Pedro Calungsod

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Larawan ni San Pedro Calungsod.


Si Pedro Calungsod (c. 1654 – 2 Abril 1672) ay isang Pilipinong Katolikong martir. Isa siyang akolito sa Hesuwitang misyonero na si Diego Luis de San Vitores. Pareho silang pinatay ng dalawang tubong Chamorro habang nangangaral ng Kristiyanismo sa Marianas Islands (na kilala ngayon bilang Guam).

Noong 5 Marso 2000, si Calungsod ang ikalawang Pilipinong ginawang beato ni Papa Juan Pablo II; ang una ay si San Lorenzo Ruiz noong 1981. Noong 21 Oktubre 2012, ginawa siyang ganap na santo ni Papa Benedicto XVI sa Vatican sa Roma.


Mga nilalaman

Buhay

Ipinanganak si Calungsod noong 1654. Apat na bayan sa Bisayas ang nagsasabing pinanggalingan niya: Ginatilan at Tuburan sa Cebu, Loboc sa Bohol, at Leon sa Iloilo. Ayon sa isang pamilya Calungsod mula sa Leon, “isang matagal nang ninuno [nila] ang sumama sa mga misyonaryong Hesuwitas na nangaral sa isang isla malapit sa Hawaii.”

Nakapag-aral si Calungsod sa isang paaralang pinalalakad ng mga Hesuwitas para sa mga kalalakihan kung saan natutunan niya nang husto ang katekismo at pakikipag-usap sa wikang Espanyol at Chamorro. Nahasa rin siya sa pagguhit, pagpinta, pag-awit, pag-arte, at pagkakarpintero. Nagpamalas ng natatanging kakayahan si Calungsod nang magsilbi siya sa Banal na Misa ayon sa Tridentine Rite na gumagamit ng wikang Latino.

Sa edad na labing-apat na taon, isa si Calungsod sa mga pinakabatang katekista at sakristan na piniling makasama ng mga Hesuwitas sa kanilang misyon sa Chamorros sa Isla ng Ladrones (Isla de los Ladrones o Isla ng mga Magnanakaw) noong 1667. Ang misyon na ito ay ginanap bilang pagbibigay-pugay kay Reyna Maria Ana ng Austria na tumulong maisakatuparan ang misyon. Ang Isla ng Ladrones ay kinalaunang tinawag na Marianas (Las Islas de Mariana).


Pedro Calungsor

Ayon sa isang tala, may isang katu-katulong sa simbahan noon si Padre Diego de Luis San Vitores na may pangalang Pedro Calungsor. Nakaligtas siya sa paglubog ng Buestra Señora dela Concepcion noong 1638 sa may baybayin ng Saipan (pinakamalaki sa mga isla ng Marianas). Si Calungsor ay nanirahan sa isla sa loob ng tatlumpung taon. Sa islang iyon siya nagkaroon siya ng asawa at anak na babae na siyang unang nabinyagan sa mga Chamorro.

Sinasabing si Calungsor ang naging kaagapay at tagasalin ni de San Vitore nang unang dumating ang mga Hesuwita sa isla, subali't tumakas si Calungsor. Bumalik si de San Vitore sa Pilipinas kung saan niya natagpuan ang bagong kaagapay sa katauhan ng batang si Pedro Calungsod.


Misyon

Noong 15 Hunyo 1668, sakay ng barkong San Diego, dumating si Calungsod kasama ang mga misyonerong Hesuwita sa Marianas. Nangaral sila tungkol sa Katolisismo at nagbinyag ng mga pamilya roon, nguni't sila ay nagkaroon ng mga pagsubok dahil ang kanilang ipinangangaral ay salungat sa mga paniniwala, tradisyon at kultura ng mga Chamorro.

Isa sa mga kailangan nilang harapin noon ang “Guma' Uritao” (bahay ng mga kalalakihan) na sinasabing lugar ng prostitusyon. Sa mga bahay na ito tinuturuan ang mga batang lalaki ng mga gawaing itinuturing na kailangan nila sa kanilang paglaki gaya ng paggawa ng bangka, pamamangka, paggawa ng mga kagamitan, pangingisda, at pakikipagtalik na itinuturo naman ng mga kababaihan.

Ipinag-utos ng mga misyonero ang pagpapasunog at pagpapagiba sa mga Guma' Uritao. Kapalit nito, itinayo ang Colegio de San Juan de Letran para sa mga lalaki at Escuela de Niñas para sa mga babae.

Hindi naging madali ang pagtanggap ng mga taga-Marianas sa pangangaral ng mga misyonero. Isang Tsino na nagngangalang Choco, dati ring nakaligtas sa lumubog na barko at napunta sa Marianas dalawang dekada bago dumating ang mga misyonero, ang sinasabing nagpakalat ng balitang nakapagdudulot daw ng kamatayan ang pagbibinyag sa tubig at paglalagay ng langis sa noo. Di nagtagal, pinasinungalingan din ni Choco ang kanyang mga sinabi, at nabinyagan din siya matapos ang isang buong araw na pakikipagtalo kay de San Vitores. Hindi naglaon, tinalikuran ni Choco ang paniniwala sa Katolisismo.


Kamatayan

Nagpatuloy ang mga usap-usapan tungkol sa diumanong masamang dulot ng pagbibinyag. Naging banta ito sa buhay ni Calungsod. Noong 2 Abril 1672, kasama ni Calungsod si de San Vitores para binyagan ang mga taga-Tomhon nang tumanggi ang isang dating Kristiyanong binyagan ang kanyang anak na babae. Ipinag-utos ng pinuno ng tribu na patayin ang Hesuwitang pari.

Dahil kasama si Calungsod sa mga gawain ng Sacramento ng Pagbibinyag, una siyang inatake ng dalawang katutubo. Bagama't may kalakasan, umiwas lamang si Calungasod sa mga pagsugod at piniling huwag lumaban bilang pagsunod sa mga aral ng Kristiyanismo. Sa halip na tumakbo, prinotektahan niya ang pari at tinamaan siya ng sibat. Binigyan siya ng absolusyon ni de San Vitores bago namatay ang paring Hesuwita. Pinagpuputol ang kanilang mga katawan at itinapon sa dagat sa Tomhom (na ngayon ay tinatawag nang Tumon).


Beatipikasyon

Nalaman lamang ng mga Pilipino ang buhay at kabanalan ni Calungsod nang mabeatipika si de San Vitore noong Oktubre 1985. Sa pangunguna ni Ricardo Cardinal Vidal, Arsobispo ng Cebu, sinimulan ang mga proseso ng beatipikasyon ni Calungsod noong 1994. Noong 1997, inaprubahan ng Vatican Sacred Congregation for the Causes of the Saints” ang resulta ng mga unang proseso. Isang positio o talambuhay ni Calungsod ang kinailangan ng Vatican, at natapos at inaprubahan ito noong 1999.

Pinarangalan ni Papa Juan Pablo II si Calungsod noong 27 Enero 2000 at kanyang idineklarang banal noong 2 Abril ng taon ding iyon. Idineklara ng Santo Papa ang petsang iyon bilang “Araw ni Pedro Calungsod.”


Pagtatanghal bilang ganap na santo

Itinakda bilang ganap na santo si Calungsod noong 21 Oktubre 2012. Siya ang ikalawang Pilipinong santo. Ipinahayag ng kalihim ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines na si Padre Marvin Mejia na maaaring gawing patron si Calungsod ng kabataang Pilipino o ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).

Maaaring itanghal na santo ang isang beato matapos mapatunayan ang mga himalang iniuugnay sa kanya. Sa kaso ni Calungsod, maraming tao ang nanalangin sa kanya at nagpatunay sa mga himalang kanyang nagawa.

Isang kwento ng isang batang lalaki na may kanser sa buto sa paa ang gumaling nang nanalangin siya kay Calungsod ayon sa payo ng kanyang pari at direktor espiritwal.

Isa namang biktima ng pangingidnap ang nanalangin din kay Calungsod na mailigtas siya mula sa kamatayan. Pinalaya siya ng mga dumakip sa kanya. Lumabas na nagkamali pala sila ng dinakip.

Nanalangin din ang babaeng anak ng isang manginginom na balo na hirap makahanap ng trabaho. Makalipas ang ilang panahon, nabawasan ang pag-inom ng kanyang ama at nagkaroon ng magandang trabaho at bagong asawa, gayon na rin ng panibagong buhay.


Panalangin kay Pedro Calungsod

“O Beato Calungsod, batang manlalakbay, mag-aaral, katekista, misyonero, tapat na kaibigan, martir, loob nami’y iyong pinalalakas sa iyong katapatan sa panahon ng pag-uusig; sa iyong tapang na ituro ang pananampalataya sa gitna ng pagkamuhi; at sa ngalan ng pag-ibig, dugo mo’y dumanak alang-alang sa Mabuting Balita.

“Angkinin mo ang aming alalahanin at agam-agam (ilahad ang kahilingan) at ipamagitan kami sa harap ng luklukan ng Awa at Biyaya upang sa aming pagkakamit ng tulong ng Langit ang Mabuting Balita'y lakas loob naming ipahayag at isabuhay dito sa daigdig. Amen.”



Sanggunian


Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.