng bowling, at nanatiling mabuting halimbawa ng atleta na dapat pagsumundan ng mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Panlabas na Kawing

Para sa karagdagang impormasyon, dumalaw sa wikipilipinas.org wikipilipinas.org.

Italiko text