Pista

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Sinulog Festival 2008

Ang pista ay isa sa mga malalaking pagdiriwang na ginugunita bawat taon sa iba’t ibang dako ng Pilipinas. Tampok dito, saan mang lugar sa kapuluan, ang mga makukulay na parada, mga katutubong seremonya, sayawan, paligsahan, at masasaganang handaan. Ang panahon ng kapistahan ay isa rin sa mga pinaka-inaabangang pagdiriwang na patuloy na dinarayo ng mga turista taun-taon.


Mga nilalaman

[baguhin] Mga Tema

Isa lamang ang pista sa mga tradisyong nakaugalian na ng mga Filipino bago pa man dumating ang mga dayuhang mananakop ng bansa bilang pag-alaala at pasasalamat sa diyos ng kalikasan at espiritu ng kani-kaniyang mga ninuno. Ngunit sa paglipas ng panahon, naging bahagi na rin ng pagdiriwang ang ilang sa mga kaugalian at paniniwala ng mga Espanyol-- na siyang may pinakamalaking kontribusyon sa kulturang Pilipinas.

Sa kasalukuyan, ang mga ipinagdiriwang na pista ngayon ay kakikitaan na ng magkakahalong tradisyon ng Kristyano, animismo o anitoismo, at iba pang katutubong paniniwala.


[baguhin] Preparasyon

Ang mga pista ay may kani-kaniyang tema sa bawat barangay o bayan. Kadalasan, ang mga malalaking pista ay ginaganap bilang pag-alaala sa mga Santong Patron, pasasalamat sa masaganang ani, at paggunita sa mga makasaysayang pangyayari tulad ng anibersaryo. Bago pa man sumapit ang mismong araw ng kapistahan ay itinatakda na ang magsisilbing 'Hermano/a Mayor' na siyang magiging punong-abala sa pagpaplano ng lahat magaganap.

Tumatagal ang mga kasiyahan ng ilang araw. Sa ibang mga pista, umaabot pa ito hanggang sa isang buwan.


[baguhin] Mga Pagdiriwang

Karaniwang nagaganap tuwing pista ang iba't ibang palaro at paligsahan. Ilan sa mga larong Filipino na kinaaaliwan tuwing pista ay ang palosebo, pukpok palayok, agawang buko, at habulang baboy.

Marami ang naghihintay upang masaksihan ang taunang street dancing o paligsahan ng sabayang pagsasayaw sa kalsada ng mga distrito o paaralan. Sa gabi karaniwang ginaganap ang timpalak ng kagandahan at timpalak ng pagkanta. Ang ibang kapistahan naman ay nagtatampok ng kamangha-manghang fireworks display.

[baguhin] Salo-Salo

Isa sa pinakatampok tuwing pista ang mga salo-salo o handaan. Pinakatanyag na pagkaing inihahanda rito ang lechon. Karaniwang din ang laman ng hapag-kainan ang iba't ibang putahe tulad ng hamonado, relleno, kaldereta, adobo, menudo, paella, pochero, at pansit. Maliban dito, mayroon ding ilang masasarap na panghimagas tulad ng halayang ube, leche flan, gelatin, buko pandan, at fruit salad.

Bukod sa pagiging likas na masayahin, likas din sa mga Filipino ang pagiging mapagbigay. Sa katunayan, sa tuwing sasapit ang pista ay binubuksan ng bawat tahanan ang kani-kanilang mga pintuan sa sinumang bisita, kakilala man nila ito o hindi. Kadalasan, bago pa man tuluyang makauwi ang bisita ay binibigyan pa siya ng maybahay ng pabaong pagkain.


[baguhin] Sanggunian


[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.