Pinaglahuan

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
{{#if:||}}
Kopya ng unang edisyon ng Pinaglahuan noong 1907

Kabilang sa maituturing na klasikong nobelang Tagalog ang Pinaglahuan ni Faustino Aguilar. Tampok sa nobela ang maigting na pakikibaka ni Luis Gatbuhay, na nagkataong lider obrero, laban sa makapangyarihang si Don Nicanor. Kailangang ipaglaban ni Luis hindi lamang ang usapin ng manggagawa kundi maging ang itinitibok ng kaniyang puso: si Danding.

Gusto ni Don Nicanor na makasal ang kaniyang anak na dalaga kay Rojalde. Si Don Nicanor ay sugapa sa sugal, at naglustay ng malaking pera para matustusan ang kaniyang bisyo. Nang malubog siya sa utang, naisip niyang ang tanging makapagliligtas sa kaniya ay si Rojalde na handa namang tumulong upang mabayaran ni Don Nicanor ang mga utang. Ang kapalit na kabayaran na nais ni Rojalde ay mapakasal kay Danding, na bukod sa maganda ay nagtataglay ng mga katangiang ipaglalaban ng patayan ng sinumang lalaki.

Ngunit hindi naging madali ang lahat. Mahal ni Danding ang kasintahang si Luis. Kaya naman nang malaman ito ni Rojalde ay umisip siya ng paraan para matanggal sa trabaho si Luis, maisakdal sa hukuman, at tuluyang maibilanggo. Nagngitngit si Luis at naghimagsik, gaya ng sugatang hayop.

Nakasal si Danding kay Rojalde, at may pitong buwan pa lamang ang nakalilipas ay nagsilang agad ng malusog na sanggol. Ang sanggol ay hindi kahawig ni Rojalde kundi ni Luis.

Nagwakas ang nobela nang magtanim at masabugan ng bomba si Luis sa loob ng bilangguan. Nagdiwang din siya nang tupukin ng dambuhalang sunog ang lungsod, at naiwan si Rojalde sa balkonahe habang nasusunog paligid at ang tinitirhang bahay.

Muling inilathala ng Ateneo de Manila University Press ang nasabing nobela, at kasalukuyang ginagamit ngayong sangguniang babasahin sa mga paaralan.

[baguhin] Panlabas na Kawing

Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang 100 Nobela na inilathala sa elektronikong paraan ng Filipiniana.net.

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.