Philippine Tarsier

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Kung nais ninyong mabása ang tekstong nakasulat sa Ingles, pindutin ang Philippine Tarsier.


Philippine tarsier
Ang Philippine Tarsier (katawagang-agham: Tarsius syrichta) ay isang panggabi o nocturnal na hayop na kinikilalang pinakamaliit na klase ng tsonggo sa buong daigdig. Talamak ito sa mga kagubatan ng Samar, Leyte, Bohol at sa kapuluan ng Mindanao.

Mga nilalaman

[baguhin] Paglalarawan

Ayun sa mga dalubhasa, ang tarsier ay hindi unggoy, ni hindi tsonggo o primate. Kung titignan ang kasaysayan ng ebolusyon ng tsonggo, tinatayang ito ay nasa pagitan ng pag-unlad ng lemur (isang uri ng primate na talamak sa Madagascar) at unggoy.

[baguhin] Panlabas na anyo

Ito ay may mabalahibong katawan na kulay tsokolate-abuhin at kalbong buntot na dalawang beses na mas mahaba sa kanyang katawan. Ginagamit ng mga ito ang kanilang buntot bilang pangkapit sa mga sanga, at nagbibigay din ng balanseng postura sa mga tarsier na hilig ang nakatayo o erect na posisyon. Halos kasing laki lamang ito ng daga na tumitimbang ng humigit-kumulang 60 hanggang 160 gramo, at may taas lamang na 90 hanggang 165 milimetro. Kung ikukumpara, higit na mas malaki ang babaeng tarsier kaysa sa mga lalake.

Kapansin-pansin sa hayop na ito ang malalaki at listo nitong mga mata at tenga. Ang espasyo ng eye socket nito ay higit na malaki kumpara sa sisidlan ng utak at tiyan. Bilang isang nocturnal o panggabing hayop, ang mga mata at tenga nito ay nagiging mainam nitong sandata sa panghuhuli ng mga pagkain gaya ng kulisap. Isa pang natatanging katangian ng tarsier ay ang pagkakaroon nito ng joint sa pagitan ng bungo at gulugod (spine). Ito ang siyang nagbibigay dito ng kakahayang paikutin o palingunin ang ulo ng 180 degrees—mahalaga bilang panghalili sa mga mata nitong walang abilidad na gumalaw.

Ang pangalan ng tarsier ay hango sa isa pa nitong katangian, ang pagkakaroon ng mahahabang tarsus bone o bungkos ng buto na matatagpuan sa paa na siyang nakakatulong sa pagkilos nito. Kaiba sa unggoy, ito ay mayroong dalawang grooming claws sa bawat paa, at salat sa tapetum lucidum (isang tisyu sa mata na tumutulong upang makakita sa madidilim na kapaligiran) di gaya ng ibang nocturnal na hayop.

[baguhin] Kilos at Pag-uugali

Ang mahahabang tarsus bone ng tarsier ang nagbibigay dito ng kakayahang tumalon ng bertikal at kumapit ng mahigpit sa mga puno. Maliban sa mga kulisap, kumakain din ito ng maliliit na hayop gaya ng butiki, ibon at paniki. Sa panghuhuli ng pagkain, tinatalunan ng tarsier ang biktima nito at ikinukulang ito gamit ang mga kamay. Hindi gaya ng ibang hayop na namumuhay ng kumpol, mas pinipili ng tarsier na mamuhay ng mag-isa liban na lamang sa mga nakakulong sa hawla.

[baguhin] Tirahan

Piniling manirahan ng tarsier sa mapupuno ngunit mabababang lugar upang madaling maka-angkop ang kanyang maliit na katawan. Marami rin sa mga ito ang matatagpuan sa kakahuyan malapit sa pampang. Ang mga butas sa puno ang nagsisilbing bahay-tulugan ng mga tarsier.

[baguhin] Komunikasyon

Hindi gaya ng ilang unggoy na madalas gumawa ng ingay o tunog sa kagubatan, ang mga tarsier ay bahagyang tahimik. Ang tunog na kanilang ginagawa ay kadalasang may kinalaman sa pangangalaga ng teritoryo o sakop, at sa espasyo sa pagitan ng grupo ng kalalakihan sa kababaihan. Ang tunog na nabubuo nito ay nag-iiba, mula sa mababa at iisang tono hanggang sa mataas na tila huni ng ibon. Kapag ang mga tarsier ay magkakasama, sabay-sabay silang lumilikha ng huni na animo ay sa mga kuliglig.

Maliban dito, gumagamit din sila ng amoy upang makipagtalastasan na kadalasan ay buhat sa mga likidong inilalabas ng kanilang katawan gaya ng ihi at laway.

[baguhin] Pangangalaga

Batay sa tala ng International Union for Conservative Nature – Conservation Monitoring Center, taong 1986 nang mapasama ang Philippine tarsier sa mga hayop na nanganganib ng maubos ang lahi. Dala na marahil ito ng patuloy na pagkasira ng kagubata na siyang tahanan ng mga tarsier at iba pang mga hayop.

Upang mapangalagaan at protektahan ang maliliit na hayop na ito, maraming batas at ordinansa na rin ang naipasa ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman ng Pilipinas, kabilang na ang Administrative Order No. 38, Series of 1991 na nagbibilang sa tarsier sa mga hayop na ipinagbabawal sa pandaigdigang kalakalan.

Ang Republic Act. No 7586 o National Integrated Protected Areas System Act noong 1991 ay nag-uutos na maglaan ng nararapat na santuwaryo upang pangalagaan ang Philippine tarsier. Dagdag pa dito ang Republic Act No. 9147, kilala rin bilang Wildlife Resources Conservation and Protection Act na nag-uutos naman sa pangangalaga ng buhay sa kagubatan (wildlife) at pagbilang sa tarsier sa flagship species ng programa.

Maliban sa mga batas ay samu't saring conservation initiatives ang isinasagawa ng mga publiko at pribadong grupo. Kabilang sa mga programa ay ang pagsasaayos ng kalikasan sa pamamagitan ng pagtatanim, gayun din ang paghuli sa mga nangangaso ng mga nanganganib na hayop sa Pilipinas. Nangunguna sa mga inisyatibong ito ay ang Philippine Tarsier Foundation, Inc..

[baguhin] Philippine Tarsier Foundation, Inc.

Ang PTFI na naka-base sa Lungsod Tagbilaran sa Bohol ay nabuo noong Abril 27, 1997 batay sa Memoradum of Agreement na pinirmahan ng kagawaran at naglalayon na:

  1. magtatag ng forest reserve sa lalawigan ng Bohol na magsisilbing santuwaryo ng Philippine tarsier;
  2. mangalaga at mangasiwa ng santuwaryo sa tulong na rin ng aktibong partsipasyon ng pamayanan;
  3. magtatag at magpanatili ng isang wildlife research labortory para sa pag-aaral ng kaligiran at biolohiya ng tarsier;
  4. magtayo ng pasilidad para sa mga turista/bisita para sa ecotourism, at pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa pangangalaga ng nasabing nanganganib na hayop.

Sa loob ng mahigit sampung taon, nakalikom na ito ng mahigit 7.4 hektarya ng lupain sa Corella, Bohol na nagsisilbing santuwaryo ng mga tarser sa probinsya; at di mabilang na proyekto na rin ang kanilang naisagawa alinsunod sa memorandum of agreement.


[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.


[baguhin] Sanggunian