Panunuluyan

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Pagsasadula sa kapanganakan ni Hesukristo
Ang Panunuluyan ay isang kaugaliang Kristiyano ng mga Filipino na nagtatanghal ng masalimuot na paglalakbay nina Santo Jose at Birheng Maria mula sa Nazareth patungong Bethlehem upang maghanap ng matutuluyan na mapagsisilangan kay Hesukristo. Ito ay hango sa salitang-ugat na “tuloy” na isang magiliw na pag-anyaya o pagpapatuloy ng panauhin sa loob ng tahanan.

Mga nilalaman

[baguhin] Kasaysayan

Noong panahon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas ay namayagpag ang kalakalang galyong Maynila-Acapulco. Dala ng nasabing matinding pakikipagkalakalan ay hindi lamang mga kanluraning produkto, kundi maging mga tradisyon at kaugalian. Mula sa Mexico ay nakarating sa Pilipinas ang Pasadas (nangangahulugang inn o hotel), isang tradisyon na nagdiriwang at nagbibigay-pugay sa ginawang paghahanap ng banal na mag-asawa ng pasadas o otel na matutuluyan para mailuwal si Hesus. Batay sa mga naiwang tala, taong 1580 nang ipakilala ni Santo Ignatius de Loyola ang pagdadasal ng Pamaskong Novena bilang pag-alala sa eksena ng natibidad. Sinubukan namang gawing isang pagtatanghal ni Santo Juan ng Krus ang nasabing eksena at makalipas ang pitong taon ay pinagyaman ng mga misyonerong Espanyol sa Mexico ang nasabing pagtatanghal at tinawag itong posadas.

[baguhin] Ibang Bersyon/Katawagan

Nang makarating sa Pilipinas ang posadas, binago ng mga Filipino ang ilang elemento nito batay na rin sa kaugalian at tradisyon nila. Nagkaroon din iba't ibang katawagan sa ritwal naito: Panunuluyan para sa mga Tagalog, Panawagan para sa mga Caviteño, Kagharong para sa mga Bicolano at Daigon, Pakaon o Patores sa mga Bisaya.

May dalawang anyo ang tradisyong ito – una ay pagsasadula ng mga aktor at aktres ng eksena ng natibidad, at ang pangalawa ay gamit naman ang ang mga banal na rebulto nina Santo Jose at Santa Maria. Sa unang anyo, ang isang barangay o parokya ay pumipili nga mga aktor at aktres na magpapanggap at dadamitan kahalintulad ng sa banal na mag-asawa. Sakay ng karitela o naglalakad, ang dalawa ay magbabahay-bahay na animo'y humihingi rin ng masisilungan. Kadalasan ay tinatanglawan ng mga tao sa simbahan ang kanilang dinadaanan gaya ng tala na siyang naging gabay ng tatlong mago sa paghahanap ng sabsaban ni Hesukristo. Ang Simbahan ang siyang dulo ng prusisyon.

Sa ikalawang anyo, ang mga rebulto nina Santo Jose at Santa Maria ay pinapalitan din ng anyo. Muli silang pinagdadamit busabos gaya ng kasuotan nila sa kanilang paglalakbay. Si Maria ay nilalagyan ng unan o kahit anong pampalaki ng tiyan upang siya'y magmistulang nagdadalantao.

  • Maytinis (Imus, Cavite) – Hango ito sa salitang Latin na Matins na nangangahulugang “mga salitang sumasamba sa Panginoon.” Sa halip na naglalakad ang mga tauhan ng palabas, si Santa Maria ay nakasakay sa isang bisiro na ginagabayan naman ni Jose. Sa kanilang unahan ay isang ceriales, at dalawang tukod ng kandila na tangan ng dalawang batang lalaki. Kasama rin sa prusisyon ang ilan sa mga naninirahan sa barangay na siyang nagisislbing mga tanglawa sa daanan ng banal na mag-asawa. Ang mag-asawa ay isa-isang kinakatok ang mga pintuan ng bawat tahanan at sinasambit ang mga kahilingang sila'y patuluyin sa tahanan kahit man lang para sa magdamag. Ang mga may-ari naman ay kani-kaniya ang pagtanggi na patuluyin ang mag-asawa. Kasabay nito, ang mga kasama sa prusisyon ay tuloy sa pag-awit ng mga himig pampasko.
  • Daigon (Bisaya) – Kaiba sa ibang lalawigan, ang Daigon ay nahahati sa apat na akto o tagpo – (1) ang Anunciation o ang pagpapakita ni Arkanghel Gabriel kay Santa Maria; (2) ang paghahanap nina Jose at Maria ng matutuluyan; (3) ang paggabay ng mga anghel sa mag-asawa na marating ang sabsabsan na pagsisilangan kay Hesukristo at; (4) ang huling tagpo ng natibidad.
  • Panawagan (Cavite at Batangas) – Sa Cavite, ang mga tauhan ng palabas ay naka-sinaunang kasuotan at lulan ng mga bangka na pumaparada sa mga munting ilog sa lalawigan. Sakay ng huling bangka ang mga pangunahing tauhan – sina Jose at Maria – na pagkarating sa pampang ng ilog ay magsisimula ng katukin ang ilang tahanan upang hilingin na sila'y patuluyin. Sa Taal, Batangas naman, ang mga pangunahing tauhan naman ay kumakatok sa lahat ng tahanang kanilang madaanan.
  • Pastores (Cebu, Leyte, Bohol, Negros at Panay) – Hango ito sa salitang pastor o shepherd. Ang mga tauhan sa pagtatanghal ay kapwa mga magbubukid at mangingisda at ang kanilang ganap dito ay minana nila sa mga ninuno nila na nagsipagganap din sa nasabing pagtatanghal. Dala ang kanilang mga instrumentong pang-musiko gaya ng gitara, ang mga tauhan ay nagsisipag-awitan ng kanilang pagbubunyi sa kabanalan ni Maria, ang kabutihang loob ni Jose at ang kadakilaan ng pagsilang kay Hesukristo.

[baguhin] Dagdag Kaalaman

Dahil sa madalas na pangingibang-bansa ng mga Filipino, ang tradisyong panunuluyan ay nakarating na rin sa iba't ibang estado sa Amerika gaya ng Hawaii, San Francisco, Seattle, Detroit, Chicago, Washington DC at New York.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.