Pintaflores Festival
Mula Wikifilipino
Ang Pintaflores Festival ay isang pagdiriwang na idinaraos taun-taon sa lungsod ng San Carlos sa Negros Occidental tuwing ika-5 ng Nobyembre. Ginawa ito upang magkaroon ng sariling pagkakakilanlan ang lugar sa larangan ng mga pagdiriwang at kasiyahan.
Nilalaman |
Kasaysayan
Ang Pintaflores ay isang pagdiriwang kung saan ipinagsama ang dalawang magkaibang kasiyahang ipinagdiriwang ng mga taga-San Carlos. Ito ay nagmula sa pinagsamang mga salitang “pintados” at “flores.” Ang Pintados ay nagmula sa mga ninuno ng mga Bisaya na naging tradisyon na ang pagpipinta sa kanilang mga sarili upang malaman ang antas sa pakikipaglaban. Ang flores naman ay salitang Espanyol para sa mga bulaklak.
Para sa kapistahan ng pagkakatatag ng lungsod, naging kaugalian na ng mga taga-San Carlos na ipagdiwang ang Nabingkalan Tattoo Festival at ang Dances of Flowers Festival. Noong 1992, napagpasyahan ng mga namumuno sa lungsod na pag-isahin na lamang ang mga naturang pagdiriwang at doon na rin nagmula ang Pintaflores Festival.
Pagdiriwang
Ipinagdiriwang ang Pintaflores bilang paggunita at pagpaparangal kay San Carlos Borromeo, ang patron ng lungsod. Idinaraos ng mga taga-San Carlos ang pagdiriwang sa pamamagitan ng pagsasayaw at pagpaparada sa mga pangunahing kalsada ng lungsod na nakasuot ng makukulay na pananamit na pinalamutian ng iba't ibang disenyo ng bulaklak. Pinipintahan din ang kanilang mga katawan ng disenyo ng mga bulaklak bilang paggunita sa mga pintado ng Visayas bago dumating ang mga Kastila. Ang mga dadalo upang manood ng Pintaflores ay siguradong masisiyahan sa makukulay na kasuotan at sabay-sabay na paggalaw ng mga kalahok sa kumpetisyon sa pagsasayaw. Binuksan na rin ng lungsod ang Pintaflores Bata o Pinta Bata noong 1996, isang kumpetisyon sa pagsasayaw para sa mga mag-aaral sa elementarya.
Pintaflores Festival 2009
Nagsisimula ang pagdiriwang sa huling linggo ng Oktubre hanggang sa ika-5 ng Nobyembre.
- Oktubre 27 -31 – Waste Market Fair
- Oktubre 31 – Vamos! San Carlos! Gabi para sa mga Balikbayan
- Nobyembre 3 – San Carlos City Pintalawas
- Karera ng Pedicab ng mga kandidato sa pagka-Pangulo
- Paligsahan sa Pagluluto gamit ang Habichuelas
- Nobyembre 4 – Pamukaw
- Misa ng Pasasalamat
- Konsyerto tampok sina Rachel Ann Go at Mark Bautista
- Nobyembre 5 – Pintaflores Festival
- Pagtatanghal ng Brownman Revival
Sanggunian
- “San Carlos City Pintaflores Festival 2009) Byahilo.com (Hinango 16 Setyembre 2009)
- “San Carlos City Pintaflores” Wowpinoy.net (Hinango 16 Setyembre 2009)
- “Pintaflores” Sancarloscity.org (Hinango 16 Setyembre 2009)
- “Pintaflores” Etravelpilipinas.com (Hinango 16 Setyembre 2009)
Pagkilala
| Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |







